top of page
Search

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 10, 2021




Maraming sikat na female stars ang nag-aalala para sa kanilang career kapag sila ay mag-aasawa na. Tiyak na limitado na raw ang role bilang leading lady lalo na kapag nagkaanak na.


Pero, may mga artista namang pinaghandaan na ang panahon ng kanilang pag-aasawa at piniling magpakasal at magpamilya kahit kasikatan pa nila tulad na lang nina Marian Rivera, Judy Ann Santos, Jolina Magdangal, Toni Gonzaga, Camille Prats, Anne Curtis, Solenn Heussaff, atbp..


Hindi nangyari ang kinatatakutan nina Marian, Juday, Jolina, Toni, Camille, Anne, Solenn, Iya Villania atbp. na malalaos sila kapag nagsipag-asawa. Hindi sila nawalan ng career at hindi nabawasan ang kanilang kasikatan.


Mas naging mabenta nga sila nang mag-asawa at magkaroon ng anak. Maraming product endorsements na dumating. Kaya kahit walang pelikula, lagi naman silang may product endorsement sa telebisyon kasama ang kanilang dyunakis, tulad ng mag-inang Marian at Zia, ganoon din si Judy Ann na napaka-smart at bibo ng anak na si Luna.


Si Jolina Magdangal, sobrang proud sa anak na si Pele. At si Toni Gonzaga, artistahin din ang anak nila ni Direk Paul Soriano na si Seve.


Si Camille, kamukhang-kamukha ang panganay niyang anak na lalaki. May mga commercials na silang mag-ina.


Bentahe nga ngayon kung ang isang artista ay may asawa at anak na. Hindi lang nalilimitahan sa shampoo, pulbos, lotion at sabon ang puwedeng i-endorse. Puwede silang mag-endorse ng mga produktong pambahay, mga gamit sa pagluluto, atbp. essential goods. Pati mga baby products ay puwede nilang i-endorse.


Masuwerte nga ang mga celebrity babies ngayon dahil kumikita na nang milyones sa endorsement.

 
 

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 09, 2021




Hindi lang ang entertainment press ang nabigyan ni Gretchen Barretto ng ayudang groceries at bigas. May mga showbiz celebrities din ang nakatanggap nito kaya nagpasalamat sa kagandahang-loob ni La Greta.


Ilan lang diyan sina Ai Ai delas Alas, Gelli de Belen, Aiko Melendez, Candy Pangilinan, Arnell Ignacio, Inday Garutay, atbp..


May ilang production staff ng ilang TV shows ang nabigyan din ng bigas at groceries. Maagang pamasko na ito ni Gretchen sa mga showbiz workers.


Kaya naman, umaapaw ang pasasalamat sa kanya ng lahat. Kung sana raw, ‘yung ibang mayayamang celebrities ay sama-sama at tulung-tulong sa pagse-share ng kanilang mga blessings para sa kanilang mga kasamahan sa movie industry, tiyak na mas marami pa ang mabibiyayaan, lalo na ‘yung mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID pandemic.


Ang bigas at groceries ay malaking bagay na sa panahon ng pandemya.


Samantala, may ilang netizens naman ang nagtataka-nagtatanong kung bakit super generous ngayon ni Gretchen Barretto? May plano ba siyang kumandidato sa 2022 elections kaya nagpaparamdam sa press people at sa mga kasamahan niya sa industriya?


Well, palagay namin, wala sa agenda ni La Greta ang pumasok sa political arena. Gusto lang niyang tumulong sa mga kasamahan sa showbiz. Tahimik at masaya na ang buhay niya ngayon. Hindi na niya kailangan ang power at anumang posisyon.

 
 

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 08, 2021




Nailibing na nga ang bulilit comedienne na si Mahal pero hanggang ngayon ay marami pa rin ang hindi lubos na makapaniwala sa biglaan niyang pagpanaw.


Maging ang malalapit niyang kaibigan at mga tagahanga ay nagulat sa bilis ng pangyayari.


Pinakaapektado sa lahat ay ang BF ni Mahal na si Mygz Molino. Hindi niya matanggap na wala na si Mahal. Masiglang-masigla pa raw ang bulilit na komedyana nang dumalaw sila kay Mura sa Bicol.


Hindi naman niya naramdamam na may iniindang sakit si Mahal dahil hindi nagsasabi sa kanya.


Nagpapasalamat naman ang mga kapatid ni Mahal kay Mygz Molino dahil inalagaan at minahal nito ang kanilang Ate Noemi (real name ni Mahal).


Napapanood nila ang mga vlogs nina Mahal at Mygz at nakita nila kung gaano kasaya si Mahal. Naramdaman nila ang sinseridad ni Mygz. Hindi ito naging mapagsamantala. Kaya naman, hindi na tinutulan ng mga kapatid ni Mahal kung may iniwan man ang kanilang Ate Noemi sa BF niyang si Mygz Molino.


Balitang-balita ngayon na may iniwang Last Will and Testament si Mahal kung saan ipinamamana niya ang condo na tinitirhan nila ni Mygz, pati na rin ang kanyang SUV.


Para naman sa mga netizens, tama lang na may iwanan si Mahal sa nobyo bilang alaala sa taong tunay na nagmahal sa kanya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page