top of page
Search

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 13, 2021




Nerbiyos na nerbiyos ang Diamond Star na si Maricel Soriano nang sumabak sa una niyang vlog. Hindi raw niya alam ang kanyang gagawin at sasabihin na pagkakainteresan ng publiko.


Kung ‘yung mahihirap niyang eksena sa mga pelikulang kanyang ginawa ay hindi siya kinabahan, sa pagba-vlog ay inatake ng matinding nerbiyos si Marya.


Pero dahil sa moral support ng mga kaibigan ay nairaos ni Maricel ang kanyang first ever vlog. At dito ay naikuwento ng Diamond Star kung sino ang dalawang tao na malaki ang naging impluwensiya sa kanya.


Una ay ang kanyang mommy na si Mama Linda na mula’t sapul ay nagbigay sa kanya ng lakas ng loob at nagsilbing inspirasyon sa kanyang career.


Ang pangalawa ay ang yumaong Comedy King na si Dolphy na itinuring na niyang ama at kapag may mabigat siyang problema, ito ang lagi niyang karamay.


Matagal bago natanggap ni Maricel ang pagyao ng kanyang Mommy Linda at Daddy Dolphy. Sila ang nagsilbing inspirasyon ni Marya sa kanyang career.


Maraming pinagdaanang ups and downs si Maricel, pero nalagpasan niya ang lahat. Matapang niyang hinarap ang mga bagyo at pagsubok sa kanyang buhay.


Ngayon, kahit papaano ay nararamdaman na niya ang peace of mind na matagal niyang hinahanap. Ang kanyang pinagkakaabalahan ngayon ay ang paggagantsilyo ng mga small items na nagagamit niya.


May mga circle siya ng kaibigan na regular niyang nakukumusta. At kahit hindi sila nagkikita-nagkakasama, alam niyang mga tunay na kaibigan ang mga ito.

 
 

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 12, 2021




Sa kabila ng pumakabilang-bakod na ang girlfriend niyang si Janine Gutierrez, mas pinili pa rin ni Rayver Cruz na manatiling Kapuso.


Very much deserving si Rayver na mag-renew ng kontrata sa GMA Network. Exclusive contract ang kanyang pinirmahan lately.


Rayver is a hardworking artist, very professional at malaki ang potential na mas sumikat pa nang husto. Bukod sa pag-arte, kumakanta at sumasayaw din siya. Nahasa na rin siya sa pagho-host.


Puwede siyang isabak kahit saang show. Given the chance, mas lalalim pa ang kanyang husay sa pag-arte.


Ikinatutuwa rin ng mga fans ni Rayver na mananatili siyang Kapuso at patuloy na mapapanood sa mga serye ng GMA-7. May balita rin na magtatambal sila ni Julie Anne San Jose sa isang rom-com.


Sa ngayon ay regular na bahagi ng All-Out Sundays si Rayver at dito niya nailalabas ang talent niya sa pagkanta at pagsasayaw.


Swak din ang tandem nila ni Julie Anne bilang Clash Masters sa singing competition na The Clash.


Grateful si Rayver Cruz sa GMA Network sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang aktor. Kaya naman pinagbubuti niya ang kanyang trabaho sa bawat project na ibigay sa kanya.

 
 

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 11, 2021



Sabi nga, sa bawat paghihiwalay ng mag-asawa o magkarelasyon ay laging may dalawang bersiyon — ang panig ng babae at ang panig ng lalaki.


At kadalasan, ang mga lalaki ang sinisisi dahil sa likas na mahina at marupok sa tukso. Sa iniwanang babae nakikisimpatya ang publiko.


At ganito nga ang nangyari nang magkahiwalay ang showbiz couple na sina LJ Reyes at Paolo Contis na nagsama ng anim na taon.


Nang magsalita na si LJ sa online show ni Boy Abunda, nawindang ang publiko sa kanyang ibinunyag. Naging emosyonal si LJ at dama ng lahat ang sakit na kanyang nararamdaman.


Hindi man niya siniraan si Paolo Contis, alam ng lahat ang bigat ng kanyang problema. Bumuhos ang simpatya kay LJ, samantalang durog na durog naman si Paolo sa mga bashers.


Pero, may depensa naman ang kampo ni Paolo. Huwag daw ibuhos lahat ng sisi sa aktor kung bakit nanlamig na kay LJ. Masyado raw nagger at selosa ang aktres kaya narindi na si Paolo at tuluyan na ngang nawalan ng gana sa karelasyon.


Teka nga, nagger ba talaga si LJ Reyes? Ang natatandaan namin na sinabi niya nang mag-guest siya sa programang Mars Pa More, ang isang bagay daw na ayaw sa kanya ni Paolo ay ang pagiging makulit niya.


Hindi nagger ang term na ginamit ni LJ kundi makulit. Siguro, ‘yun ang panahon na nakakaramdam na siya ng pagbabago sa ugali at ikinikilos ni Paolo kaya tinatanong at kinukulit na niya ang aktor.


Sa sitwasyon ng relasyon nina LJ at Paolo na nagsama nang hindi kasal, talagang makakaramdam ng insecurity ang babae. Wala kasi siyang karapatan na pagbawalan si Paolo sa gusto niyang gawin dahil hindi sila kasal.


‘Yun ang isang bagay na labis na inaalala ni LJ dahil may anak sila at mahal na mahal niya si Paolo Contis. Takot siyang mawala sa buhay niya ang aktor.


Pero, wala na nga siyang nagawa para isalba ang kanilang relasyon. Nauwi rin sa paghihiwalay ang lahat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page