top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | Feb. 25, 2025



Photo File: Comelec


Bumuo ng Task Force Respeto ang Commission on Elections (Comelec) bilang bahagi ng kanilang gagawing regulasyon sa mga pre-election survey. Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nais nilang gawing patas ang playing field sa mga kandidato, mayaman man ito o mahirap. 


Sa Huwebes, makikipagpulong ang Task Force sa opisyal ng mga survey firm. Una rito, sa inilabas na resolusyon ng Comelec, inaatasan ang mga survey firm na magparehistro sa poll body. 


Sabi ng Comelec, ang mga nagparehistro lang sa kanilang Political Finance and Affairs Department ang puwedeng magsagawa at magpakalat ng election survey habang umiiral ang election period. 


Para naman sa mga kumpanya na nagsasagawa na ng survey bago ang inilabas na resolusyon ng Comelec, binigyan sila ng 15 araw para magparehistro. Babala ng poll body, ang mabibigong sumunod dito ay puwedeng masuspinde, mapagmulta o maharap sa election offense.

 
 

nina Kaye Eugenio, Crystal Samson, Shine Hubilla (OJTs) @Info | Feb. 10, 2025



Senatorial Race 2025

Tatlong buwan mula ngayon muli nating ipapakita sa buong mundo ang ating katapatan sa ating bayan sa pamamagitan ng ating mga pagboto.


Maghahalal tayo ng mga magiging lider ng bansa na sa tingin natin ay makakatulong at susuporta sa atin at maging sa komunidad. Ilan sa kanila ay reelectionists, mga dati nang naupo na nagbabalik at mga baguhan.


At bago pa natin tuldukan ang ating mga balota, mabuting pusuan muna natin ang ilang mga kandidato na tatakbo sa pagka-senador para sa 2025 national and local elections.



RAMON “BONG” REVILLA, JR.


Isang actor-politician na kasalukuyang nagsisilbi bilang senador sa 19th Congress matapos mahalal noong 2019.



Si Bong Revilla ay nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Political Science at kumuha ng diploma courses sa Development Academy of the Philippines. Pinarangalan siya ng honorary degrees mula sa Cavite State University (Ph.D. in Public Administration) at Nueva Vizcaya University (Ph.D. in Humanities). Bilang mambabatas, pinamunuan ni Revilla ang Senate Committee on Civil Service at Public Works, na dati ring hinawakan ng kanyang ama (ex-Senator Ramon Revilla).


Isa sa kanyang mga panukala na nagtatak nang husto ay ang Senate Bill No. 2028: Revilla Bill, na nagpapalawak sa Centenarians Act of 2016. Ito na ngayon ang Expanded Centenarian Act. Sa ilalim ng batas na ito, tatanggap ang senior citizens ng P10K pagsapit ng edad 80, 85, 90, 95 at P100K naman kapag 100-anyos na.


Siya rin ang may-akda ng SB No. 1964, na ngayon ay Kabalikat sa Pagtuturo Act, na layong gawing permanente ang teaching allowance ng mga pampublikong guro. Sa nasabing batas, tataas ang allowance ng mga titser mula P5K ay magiging P7,500 at magiging P10,000 sa 2026-2027. Bukod sa pulitika, aktibo rin siya sa pelikula at telebisyon.



CHRISTOPHER LAWRENCE “BONG” GO


Nagtapos ng bachelor’s degree in marketing mula sa Ateneo de Davao University at kasalukuyang nagsisilbi bilang senador sa 19th Congress.



Isang public servant si Bong Go, na nagsimula noong 1998 bilang Executive Assistant ng noo’y Davao City Representative at dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Naging pangunahing tagapayo siya ni ex-P-Duterte at Special Assistant to the President noong 2016. Taong 2019, nahalal siyang senador na may higit 21 milyong boto. Si Go ang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at Senate Committees on Sports and on Youth.


Bilang senador, naging aktibo si Go sa pagsusulong ng mga batas na napapakinabangan na rin ng marami. Ito ang Malasakit Centers Act at BFP Modernization Act.


Pinangunahan din niya ang pagtatatag ng Super Health Centers, na layuning magbigay ng abot-kayang serbisyong medikal sa mga komunidad. Tinututukan niya ang mga programa sa kalusugan, edukasyon at disaster response, kabilang ang pagtatayo ng evacuation centers.


Sa ngayon, itinutulak niya ang mga panukalang batas para sa libreng annual check-up, mental health offices sa mga unibersidad, at mga programa para sa mga kabataan upang makaiwas sa droga.



MARIA IMELDA JOSEFA “IMEE” MARCOS


Anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating First Lady Imelda Marcos, at kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos. Siya ay kasalukuyang nagsisilbi bilang senador sa 19th Congress.



Noong 1998 ay nahalal si Imee Marcos bilang kongresista ng Ilocos Norte (2nd District) at nagtulak ng mga batas para sa kababaihan, OFWs, at kabataan. Taong 2010, naging gobernador siya ng Ilocos Norte, kung saan pinairal niya ang Task Force Trabaho na nagresulta sa mataas na employment rate sa lugar.


Pinasigla rin niya ang turismo sa pamamagitan ng Paoay Kumakaway! campaign, na naghatid ng milyun-milyong turista sa lalawigan. Sa kanyang pamamahala, bumaba sa 3.3% ang poverty rate sa Ilocos Norte pagsapit ng 2015. Noong 2019 ay pinalad na maging senador si Marcos, dala ang pangakong ipapalaganap sa bansa ang tagumpay ng kanyang mga programa sa Ilocos Norte.


Si Marcos ang chairperson ng Senate Committees on Cooperatives at Foreign Relations. Dahil malapit sa puso niya ang mga magsasaka kaya naman sumusuporta siya sa mga ito. Sa ngayon, isinusulong niya ang pagkakapantay-pantay ng minimum wage sa buong bansa.



FRANCIS “TOL” TOLENTINO


Nagtapos ng Bachelor of Arts in Philosophy at Bachelor of Laws degree sa Ateneo de Manila University. Nag-aral din siya sa University of Michigan Law School, University of London, at Columbia Law School para sa kanyang Master of Laws.



Siya ay kasalukuyang nagsisilbi bilang senador sa 19th Congress. Naglingkod si Tol Tolentino bilang mayor ng Tagaytay City mula 1986-1987 at muling nahalal noong 1995-2004. Naging chairman siya ng Metropolitan Manila Development Authority mula 2010-2015.


Noong 2017-2018 ay naging Presidential Adviser on Political Affairs siya ni ex-P-Duterte. Taong 2019, nahalal si Tolentino bilang senador, na ngayon ay chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at Senate Committee on Justice and Human Rights. Siya ang principal author ng Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act, na nag-aatas sa mga SIM card user na irehistro ang kanilang mga SIM card bago gamitin.


Sa pamamagitan ng batas na ito, maiiwasan ang scam o anumang krimen na may kaugnayan sa mga SIM card. Isa rin sa batas na kanyang naipasa ay ang Philippine Maritime Zones Act. Layon nitong ideklara ang karapatan ng Pilipinas sa loob ng “maritime zone” sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga legal base na maaaring magamit pang-ekonomiya, komersyal, panlipunan at iba pang uri ng aktibidad sa nasasakupan ng maritime zone ng bansa.



GREGORIO “GRINGO” HONASAN


Nag-aral sa kolehiyo ng Bachelor of Science sa Philippine Military Academy at Masters Degree in Business Management sa Asian Institute of Management.



Si Gringo Honasan ay isang retired military colonel at founder ng Reform the Armed Forces Movement (RAM).


Naging board member ng Northern Mindanao Development Bank mula 1983-1986 at itinalaga bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology noong 2019-2021.


Taong 1995 nang maging senador si Honasan, siya ang unang independent candidate sa history ng Pilipinas na nanalo sa national elections. Noong 2001, muli siyang nahalal bilang senador gayundin noong 2007.


Sa loob ng halos 21 taon na paglilingkod, isa sa mga naipasa niyang batas ay ang Philippine Animal Welfare Act at Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.


Siya rin ang principal author at co-author ng Clean Air Act of 1999, Clean Water Act, Disaster Risk Reduction Management Act of 2009, at ang Solid Waste Management Act of 2000. Sa edad na 76, si Honasan ay muling sasabak sa Senado.



VICENTE “TITO” SOTTO III


Isang actor-politician at atleta, na nagtapos ng Bachelor of Arts in English sa Colegio de San Juan de Letran.



Unang pinasok ni Tito Sotto ang mundo ng pulitika noong 1988 at nahalal na vice mayor ng Quezon City. Taong 1992 nang maging senador si Sotto at muling naupo sa Senado noong 1998.


Sa unang dalawang termino niya bilang senador, nagsilbi siyang Assistant Majority Floor Leader at chairman ng Senate Committees on Local Government and Tourism, at naging miyembro rin ng Commission on Appointments. Ilan sa mga batas na kanyang naipasa ay ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Seats Belts Use Act of 1999, Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, Kasambahay Law, Mental Health Act of 2017. Si Sotto ay isa sa mga nagpahayag ng muling pagtakbo sa pagka-senador.



PANFILO “PING” LACSON


Nagtapos ng Bachelor of Science sa Philippine Military Academy at Master in Government Management sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.



Bago maging senador, si Ping Lacson ay itinalaga bilang hepe ng Task Force Habagat PACC noong 1992-1995. Siya rin ay naging chief ng Anti-Organized Crime Task Force noong 1998-2001 at pinamunuan ang Philippine National Police taong 1999-2001. Naglingkod siya sa Senado ng tatlong termino mula 2001-2013 at 2016-2022.


Noong 2022, kabilang si Lacson sa mga tumakbo sa pagka-presidente subalit hindi pinalad na manalo. Isa ang Anti-Money Laundering Act of 2001 sa mga batas na kanyang naipasa, gayundin ang Anti-Red Tape Act of 2007, Anti-Hazing Law of 2018, Bayanihan To Heal As One Act of 2020, Anti-Terrorism Act of 2020 at National ID Law.


Tandaan, ang masusing pagpili ng ating iboboto ay napakahalaga dahil dito nakasalalay ang kinabukasan, kapakanan at kabutihan ng mamamayan at ng ating bayan.

 
 

ni Angela Fernando @News | Nov. 8, 2024



Photo: Philippine Ambassador to the us Jose Manuel Romualdez - OWWA / PCO


Pinayuhan na ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, bago pa man manalo si Donald Trump sa pagkapangulo sa naganap na eleksyon kamakailan sa United States (US), ang tinatayang 250K hanggang 300K na ilegal na imigranteng Pinoy sa nasabing bansa na boluntaryong umuwi upang maiwasan ang posibilidad na mapasali sa blacklist.


“Some of them have already filed and so therefore they are here in limbo, meaning to say they are waiting for their papers to pass through. My advice to many of our fellowmen who are actually still here but cannot get any kind of status, my advice is for them not to wait to be deported,” saad ni Romualdez sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) nitong Biyernes.


Ayon pa kay Romualdez, magiging isang pangunahing operasyon ang deportasyon at malaki ang posibilidad na maipatupad ni Trump ang bagong batas sa imigrasyon dahil kontrolado ng mga Republican ang parehong House at Senate.


Binigyang-diin din ni Romualdez na ang mga ilegal na imigrante ang maaaring isa sa mga dahilan kung bakit mas pinili ng karamihan sa mga Filipino-American si Trump kaysa kay Vice President Kamala Harris sa nagdaang eleksyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page