top of page
Search

ni Lolet Abania | June 13, 2021




Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang tumakbo ang “Wowowin” host na si Willie Revillame bilang senador sa 2022 elections.


“Willie, si Mayor ‘to. Kumusta ka? Matagal na tayong ‘di nagkita pero palagi kitang naaalala dahil gusto ko sanang maging senador ka,” ani Pangulong Duterte sa isang video message.


Ayon kay P-Duterte, nagdadalawang-isip si Revillame na tumakbo bilang senatorial candidate sa susunod na halalan.


Gayunman, sinabi ng Pangulo na ang slot na nakalaan para kay Revillame ay “bukas hanggang sa huling minuto.”


“Kung ayaw mo na talaga eh, ‘di puwede na tayong mag-usap ulit,” ayon sa Punong Ehekutibo.


Sinabi pa ng Pangulo na hanga siya sa abilidad at husay ni Revillame dahil madali itong kumonekta sa publiko. “Bilib ako sa appeal mo sa masa,” ani P-Duterte.

 
 

ni Lolet Abania | June 11, 2021



Nasa 1.6 milyong Pilipino abroad ang dapat na magparehistro para sa 2022 national at local elections, ayon sa Commission on Elections ngayong Biyernes.


Sa ginanap na ikalawang media conference na nakatuon sa overseas voting, ayon kay Atty. Philip Luis Marin ng Comelec Office for Overseas Voting (OFOV), may kabuuan o nasa 1,423,941 kuwalipikadong mag-register na overseas voters nitong May 19, 2021.


Hindi kabilang dito ang mayroong multiple registration sa system ng Comelec.


“The target upon consultation with the Department of Foreign Affairs to register is about 1.6 million or more if possible,” ani Marin.


Gayunman, sinabi ni Marin na inaasahan ng Comelec na mahigit sa 580,000 voters ang makakaboto mula sa mga Pilipino abroad sa nalalapit na eleksiyon.


“Ang estimated number of voter turnout na tinitingnan namin will be about 580,212. Ang estimation na puwede pang ma-register sa overseas voting is around 1,657,715,” saad ni Marin.

Umaasa rin si Marin na maraming overseas voters ang makakapagsulat sa kanilang mga balota sa darating na halalan.


Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Marin na ang bilang ng mga overseas voters na nakarehistro ay tumaas simula noong 2004. Noong 2019, mayroong 1,822 milyong voters abroad na nakapagparehistro, habang noong 2016, nasa 1,376 milyon ang nakarehistrong Pilipino.


Gayunman, ang voter turnouts ay tumaas sa panahon ng presidential elections. Ipinakita rin ni Marin na nasa 31% mula sa kabuuang nakarehistrong voters abroad ang bumoto sa 2016 elections, habang 18.46% lamang ang total registered voters sa ibang bansa na nakilahok sa 2019 midterm elections. Ang registration period para sa overseas voting ay mula December 16, 2019 hanggang September 30, 2021.


 
 

ni Lolet Abania | June 10, 2021




Hindi pa lubos na tinanggihan o nagsabi ng ‘no’ si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng pagtakbo nito sa vice-presidential bid sa 2022 elections, ayon sa kanyang spokesperson na ibinase sa pahayag ng ruling PDP-Laban Party.


“The President's words are clear. I don’t need to construe,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa regular niyang press briefing ngayong Huwebes, hinggil sa statement ni P-Duterte na inayawan niya ang panawagan ng PDP-Laban na tumakbong bise-presidente.


“He is saying ayaw niya, pero hindi pa niya sinasabing hindi,” ani Roque. Ayon kay Roque na isa ring lawyer, walang legal na hadlang kay P-Duterte para tumakbo sa vice-presidential race kahit huling minuto na ito, tulad ng kanyang ginawa noong 2016 elections nang mag-file ng kandidatura sa pagka-pangulo bilang substitute noong December 2015. “The Omnibus Election Code allows for that,” saad ng kalihim.


Matatandaang nabanggit ni Roque na wala pang pagkilos na nagaganap para ipagpatuloy ni Pangulong Duterte ang kanyang tungkulin dahil aniya, bababa ito sa puwesto kapag natapos na ang kanyang termino sa June 30, 2022.


Sa isang pulong noong May 31, ang PDP-Laban national council ay nag-adopt ng resolusyon upang himukin si P-Duterte, ang chairman ng partido, na tumakbo bilang vice-president sa 2022 elections at pumili ng kanyang running mate sa pagka-pangulo. Ang naturang meeting ay pinayagan mismo ni Pangulong Duterte.


Gayunman, sa isang interview ni Pastor Apollo Quiboloy na inere sa Davao City nitong Martes ng gabi, sinabi ng 76-anyos na Pangulo na hindi niya iniisip na tumakbong bise-presidente.


Subalit, ayon sa PDP-Laban o Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan, ang pahayag ni Pangulong Duterte ay hindi direktang tinanggihan ang kanilang kahilingan.


Paniwala naman ni Melvin Matibag, ang secretary-general ng partido, bukas pa rin si P-Duterte para sa pagtakbo bilang vice-president sa susunod na taon. “Ang linaw naman nu’ng sinabi niya, I will resist. Hindi naman niya sinabi I will reject,” ani Matibag.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page