top of page
Search

ni Lolet Abania | November 23, 2021



Dalawang beses ngayong taon si Senador Manny Pacquiao na lumabas na negatibo sa test sa paggamit ng cocaine at methamphetamine matapos na sumailalim sa anti-dope tests mula sa Voluntary Anti-Doping Association (VADA), ayon sa kampo ng senador ngayong Martes.


Sa isang pahayag, ibinulgar ni Pacquiao na isa ring presidential aspirant, ang kanyang drug test results na may petsang Hulyo 28, 2021 at Setyembre 8, 2021.


Aniya, ito ay isinagawa bago pa ang kanyang laban sa Las Vegas kay Youdenis Ugas. “The test covers a wide range of performance enhancing drugs that include anabolic agents like steroids and all stimulants like cocaine and methamphetamine,” ani Pacquiao sa isang press statement.


Ayon kay Pacquiao, nakapaloob sa VADA test ang daan-daang mga ipinagbabawal na substances, kung saan mas malawak ito kumpara sa aniya, “ordinary drug tests in the Philippines.”


Paliwanag ng Filipino boxing legend na ang mga atleta ay required na kumuha ng anti-doping tests bago pa lumaban sa anumang international competition.


Una nang naiulat na sumailalim sa voluntary drug testing nitong Lunes sina presidential aspirant Senador Panfilo Lacson at kanyang running mate Senate President Vicente Sotto III sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ipinakita sa publiko ang kanilang negative results.


Isa pang presidential bet na si dating Senador Ferdinand “Bongbong/BBM” Marcos Jr. ang sumailalim sa isang cocaine test na nakakuha rin ng negatibong resulta.


 
 

ni Lolet Abania | November 17, 2021



Tinanggap na ni Davao City Mayor Sara Duterte ang chairmanship sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang partido pulitikal na nangunguna sa kanyang kampanya sa pagka-bise presidente sa May 2022 elections.


Ito ay matapos na ialok sa kanya ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang naturang posisyon ngayong Miyerkules ng umaga.


“I am honored to accept the chairmanship of Lakas-CMD,” ani Mayor Sara sa isang statement na ipinadala ng kanyang spokesperson na si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco.


“Together with the party, I look forward to waging a successful campaign for Uniteam BBM-Sara, with the invaluable support of our fellow Filipinos,” dagdag pa nito.


Noong Nobyembre 11, sumapi si Mayor Sara sa Lakas-CMD makaraang umalis sa Hugpong ng Pagbabago, ang regional party na kanyang itinatag.


Dalawang araw matapos nito, naghain ng certificate of candidacy si Mayor Sara para sa pagtakbo nito sa pagka-bise presidente sa 2022 elections sa ilalim ng partido Lakas-CMD via substitution.


Kasunod naman ang pagkumpirma ni Mayor Sara sa pagtakbo na ka-tandem ang presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


 
 

ni Lolet Abania | October 27, 2021



Nagpahayag ng suporta ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa lehislatibong panukala na magpapataw ng P100,000 multa laban sa mga political aspirants na idineklara bilang nuisance candidates.


Iminungkahi naman ng poll official ang tinatawag na automatic disqualification laban sa mga naideklarang nuisance candidates ng two consecutive polls o dalawang magkasunod na eleksyon sa anumang posisyon.


Sa ginanap na Senate electoral reforms committee hearing, sinuportahan ni Comelec Law Department Director Maria Norina Tangaro-Casingal ang House Bill 9557 na layong mapatawan ng stiffer penalties o mabigat na parusa sa mga nuisance candidates.


“We support the imposition of the fine of P100,000,” wika ni Casingal, na aniya ang Omnibus Election Code ay hindi nagpapataw ng multa laban sa mga idineklara bilang nuisance candidates.


“We also would like to propose that those who have been declared as nuisance candidates be disqualified from running for two successive elections,” saad ni Casingal sa mga senador.


Si Senador Imee Marcos, ang chairperson ng naturang Senate panel, ay sang-ayon naman sa panukalang ito ng Comelec , aniya, “This is a good idea.”


Nilinaw naman ni Casingal na iyong mga naideklarang nuisance candidates ay hindi maaaring maghain ng substitution para sa ibang kandidato.


“They can no longer substitute also, your honors, if they have been declared as a nuisance candidate for two successive elections, for any elective position. That’s our proposal,” sabi pa ni Casingal.


Ayon sa Comelec, umabot sa 251 filers ng certificate of candidacies (COCs) para sa pangulo, bise presidente, at senador, na idineklara bilang nuisance candidates sa panahon ng 2016 national at local elections.


Noong 2019, mayroon namang 84 idineklarang nuisance candidates para sa senatorial position lamang.


Ang HB 9557 ay layong magbigay ng episyenteng pamamaraan sa pagdedeklara ng isang nuisance candidate at pagpapataw ng mabigat na parusa sa nuisance candidate, at sinumang naging dahilan para maghain ng COC ang naturang kandidato sa pamamagitan ng pag-amend ng Omnibus Election Code.


Noong Agosto 2021, ang House of Representatives ay inaprubahan ang HB 9557 sa ikatlo at pinal na pagbasa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page