top of page
Search

ni Lolet Abania | February 8, 2022



Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Martes na isa pang petisyon na inihain laban kay presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang na-dismiss.


Sa isang virtual press conference, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang petisyon na nai-file ni Tiburcio Marcos ay ibinasura na ng commission.


Sa petisyon ni Tiburcio Marcos, iginiit nitong ang “impostor” na si Bongbong Marcos ay hindi nag-e-exist bilang isang legal person at ang tunay na Marcos Jr. ay patay na noon pang 1975.


Una nang inanunsiyo ni Jimenez na ang petisyon ay na-dismiss na bago pa ang Bagong Taon. Subalit, wala pang ibinibigay ang Comelec na kopya ng desisyon.


Ayon kay Jimenez, mayroong isang petition kay Marcos para ipakansela ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-pangulo at 4 na disqualification cases laban sa dating senador na nananatiling pending sa Comelec.


Noong Disyembre 16, ibinasura ng Comelec ang petisyon na inihain ni Danilo Lihaylihay, kung saan ipinadedeklara nito si Bongbong Marcos bilang isang nuisance candidate.


 
 

ni Lolet Abania | February 7, 2022



Magsisimula na bukas, Pebrero 8, 2022 ang opisyal na campaign period na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa lahat ng kandidato sa national at local elections 2022, kung saan karamihan sa kanila ay piniling gawin ang proclamation rallies sa kanilang kinagisnang bayan.


Ayon sa Comelec, malaki ang pagkakaiba ng kampanya ngayong taon kumpara sa nakagawian ng mga Pilipino dahil na rin sa pandemya ng COVID-19. Ang mga rules o panuntunan para sa 2022 campaigns ay nakasaad sa Comelec Resolution No. 10730.


Ipagbabawal ang pangangampanya sa Abril 14 at 15 (Maundy Thursday at Good Friday), gayundin sa bisperas ng araw ng eleksyon at sa araw mismo ng halalan, Mayo 8 at 9.


Narito ang mga nakaiskedyul na proclamation rallies ng anim na presidential at vice presidential tandems bukas, Pebrero 8:


• VP Leni Robredo-Sen. Kiko Pangilinan -- Gaganapin sa Magsaysay Avenue, Naga City ng alas-5:30 ng hapon habang maglilibot muna sa Camarines Sur.


• Sen. Panfilo Lacson-Sen. Vicente Sotto III – Gaganapin sa Imus Grandstand, Cavite ng alas-5:00 ng hapon


• Sen. Manny Pacquiao-Lito Atienza – Gaganapin sa General Santos City ng alas-3:00 ng hapon


• Ferdinand Marcos Jr.- Mayor Sara Duterte – Gaganapin sa Philippine Arena, Ciudad de Victoria, Santa Maria, Bulacan ng alas-4:00 ng hapon.


• Mayor Isko Moreno Domagoso-Willie Ong – Gaganapin sa Kartilya ng Katipunan o Bonifacio Shrine, Manila ng alas-4:30 ng hapon.


• Leody de Guzman-Walden Bello – Gaganapin sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi.


Samantala, isasagawa naman ng presidential aspirant na si Dr. Jose Montemayor Jr. ang kanyang kampanya sa Pasay City.


Habang si presidential bet Ernesto Abella ay sa Dasmariñas City, Cavite naman gagawin sa Miyerkules, Pebrero 9.


 
 

ni Lolet Abania | February 5, 2022



Inamin ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong/BBM” Marcos Jr. na nag-aalala siya hinggil sa usapin ng election disqualification case na inihain laban sa kanya, subalit kampante naman siya kung ang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang papalit sa kanya.


Posible itong mangyari, kung ang dalawang survey frontrunners ay mananalo sa eleksyon ngayong taon at si Marcos ay ma-disqualified.


Sa isang television interview ni Korina Sanchez na ipinalabas ngayong Sabado, positibong sinagot ni Marcos nang tanungin siya kung puwedeng mangyari ang ganitong senaryo.


“Yes. If I am disqualified,” diin ni Marcos. “Of course, I take everything seriously. I worry about everything but I don’t let it distract me from the campaign,” paliwanag ni BBM.


Samantala, hindi pa naglalabas ang Commission on Elections’ (Comelec) First Division ng kanilang desisyon hinggil sa consolidated petitions para sa disqualification ni Marcos sa presidential race.


Nag-ugat ang mga naturang petisyon mula sa 1995 tax evasion conviction ni BBM. Ito ay hiwalay na inihain ng mga martial law survivors, na pinangunahan ni Bonifacio Ilagan; Akbayan party-list; at Abubakar Mangelen. Kailangan naman ang mayoryang boto para i-grant o ibasura ang mga petisyon.


Matatandaang ibinulgar ni retired Comelec Commissioner Rowena Guanzon noong nakaraang linggo na siya ay bumotong pabor sa consolidated case ni Marcos kaugnay ng mga petisyon.


“He was convicted. Convicted! Marcos Jr. was convicted, he’s a convict! How many times do I have to say he’s a convict? He was convicted twice in the regional trial court and in the Court of Appeals,” giit ni Guanzon sa isang hiwalay na interview.


Nang bumalik sa Pilipinas noong 1991 mula sa 5-taong exile o pagpapatapon sa Hawaii, matapos na ang mapaalis sa puwesto ang kanyang ama sa pamamagitan ng “People Power Revolution”, sinubukan na nina Marcos at ng pamilya nito na muling itayo ang kanilang imahe, kung saan nabahiran ng mga umano’y human rights violations sa panahon ng administrasyong Marcos.


Gayunman, ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), nakarekober na ang gobyerno ng P174 billion ng umano’y Marcos ill-gotten wealth.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page