top of page
Search

ni Lolet Abania | February 16, 2022



Sinimulan ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules ang pagbabaklas ng mga campaign posters ng mga kandidato na napakalaki at lagpas sa itinakdang sukat o nakapaskil sa mga maling lugar.



Katuwang ng ahensiya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ikinasang “Operation Baklas” sa buong National Capital Region (NCR).


Sa isang livestreaming na ipinalabas ng Comelec’s official Facebook page, pinagbabaklas ng mga awtoridad ang mga campaign poster ng dalawang magka-tandem na mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo dahil sa malalaking tarpaulin na nakapaskil na nagpo-promote sa mga ito.


Aabot lamang sa 2 by 3 feet ang pinakamalaking campaign poster na pinapayagan ng Comelec, kahit pa nakapaskil ito sa pribadong pag-aari katulad ng mga tirahan.


Sa isang press conference, ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, “we’re just making steps to ensure that our laws are complied with.”


Itinago naman sa MMDA ang mga binaklas na posters habang hindi ito ibabalik sa mga kandidato dahil maaaring gamitin itong ebidensiya sa pagsasampa ng election offense.


 
 

ni Lolet Abania | February 11, 2022



Umaasa umano si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong/BBM” Marcos Jr. na matatanggap ang pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa May 9 elections, ayon sa kanyang spokesperson.


Sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na ang makuha ang suporta ni Pangulong Duterte ay “big boost” o malaking tulong para mailuklok si Marcos sa Malacañang.


“Well, kami ay hopeful. Kagaya ng sinabi rin naman I think ng nakararami kundi man lahat ng presidential candidate, it could be a big boost to get the endorsement of President Rodrigo Roa Duterte,” sabi ni Rodriguez sa isang interview ngayong Biyernes.


“Hindi kami inosente sa ganu’n. Gusto rin namin makuha ang endorsement ni Pangulong Duterte but hanggang nga sa ngayon eh, siguro nag-iisip pa ang ating Pangulo.”


“Maghihintay kami at patuloy na aasa na makuha namin ang kanyang matamis na oo,” sabi pa ni Rodriguez. Una nang binanggit ng anak ni Pangulo Duterte, na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na umaasa siya na makukuha ang suporta ng kanyang ama sa kanilang kandidatura.


Si Mayor Sara ang running mate ni BBM para sa UniTeam. Ang Marcos-Duterte tandem ang nangunguna umano sa kanilang mga katunggali, batay sa mga isinagawang surveys.


Sa isang taped public briefing na ipinalabas nitong Lunes, ipinahayag ni Pangulong Duterte na wala pa siyang napipisil na susuportahan na presidential candidates para sa darating na national elections.


Subalit, sa kabila ng hindi pagsuporta sa sinuman, naniniwala ang Pangulo na kuwalipikado ang lahat ng mga kandidato na tumakbo sa eleksyon.


 
 

ni Jeff Tumbado | February 10, 2022



Ilang mga sikat na showbiz personalities ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa kandidatura ng Ang Probinsyano Partylist sa nalalapit na May 9, 2022 national and local elections.


Nanguna sa mga nagpahayag ng kanilang suporta si King of talk show host na si Boy Abunda. Gayundin sina Piolo Pascual, JM De Guzman, Ella Cruz, Jason Abalos at Vickie Rushton. Sa pag-arangkada ng grand proclamation rally at motorcade ng Ang Probinsyano ay kasama mismo si Abunda sa pag-iikot sa Marikina City.


Sa kanyang talumpati, sinabi ni Abunda na suportado niya ang Ang Probinsyano Partylist dahil siya mismo ay isang probinsyano.


Sabi pa niya, “naiintindihan ng Ang Probinsyano Partylist ang aking pagkatao, hindi lamang ang aking pangangailangan”. Katunayan aniya, nang humagupit ang bagyong Odette nito lamang Disyembre, isa sa mga unang tumulong sa mga biktima ng bagyo sa mga apektadong probinsya ang Ang Probinsyano Partylist.


“Napakarami ring proyekto ng Ang Probinsyano Partylist para sa mga kapwa probinsyano partikular na sa Samar, Cebu, Palawan, Siquijor at maging dito sa Metro Manila ay may mga tinutulungan din sila,” paliwanag pa ng king of talk show.


Para kay Abunda, wala nang iba pang higit na makakaunawa sa mga probinsyano kundi ang kapwa probinsyano rin. Kaya sa darating na eleksyon, hiling nito na pahalagahan ng mga Pilipino ang kanilang boto dahil ito ay makapangyarihan at sagrado.


Hiniling din niya ang suporta ng mga Pilipino sa Ang ProbinsyanoPartylist upang maipagpatuloy pa nito ang pagtulong at pagbuo ng mga batas at programa para sa mga probinsyano.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page