ni Lolet Abania | November 17, 2021
Tinanggap na ni Davao City Mayor Sara Duterte ang chairmanship sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang partido pulitikal na nangunguna sa kanyang kampanya sa pagka-bise presidente sa May 2022 elections.
Ito ay matapos na ialok sa kanya ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang naturang posisyon ngayong Miyerkules ng umaga.
“I am honored to accept the chairmanship of Lakas-CMD,” ani Mayor Sara sa isang statement na ipinadala ng kanyang spokesperson na si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco.
“Together with the party, I look forward to waging a successful campaign for Uniteam BBM-Sara, with the invaluable support of our fellow Filipinos,” dagdag pa nito.
Noong Nobyembre 11, sumapi si Mayor Sara sa Lakas-CMD makaraang umalis sa Hugpong ng Pagbabago, ang regional party na kanyang itinatag.
Dalawang araw matapos nito, naghain ng certificate of candidacy si Mayor Sara para sa pagtakbo nito sa pagka-bise presidente sa 2022 elections sa ilalim ng partido Lakas-CMD via substitution.
Kasunod naman ang pagkumpirma ni Mayor Sara sa pagtakbo na ka-tandem ang presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.