ni Lolet Abania | February 9, 2022
Mapayapa sa kabuuan ang unang araw ng campaign period para sa lahat ng kandidato na tatakbo sa national positions sa May 9 elections, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang radio interview, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mayroon lamang na tatlong nai-report na insidente ng karahasan sa Mindanao subalit aniya, wala itong kaugnayan sa eleksyon.
“So far, base po sa mga na-receive nating report, ay generally peaceful naman po ‘yung first day po ng campaign period ng ating mga national candidate,” diin ni Fajardo.
Subalit, ayon kay Fajardo, naobserbahan nila na ang social distancing protocol na itinakda dahil sa panganib pa rin ng COVID-19 ay nilabag sa ilang campaign rallies.
Inamin naman ng opisyal na ang pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga campaign rallies ay malaking hamon sa pulisya.
Una nang sinabi ni Fajardo na ipapatupad ng PNP ang maximum tolerance sa pag-iimplementa ng mga election guidelines at COVID-19 health standards sa lahat ng campaign rallies upang maiwasan ang anumang tensyon sa panahon ng nasabing aktibidad.
Aniya, tututukan ng PNP ang pagpapatupad ng election guidelines na itinakda ng Commission on Elections, habang ang mga barangays officials nakatuon naman para tiyakin na nasusunod ang minimum public health standards.
Opisyal na nagsimula nitong Martes, Pebrero 8, ang 90-day official campaign period para sa mga kandidato na tatakbo sa national positions.