top of page
Search

ni Lolet Abania | May 14, 2022



Nasa kabuuang 105 indibidwal ang nahuli sa Metro Manila dahil sa paglabag ng mga ito sa May 8-9, 2022, election day liquor ban, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).


“We have arrested 105 persons who violated our liquor ban implemented at the dawn of May 8 up to the midnight of May 9,” saad ni NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.


“It was considered a violation of election laws. Complaints were filed against them,” dagdag ng opisyal.


Ini-report din ni Tecson na walang nai-record ang NCRPO na anumang election-related na insidente ng karahasan sa NCR.


“Masasabi po natin na ito po ay naging very peaceful... peaceful national and local polls in NCR dahil wala po tayong naitala na election-related violent incident,” sabi ni Tecson.


Ayon kay Tecson, ang sinasabing Black Friday Protest na isinagawa ng iba’t ibang grupo sa Philippine International Convention Center (PICC) ay aniya, “orderly and peaceful.”


Kinondena ng mga raliyista ang umano’y lapses na ginawa ng Commission on Elections (Comelec) sa panahon ng eleksyon.


 
 

ni Lolet Abania | May 12, 2022



Umabot sa 27 'insidente' ang nai-report na nangyari noong Mayo 9, Election Day, na nagresulta sa pagkamatay ng pitong indibidwal, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).


“Sa mismong araw ng eleksyon, ito po ay nu’ng May 9, nakapagrehistro tayo ng 27 incidents,” pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Huwebes.


Ayon kay Año, bukod sa pitong nasawi, nasa 33 pa ang nasaktan sa mga naturang insidente.


Aniya, mayroong 11 shooting at mauling incidents na naganap sa Albay, Negros Oriental, Cotabato City, Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, at Zamboanga del Norte.


Sa Maguindanao at Cotabato, nai-report ang tatlong grenade explosions, habang dalawang strafing incidents o pagpapaulan ng bala ng baril sa Basilan.


Nakapagtala naman ng apat na insidente ng kaguluhan sa Maguindanao, Camarines Sur, Lanao, at Tawi-Tawi.


Sinabi rin ni Año na dalawang insidente ng ballot snatching ang naganap sa Lanao del Sur at Basilan, habang tatlong insidente ng sapilitang pagpasok ng mga ‘di awtorisadong indibidwal sa mga polling precincts ang naiulat sa Batangas, Maguindanao at Abra.


Gayundin, dalawang insidente ng pagwasak sa mga vote counting machines (VCMs) ang nai-report sa Lanao del Sur.


Ayon pa kay Año, anim lamang mula sa 27 nai-report na insidente sa mismong araw ng eleksyon ang hinihinala bilang election-related.


 
 

ni Zel Fernandez | May 12, 2022



Kasunod ng pagkalat ng viral video na nagpapakitang pinagpupunit ng mga unipormado ang mga balota sa Cotabato City, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magiging transparent umano ito sa imbestigasyon ng insidente.


Bunsod ng takot ng mga guro sa nabanggit na lungsod, umatras ang mga ito kaya nagsilbing electoral board members ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) nitong halalan.


Kaya para kay Comelec Commissioner George Garcia, "unfair" umanong sabihin na ang mga pulis ang gumawa ng pagpunit sa mga balota dahil maaari aniyang nagpapanggap lamang ang mga sangkot bilang law enforcer, ngunit hindi naman tunay na miyembro ng mga awtoridad ang mga ito.


Gayunman, kung totoo raw aniya na mga pulis mismo ang pumunit sa mga balota, hindi umano ito aksidente kundi sinadya.


Paliwanag ni Garcia, hindi aniya laging 100% ang voter turnout sa isang presinto kaya mayroong natitirang mga balota na kailangan umanong i-account sa harap ng watchers.


Paglalarawan pa nito, ang mga sobra o natirang mga balota ay pupunitin nang pahaba, hahatiin at isisilid sa dalawang magkahiwalay na lalagyan kung saan ang isa ay para sa ballot box, habang ang kalahati naman ay sa envelope na may sulat na "excess ballots".


Giit pa ni Garcia, mahalaga aniya ang naturang proseso, partikular sa mga kaso ng electoral protest, sapagkat kailangan umanong magtugma ang bilang ng mga hindi nagamit na balota sa bilang ng registered voters na bumoto sa araw ng eleksiyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page