top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 4, 2025



Editorial

Patindi nang patindi ang diskarte ng mga scammer.


Sa ngayon, namamayagpag naman ang ‘scam calls’ o panloloko sa pamamagitan ng tawag sa telepono. 


Batid naman natin na marami sa mga scammer ang gumagamit ng makabagong teknolohiya upang manipulahin at linlangin ang mga biktima, kaya’t nagiging mahirap para sa mga ordinaryong tao na makilala kung ito ba ay lehitimong tawag.


Ang scam calls ay hindi lamang abala, puwede rin itong magdulot ng matinding pinsala, lalo na sa mga hindi pamilyar sa ganitong uri ng panloloko. Nar’yan ang maaaring mawalan ng pera, magamit ang personal na impormasyon sa ilegal at krimen. 


Karaniwan nang inaakit ng mga scammer ang kanilang mga target gamit ang mga pekeng alok, reward, o mga ‘urgent’ na mensahe na humihingi ng mga personal na detalye tulad ng password, bank account, at iba pang sensitibong impormasyon.


Ang diskarte ng mga scammer, papaniwalain ang biktima na sila’y mula sa lehitimong kumpanya o ahensya ng gobyerno, sabay mag-iimbento ng kuwento hanggang sa mabudol ang target. 


Ang mga scam na ito ay maaaring mangyari sa anumang oras, kahit saan, at kahit kanino.


Kaya patuloy na mag-ingat at dapat ay may alam sa mga bagong pamamaraan ng mga scammer para ‘di mabiktima. 


Gayundin, ang pagpapalaganap ng impormasyon ay isang mahalagang hakbang kontra scam calls. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga karanasan, tips, at mga babala sa ating mga komunidad, maaari nating matulungan ang isa’t isa na maging mas maingat at handa sa mga ganitong uri ng panloloko. 

 
 

by Info @Editorial | Apr. 3, 2025



Editorial

Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng ‘lifetime ban’ sa mga lumabag sa Commission on Elections (Comelec) gun ban.


Inaaral na umano ang batas at nakatakda silang makipag-usap sa mga abogado para sa legalidad ng ilalabas na kautusan.


Sa pagpapatupad ng “lifetime ban” wala umanong sasantuhin o sisinuhin. Nangangahulugan lamang na sasakupin nito ang kautusan basta’t lalabag sa Comelec gun ban.


Batid naman natin na sa bawat eleksyon, ang pangunahing layunin ng mga otoridad ay tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng mga botante at kandidato. 


Isang mahalagang hakbang upang makamit ang layuning ito ang implementasyon ng election gun ban, kung saan ipinagbabawal ang pagdadala ng mga armas sa panahon ng halalan upang maiwasan ang karahasan at pananakot. 


Gayunman, sa kabila ng mga batas at regulasyong ito, may mga tao pa rin na lumalabag, kaya’t isang magandang hakbang ang pag-uusap ng posibilidad ng paglalagay ng lifetime ban sa mga taong mahuhuling lumalabag dito.


Ang mga lumalabag sa election gun ban ay hindi lamang naglalagay sa peligro ang kanilang sarili, kundi pati na rin ang buong sistema ng ating halalan. 


Kung hindi sila bibigyan ng kaukulang parusa, baka magbigay ito ng maling mensahe na maaari silang magpatuloy sa ganitong uri ng pagkilos nang walang takot sa anumang parusa. 


Sa kabilang banda, ang pagkakaroon ng lifetime ban ay nangangailangan ng masusing pagsusuri. Dapat tiyakin na ang mga parusang ito ay naaayon sa bigat ng pagkakasala at ang mga proseso ng pag-iimbestiga at paglilitis ay patas at makatarungan. 

 
 

by Info @Editorial | Apr. 2, 2025



Editorial

Ang ilegal na droga ay salot na hindi lamang nagiging sanhi ng pagkasira ng buhay ng mga gumagamit nito, kundi pati na rin ng mga karumal-dumal na krimen sa ating lipunan. 


Ang kalakalan ng droga, pati na rin ang paggamit nito ay may malalim na epekto sa pisikal, emosyonal, at mental na kalusugan ng mga tao, kaya’t nagiging dahilan ng mararahas na gawain at krimen na nakakasira sa komunidad.


Isa sa mga pangunahing epekto ng droga ay ang pagkasira ng kakayahan ng isang tao na kontrolin ang kanyang sarili. Madalas na nawawala sa tamang pag-iisip, kaya’t ang kanilang mga aksyon ay nagiging marahas at hindi makatarungan. Dahil sa kawalan ng kontrol sa sarili, ang isang tao ay maaaring makapatay, manggahasa, magnakaw o magdulot ng ibang karahasan.


Upang matugunan ang problemang ito, kinakailangan ng mas malalim na pag-unawa at komprehensibong hakbang mula sa gobyerno, at buong lipunan. 


Palakasin ang mga programa para sa rehabilitasyon, edukasyon, at pagbibigay ng alternatibong kabuhayan upang mabawasan ang epekto ng droga at maiwasan ang pagdami ng karumal-dumal na krimen.


Walang ibang panahon para umaksyon kundi ngayon. 


Magsilbi rin sanang hamon sa mga kandidato ang isyung ito. Paano nila masosolb ang talamak na droga? Kakayanin ba nilang banggain ang mga sindikato at protektor na nasa likod nito? 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page