top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 8, 2025



Editorial

Sa gitna ng kampanya para sa nalalapit na eleksyon, may mga kandidatong nalalagay sa alanganin dahil sa kabastusan at kalaswaan. Minsan, may mga nag-iisip na isa ito sa diskarte ng mga kandidato para maging kontrobersyal, mapag-usapan at maalala sa balota.


Ngunit sa katunayan, ang mga ito ay hindi dapat gawing batayan para sa pamumuno. 

Ang mga kandidatong pinapalakas ang sarili sa pamamagitan ng pagnanasa sa pansamantalang atensyon, at hindi sa pagpapakita ng tunay na kakayahan at malasakit sa bayan ay walang lugar sa isang demokratikong lipunan.


Ang pagkakaroon ng mga kandidatong bastos at mahalay ay hindi lamang simpleng isyu ng personal na ugali. Ito’y isyu ng mga prinsipyo at pagpapahalaga. 


Kung ang isang kandidato ay walang respeto sa ibang tao, paano natin aasahan na siya ay magtataguyod ng tamang polisiya para sa nakararami? 


Isang napakalaking responsibilidad ang maging lider, at hindi ito maaaring ipagkatiwala sa mga indibidwal na walang malasakit at imoral.


Kailangan nating mag-isip nang malalim, lalo na’t sa bawat boto, tayo ay may malaking kapangyarihan sa paghuhubog ng ating bansa. Bawat boto ay nagtataglay ng mga pangarap, pangako, at inaasam na kinabukasan. 


Ang pagpili ng tamang lider ay hindi lamang isang personal na karapatan kundi isang responsibilidad na may malalim na epekto sa buong komunidad. 


Sa kabila ng lahat ng mga saloobin at ideolohiya, ang isang kandidato ay dapat magtaglay ng paggalang sa bawat isa at magsilbing huwaran ng tamang asal.


Kaya’t sa halalan, mag-isip tayong mabuti. Piliin natin ang mga lider na may respeto at malasakit, at huwag iboto ang mga kandidato na nagpapakita ng kabastusan at kalaswaan.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 6, 2025



Editorial

Habang papalapit ang araw ng eleksyon, patindi nang patindi ang kampanyahan.

Nagkalat ang mga kandidatong nagpupumilit makuha ang atensyon ng mga botante.


Hanggang sa ang mga kampanya ay nagiging palabas na imbes seryosong pagpapakilala at paglalatag ng mga makabuluhang plataporma.  Ang inaasahang konkretong solusyon sa mga problema ng bayan ay madalas natatabunan ng mga biro, drama, at kalokohan. 


Ang mga kandidato ay hindi dapat magdaos ng kampanya na parang isang comedy show — ang kanilang responsibilidad ay maglatag ng mga seryosong plano para sa ikauunlad ng bansa.Hindi masama ang magdala ng saya at positibong mensahe sa kampanya, ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang makalimutan ng mga kandidato ang mas mahahalagang isyu na dapat tugunan. 


Ang botante ay may karapatan at obligasyong malaman kung ano ang mga konkretong hakbang na isusulong ng isang kandidato — hindi lang mga nakakatuwang salita o pangakong walang laman.Ang mga plataporma ng mga kandidato ay dapat magsilbing gabay kung paano nila tatalakayin ang mga isyung kinakaharap ng bayan, tulad ng edukasyon, kalusugan, trabaho, at kalikasan. 


Sa halip na mag-aksaya ng oras sa istayl bulok na pangangampanya, sana ay ilatag na lang ang mga estratehiya kung paano isusulong ang mga layunin kung paano mapapabuti ang pamumuhay ng bawat isa.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 5, 2025



Editorial

Sa paglawak ng makabagong teknolohiya at internet, napadali ang koneksyon at pagpapalitan ng impormasyon sa buong mundo.


Gayunman, kasabay ng mga benepisyong dulot ng digital na mundo ay ang paglaganap ng mga hindi kanais-nais na gawain, kabilang na ang kalupitan ng mga magulang na ibinubugaw ang kanilang mga anak online. 


Isang uri ng child exploitation, ang ganitong gawain at isang matinding paglabag sa mga karapatan ng kabataan at isang nakapanlulumong halimbawa ng kapabayaan at pang-aabuso ng mga magulang.


Ang mga bata, lalo na sa kanilang murang edad, ay hindi pa ganap na nauunawaan ang kanilang mga karapatan at ang kahihinatnan ng mga aksyon ng mga nakatatanda sa kanilang paligid. 


Kapag ang mga magulang mismo ang nagiging sanhi ng pagkasira ng kanilang mga anak, hindi lang sila tumatalikod sa kanilang mga responsibilidad, kundi lumalabag din sila sa mga etikal na pamantayan at batas na itinakda ng lipunan upang protektahan ang mga kabataan.


Dapat may mas mahigpit na batas at polisiya upang sugpuin ang ganitong uri ng pang-aabuso. 


Ang mga bata ay hindi kalakal na maaaring ibenta o gawing negosyo ng mga magulang. Sila ay may sariling mga pangarap at karapatan na dapat ipaglaban ng buong lipunan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page