top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 11, 2025



Editorial

Sa bawat eleksyon, marami sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan ang naliligaw ng pokus — mas abala sa pangangampanya kaysa sa pagtupad ng tungkulin. 


Ang oras na dapat inilaan sa paglilingkod ay nauubos sa pagpapabango ng pangalan para sa susunod na termino.


Kapag nasa puwesto ka, ang trabaho mo ay magsilbi, hindi mangampanya. Mali ang paggamit ng resources ng gobyerno — oras, pondo, at impluwensiya — para sa pansariling kapakanan.


Ang bawat araw na ginugugol sa kampanya habang nasa serbisyo ay pagtalikod sa inyong sinumpaang tungkulin. Kung tunay kayong may malasakit sa bayan, ipakita ito sa tapat at tuluy-tuloy na serbisyo — hindi sa mga pangakong nakasulat lamang sa polyeto.


Ang tunay na lider ay inuuna ang bayan. Hindi kailangan ng tarpulin para mapansin — ang tapat na serbisyo ang pinakamabisang kampanya. 


Sa mga nasa pamahalaan, huwag sayangin ang tiwala ng taumbayan. Ibalik ang pokus sa trabaho. Serbisyo muna, hindi pulitika.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 10, 2025



Editorial

Ang kabataan ang tinaguriang pag-asa ng bayan. Sila ang mga susunod na lider, guro, doktor, at iba pang propesyonal na magdadala ng pagbabago sa ating bansa. 

Gayunman, sa kabila ng kanilang potensyal, maraming kabataan ang nahaharap sa matinding pagsubok dulot ng mga maling impluwensya tulad ng droga, sugal, at iba pang krimen. 


Ang mga bisyong ito ay hindi lamang sumisira sa kanilang katawan at isipan, kundi nagiging sagabal din sa kanilang pangarap at kinabukasan. Sa kasalukuyan, ang droga ay isa sa pinakamalaking banta sa kaligtasan ng ating kabataan. Ang mga kabataang nalululong sa droga ay nagiging bulag sa mga pangarap nila. Sila ay nawawala sa realidad at ang kanilang mga buhay ay nagiging pabigat sa kanilang pamilya at komunidad. 


Kasama ng droga, ang sugal ay isa ring malaking problema. Maraming kabataan ang nahihirapan sa tukso ng mabilis na kita mula sa sugal.  


Kapag sila ay naadik dito, hindi lamang pera ang nawawala kundi pati ang kanilang integridad at pagkakataon na magtagumpay sa buhay. 


Hindi rin ligtas ang mga kabataan sa mga panganib ng krimen. May mga kabataan na nahihirapan sa kanilang mga kondisyon sa buhay, kaya’t nakakaisip na sumali sa mga gang o gumawa ng mga ilegal.


Kaya’t kailangan ng pamilya ng matibay na gabay at pagmamahal. Ang mga magulang ang unang guro ng kanilang mga anak, at sila ang may pinakamalaking papel sa pagtuturo ng mga tamang pagpapahalaga. 


Ang komunidad ay may malaking papel din sa pagpapaunlad ng kabataan. Ang gobyerno at mga non-governmental organizations ay dapat magtulungan upang magbigay ng mas maraming pagkakataon sa mga kabataan na magtagumpay sa buhay. 


Ang mga proyekto tulad ng mga skills training, youth leadership programs, at community outreach ay makakatulong upang mailayo ang kabataan sa mga maling landas.


 
 

by Info @Editorial | Apr. 9, 2025



Editorial

Sa pagtatapos ng School Year 2024-2025, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na pagkakalooban ang mga guro ng “uninterrupted and flexible” vacation sa loob ng tatlumpung araw. Ibig sabihin, hindi kailangang gumawa ng mga titser ng school-related task sa mga susunod na linggo.


Batay sa updated guidelines ng DepEd, papayagan ang mga guro na i-schedule ang kanilang 30-day break sa pagitan ng Abril 16 hanggang Hunyo 1, 2025, nang dire-diretso o pautay-utay.


Ang mga guro ay ang pundasyon ng edukasyon. Kung ang mga guro ay hindi nakakatanggap ng sapat na pahinga, ito ay may direktang epekto sa kalidad ng edukasyon na kanilang naibibigay. 


Kung saan, ang mga guro na may sapat na pahinga ay mas motivated, mas masaya, at mas makakatutok sa pangangailangan ng kanilang mga estudyante. 


Samantala, kung walang pagkakataong makapagpahinga, nagiging madali para sa kanila na makaranas ng burnout — nawawala ang sigla at enerhiya para sa trabaho. 


Ang pagtuturo ay hindi lamang isang intelektwal na gawain, kundi isang emosyonal na hamon din. Madalas ang mga guro ang nagiging unang tagapakinig at tagapayo ng kanilang mga estudyante. Dahil dito, kailangan nilang mapanatili ang malusog na mental at emosyonal na estado. Kailangan din nila ng pagkakataon na maglaan ng oras para sa pamilya, mga kaibigan, at mga aktibidad na nagpapasaya sa kanila. Ang ganitong uri ng pahinga ay mahalaga upang mapanatili ang balanse sa kanilang personal at propesyonal na buhay.


 Sa kabuuan, ang pahinga ay hindi isang luho kundi isang pangangailangan para sa mga guro. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page