top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 21, 2025



Editorial

Tulad ng mga nagdaang Semana Santa, may mga tsuper na namang nabuking na gumagamit ng ilegal na droga.


Kaugnay nito, naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bus operators ng nagpositibong driver sa drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang galugarin ang mga bus terminals sa ilalim ng “Oplan: Harabas”.


Sa kabuuang 3,270 driver na nasuri, 84 public utility vehicle (PUV) drivers at dalawang konduktor ang nagpositibo sa droga.


Sa mga nasuring indibidwal na nag-positive sa drugs, 13 ay bus drivers, isang mini-bus driver, 19 jeepney drivers, 47 tricycle drivers, isang taxi driver, dalawang motorcycle taxi riders, at 11 UV Express drivers. Dalawang konduktor din ang nasuring positibo sa paggamit ng droga.


Ang kaligtasan ng mga pasahero ay nakasalalay hindi lamang sa mga hakbang ng gobyerno kundi pati na rin sa responsibilidad ng bawat isa. 


Ang mga drayber ay may tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero, at ang paggamit ng droga ay isang paglabag sa layuning ito. 


Ang mga operator naman ay may responsibilidad na tiyakin na ang kanilang mga drayber ay may malinis na rekord at hindi gumagamit ng droga. 


Samantala, ang gobyerno ay may tungkuling magpatupad ng mga batas at regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.​


Sa pagtutulungan ng lahat, matutugunan natin ang isyung ito at matitiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa kalsada.​

 
 

by Info @Editorial | Apr. 17, 2025



Editorial

Semana Santa, panahon ng pananahimik, pagninilay, at pagbabalik-loob sa Diyos. 

Sa mga panahong tulad nito, ang mga tao ay naghahanap ng katahimikan, hindi campaign jingle. Nagninilay, hindi namumulitika. Nagsisimba, hindi nagbabangayan.

Kaya naman awat muna sa kampanya.


Bawal ang mga kandidatong hindi marunong rumespeto sa sagradong panahong ito. Huwag nang tangkain ang pamimigay ng ayuda na may kasamang mukha sa plastik.


Ganundin ang pagpo-post online ng “pabasa” pero parang mas highlight pa ang campaign logo kaysa sa dasal.


Kandidato, huwag umepal ngayong Semana Santa. Hindi ito tungkol sa inyo. Hindi ito ang panahon para magpasikat. Hindi ito pagkakataon para magparamdam ng “concern” kung may nakatagong layunin din naman.


Kung gustong tumulong — tumulong. Pero gawin ito nang tahimik, tapat, at may respeto sa pananampalataya ng sambayanang Pilipino. Hindi lahat ng bagay ay kailangang gamitan ng camera, tarpaulin, at social media post.


Ang Semana Santa ay para sa Diyos, hindi sa pulitiko.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 16, 2025



Editorial

Tuwing Semana Santa, binibigyan tayo ng pagkakataon upang magnilay, magbalik-loob, at muling maunawaan ang kahulugan ng pananampalataya. 


Sa gitna ng ‘ika nga’y abalang mundo, ang panahong ito ay paanyaya na tumigil, mag-isip, at damhin ang sakripisyong inialay ni Hesus para sa sangkatauhan.


Hindi lamang ito isang tradisyon ng pag-aayuno, pabasa, o mga prusisyon. Higit sa lahat, ito ay isang pagsusuri sa ating konsensya at pagbabalik sa Diyos. Ang paggunita sa Kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay ay paalala ng walang hanggang pag-ibig at pag-asa.


Ngayong Semana Santa, nawa’y hindi lamang sa ritwal tayo magtuon. Sa halip, tangkilikin natin ang katahimikan, manalangin nang taos-puso, at pagnilayan kung paanong maipapamalas ang kabutihan at malasakit sa kapwa, pamilya, at sa lipunan.


Nawa’y ito ang magsilbing inspirasyon natin upang mamuhay nang may pananampalataya, pag-ibig, at pagkakaisa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page