top of page
Search

by Info @Editorial | Apr. 24, 2025



Editorial

Sa mata ng mamamayan, ang pulis ay tagapagpatupad ng batas, tagapangalaga ng kapayapaan, at simbolo ng kaayusan. 


Gayunman, sa kabila ng tungkuling ito, paulit-ulit tayong nakakabalita ng mga insidenteng kinasasangkutan ng ilang tiwaling pulis — mula sa simpleng paglabag sa trapiko hanggang sa mga seryosong krimen. 


Kamakailan lang, isang lasing na pulis ang pumasok nang ilegal sa isang bahay, nang-harass at nanakit ng mga residente.


Sa ganitong mga pagkakataon, lumalabo ang tiwala ng taumbayan at bumabagsak ang integridad ng buong institusyon. Ang isang tunay na alagad ng batas ay hindi lamang nagpapatupad ng batas — siya mismo ay dapat huwaran sa pagsunod ng mga ito. 

Kailangang ang bawat kilos ay may kalakip na disiplina, integridad, at malasakit sa kapwa. 


Responsibilidad ng bawat pulis na ipakita sa publiko na ang batas ay para sa lahat — hindi pinipili, at lalong hindi binabalewala.Sa panahong laganap ang maling paggamit ng kapangyarihan at impluwensiya, mahalagang ipaalala na ang pagiging pulis ay hindi karapatang mang-abuso, kundi obligasyong magsilbi nang tapat at patas. 

Dapat maging unang ehemplo ng katapatan at kabutihang-asal — sa lansangan man, sa komunidad, o kahit sa social media.


Kaya’t nananawagan tayo sa ating mga kapulisan, maging tunay na tagapagtaguyod ng batas, hindi lamang sa tungkulin, kundi sa bawat aspeto ng buhay. Dahil sa bawat kilos n’yo, nakasalalay ang tiwala at pag-asa ng Pilipino.

 
 

by Info @Editorial | Apr. 23, 2025



Editorial

Nagluluksa ang buong mundo sa pagpanaw ni Pope Francis — isang lider ng Simbahan na hindi lamang nagsilbing pinuno ng pananampalataya, kundi isang tinig ng habag, pagkakapantay-pantay, at pag-asa sa gitna ng magulong panahon.


Mula nang mahalal siya bilang ika-266 na Santo Papa noong 2013, si Pope Francis ay naging sagisag ng pagbabago. 


Isinabuhay niya ang tunay na kahulugan ng pagkakawanggawa, pinili ang pagiging payak sa halip na marangya, at isinulong ang pakikipagdiyalogo sa iba’t ibang relihiyon at paniniwala. 


Hindi siya natakot magsalita laban sa katiwalian, kawalang-katarungan, at ang patuloy na pagkasira ng kalikasan. Binigyan niya ng tinig ang mga nasa laylayan — ang mga mahihirap, migrante, matatanda, at kabataan. 


Inilapit niyang muli ang Simbahan sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang kababaang-loob at matapat na pakikinig. Ang kanyang mensahe ay hindi palaging madaling tanggapin ng lahat, ngunit hindi matatawaran ang kanyang layunin: ang isang mundong mas makatao, mas mapagpatawad, at mas mapagmahal.


Sa kanyang pagpanaw, iniwan niya sa atin ang isang malalim na pamana — isang paalala na ang liderato ay hindi nasusukat sa kapangyarihan kundi sa serbisyo, hindi sa palakpakan kundi sa pagmamalasakit.


Magsilbi sanang inspirasyon ang buhay ni Pope Francis sa lahat — hindi lamang sa mga Katoliko, kundi sa bawat isa sa atin na naghahangad ng isang mas mapayapa at makatarungang mundo.


Maraming salamat at paalam, Lolo Kiko.


 
 

by Info @Editorial | Apr. 22, 2025



Editorial

Katatapos lamang ng Semana Santa — isang panahong inilaan para sa tahimik na pagninilay, pagsisisi, at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa loob ng ilang araw, tila huminto ang oras sa bansa. Gumaan ang trapiko, tumahimik ang social media, at napalitan ng mga dasal at pagninilay ang karaniwang init ng pulitika. 


Gayunman, pagbalik ng Lunes, balik-ingay, balik-kampanya, balik-batikusan na naman sa pulitika. Hindi maikakailang ang panahon ng kampanya ay isa sa pinakamainit at pinakamaingay na yugto sa ating bansa. Mula sa makukulay na poster hanggang sa maiingay na jingles, tila nabura agad ang katahimikan ng Semana Santa. 


Muli na namang naging arena ang social media ng mga tagasuporta, trolls, at kritiko.Nakakalungkot isipin na ang diwa ng Semana Santa — ang kababaang-loob, ang pagpapatawad, at ang tunay na serbisyo — ay mabilis na nawawala matapos lamang ang ilang araw. 


Bakit nga ba sa pulitika, madalas puro paninisi, paninira, at pangako? Nasaan ang sakripisyo para sa bayan, tulad ng sakripisyong ating ginugunita tuwing Mahal na Araw?


Hindi pa huli ang lahat. Sana, ang katahimikang ating naranasan noong nakaraang linggo ay magsilbing paalala na kahit sa gitna ng pulitika, maaari pa ring pairalin ang respeto, katotohanan, at malasakit. Hindi kailangang maging banal, pero puwede tayong maging mas makatao.


Tapos na ang Semana Santa, pero sana, hindi natapos ang aral na iniwan nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page