- BULGAR
- Apr 29, 2025
by Info @Editorial | Apr. 29, 2025

Araw-araw, napakaraming pasahero ang umaasa sa tren — LRT, MRT, at PNR — bilang pangunahing uri ng transportasyon.
Dahil dito, ang seguridad sa mga train station ay hindi simpleng usapin lamang, kundi isang isyu ng pambansang interes.
Kamakailan, sinabi ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na papalitan na ng mga K9 units ang X-ray machines sa mga istasyon at magkakaroon din umano ng karagdagang bantay na mga pulis.
Ang train station ay bukas para sa lahat — bata, estudyante, manggagawa, matatanda. Dahil dito, ito rin ay posibleng puntirya ng mga kriminal o terorista.
Noong mga nakaraang taon, may ilang ulat ng pandurukot, pambabastos, at kahina-hinalang bag na iniwan sa istasyon. Kaya naman mahalaga na may maayos at modernong sistema ng seguridad.
Ang X-ray machines ay may kakayahang makita ang mga kahina-hinalang bagay sa loob ng bag — mga armas, kutsilyo, o pampasabog. Sa pag-alis ng mga ito at paglalagay ng K9 units, inaasahang mapapabilis ang pila at mababawasan ang sira-sirang gamit.
Gayunman, kung ang layunin ay mas episyenteng daloy ng tao, dapat hindi ikompromiso ang antas ng seguridad.
Ang teknolohiya at trained personnel ay dapat nagtutulungan, hindi pinipiling pagpalitin.
Sa modernong mundo, hindi na sapat ang isa lang — kailangan ng CCTV, X-ray, K9, intelligence, at mabilis na response team. Lahat ng ito ay bahagi ng isang malawak na sistema.
Sa huli, ang kaligtasan sa train station ay hindi lang tungkol sa presensya ng aso o makina — ito ay tungkol sa tiwala ng publiko. Tiwala na may proteksyon silang kasama.




