top of page
Search

by Info @Editorial | May 5, 2025



Editorial

Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng election gun ban ng Commission on Elections (Comelec) at kapulisan, patuloy ang paglabag ng ilang indibidwal sa kautusang ito. 


Sa bawat araw ng kampanya at paghahanda para sa halalan, may mga nahuhuli — mula sa mga ordinaryong mamamayan hanggang sa mga may koneksyon sa pulitika — na bitbit ang mga baril at iba pang uri ng armas na hindi pinahihintulutan sa ilalim ng batas.


Ang gun ban ay ipinatutupad upang matiyak ang mapayapang halalan, pigilan ang karahasan, at bawasan ang tensyon sa panahon ng eleksyon. 


Gayunman, ang patuloy na paglabag dito ay malinaw na indikasyon ng kawalan ng disiplina at respeto sa batas.


Hindi sapat na mahuli lamang ang mga lumalabag, kailangang tiyakin na sila ay makakasuhan at mapapanagot. Kung hindi, mananatiling inutil ang tagapagpatupad ng

batas. 


Habang papalapit ang araw ng halalan, dapat mas paigtingin ang mga checkpoint, surveillance, at kampanya kontra armas. 


Higit sa lahat, dapat tiyakin ng mga otoridad na ang batas ay ipinatutupad nang patas, walang kinikilingan, at may tunay na layuning protektahan ang karapatan at kaligtasan ng bawat mamamayan.

 
 

by Info @Editorial | May 4, 2025



Editorial

“Sa lahat ng ‘Marites’, ito ang babala: Nabibilang na ang araw n’yo.” 

Bahagi ito ng pahayag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng paglulunsad sa isang komite na binubuo ng iba’t ibang ahensya para labanan ang pagkalat ng fake news.


Sa panahon ng mabilisang pagpapalaganap ng impormasyon sa social media, kasabay din ang paglaganap ng maling impormasyon.


Kaya mahalaga ang mas pinaigting na pagbabantay ng pulisya laban sa mga indibidwal o grupo na gumagamit ng maling balita upang maghasik ng takot, pagkakagulo, o maling paniniwala sa publiko.


Ang fake news ay hindi simpleng kalokohan o joke. Ito ay maaaring makapinsala sa reputasyon ng isang tao, makapag-udyok ng kaguluhan, at sa mas malalang kaso, makapagbunsod ng karahasan. Kaya’t nararapat lamang na ang PNP, bilang pangunahing tagapagtanggol ng kaayusan at seguridad ng mamamayan, ay kumilos upang bantayan at pigilan ang paglaganap nito.Gayunpaman, mahalagang paalalahanan ang PNP na sa kabila ng kanilang tungkulin, dapat manatiling balanse at makatarungan ang kanilang pagbabantay. 


Hindi dapat gamitin ang laban kontra fake news bilang dahilan upang busalan ang lehitimong opinyon, pagpuna, o malayang pamamahayag. Ang demokrasya ay nangangailangan ng malayang talakayan, ngunit ito ay dapat sabayan ng responsibilidad at katotohanan.

 
 

by Info @Editorial | May 3, 2025



Editorial

Naglalabasan na naman ang mga isyung pamumulitika sa serbisyong pampubliko. 

Isa na rito ang umano’y maling paggamit ng state resources, partikular ang ayudang nakalaan para sa mga nangangailangan.Ang ayuda o anumang anyo ng tulong mula sa gobyerno ay pondo ng taumbayan. 


Ito’y hindi pag-aari ng sinumang pulitiko. 


Gayunman, sa ilang pagkakataon, ginagamit ito ng mga opisyal bilang kasangkapan upang makakuha ng simpatiya at boto. 


May mga naglalagay pa ng kanilang pangalan at mukha sa mga relief goods o cash assistance, na para bang galing sa kanilang sariling bulsa ang pondo. Ito ay malinaw na pagsasamantala sa kahinaan ng mga mamamayan.Ang ganitong gawi ay hindi lamang imoral — ito rin ay ilegal. Ang tanong, sapat ba ang pagpapatupad ng batas? 


Tila kulang ang monitoring at pagpaparusa sa mga lumalabag. Kaya’t mahalaga ang papel ng bawat isa upang bantayan ang kilos ng mga nasa kapangyarihan. 


Kailangang manindigan tayo — ang ayuda ay karapatan, hindi pabor. At ang eleksyon ay dapat labanan sa plataporma, hindi sa kung anu-anong ipinamumudmod.Kung nais natin ng tunay na pagbabago, dapat ay wakasan ang kulturang ginagamit ang kahirapan bilang instrumento ng kapangyarihan. 


Piliin natin ang mga kandidatong hindi nagtatago sa likod ng ayuda, kundi ang mga may tunay na layuning magsilbi sa bayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page