top of page
Search

by Info @Editorial | May 17, 2025



Editorial

Matapos ang bawat halalan, isa sa pinakamahalagang yugto ay ang maayos at mapayapang transisyon ng kapangyarihan. 


Ang prosesong ito, bagama’t madalas hindi binibigyang pansin ng publiko, ay may malalim na kahalagahan sa pagpapanatili ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan at sa mismong demokrasya.


Ang transisyon ay hindi lamang simpleng pag-upo ng bagong lider sa puwesto, ito ay isang masalimuot na proseso ng paglipat ng impormasyon, proyekto, pananagutan, at kapangyarihan. Kailangan ang kooperasyon ng papalitan at bagong halal. 


Ang pagiging bukas, tapat, at propesyonal ng bawat panig ay nagsisilbing batayan ng isang malinis at maayos paglipat.Sa kabila ng mga isyu sa pulitika, ang maayos na transisyon ay patunay ng pagkilala sa sinumpaang tungkulin sa taumbayan.


Mahalaga rin ang papel ng media, civil society, at pribadong sektor sa pagbabantay sa prosesong ito. Kailangang siguruhing may transparency sa mga hakbangin upang maiwasan ang katiwalian o pagtatago ng mahahalagang dokumento.


Ang maayos na transisyon ay hindi lamang responsibilidad ng mga lider kundi ng buong sambayanan. 


 
 

by Info @Editorial | May 16, 2025



Editorial

Sa pagtatapos ng halalan, tapos na rin ang ingay ng kampanya, mga pangakong binitiwan sa entablado, at salitang puno ng pag-asa. 


Gayunman, para sa mga nanalong opisyal, nagsisimula pa lamang ang tunay na laban — ang laban para sa tunay na pagbabago, at higit sa lahat, kontra korupsiyon.


Ang korupsiyon ay matagal nang salot sa pamahalaan. Ito ang ugat ng maraming suliranin: kahirapan, kakulangan sa serbisyong panlipunan, at kawalan ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan. 


Hindi sapat ang magagandang salita sa kampanya. Kinakailangan ng konkretong aksyon: pagreporma sa mga bulok na sistema, pagpapalakas ng transparency, at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal — kaalyado man o hindi.


Nasa kamay ngayon ng mga nanalong opisyal ang pagkakataong ipakita na ang kanilang panalo ay hindi para sa pansariling interes, kundi para sa kapakanan ng bayan. 


Panahon na upang patunayan na ang pagbabago ay hindi lamang pangako.


Ang laban sa korupsiyon ay mahaba at mahirap. Ngunit kung may tapang, integridad, at tunay na malasakit, posible itong mapagtagumpayan. 


 
 

by Info @Editorial | May 15, 2025



Editorial

Sa pagwawakas ng halalan, kapansin-pansin ang mga naiwan nitong bakas: mga campaign posters na nakasabit pa rin sa mga poste, tarpaulins na tinangay na ng hangin, at flyers na nagkalat sa kalsada. 


Ang sigla ng kampanya ay napalitan ng kalat, at tila nakalimutan ng ilan na ang malinis na eleksyon ay hindi lang tungkol sa boto, kundi pati sa kapaligiran.Ang mga basurang iniwan ng halalan ay hindi simpleng kalat lamang — ito’y paalala ng ating pananagutan. 


Dito dapat pumasok ang malasakit ng mga kandidato, nanalo man o natalo.


Kung tunay ang hangaring paglingkuran ang bayan, dapat ay magsimula ito sa simpleng gawaing paglilinis. 


Sa mga botante at tagasuporta, makiisa rin tayo. Hindi natatapos sa pagboto ang ating papel sa bayan. Tumulong tayo sa pagwawalis, pag-aalis ng mga poster, at pagbabalik sa kaayusan ng ating mga pamayanan.


Ang isang malinis na kapaligiran ay repleksyon ng isang disiplinado at responsableng mamamayan. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page