top of page
Search

by Info @Editorial | May 22, 2025



Editorial

Sa paglipas ng mga taon, tila naging tahanan na ng samu’t saring panloloko ang ating bansa. 


Mula sa mga simpleng text scam hanggang sa malalaking investment schemes, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga Pilipinong nabibiktima ng mga mapagsamantalang indibidwal at grupo. 


Ang nakakabahala pa, tila hindi na lamang ito gawa ng mga simpleng kriminal kundi may bakas na rin ng malawakang operasyon na tila may proteksyon o koneksyon sa ilang tiwaling opisyal. Hindi na lingid sa publiko ang mga kaso gaya ng love scam, online investment fraud, at phishing na nakakadale ng milyones. 


Ang mas masakit, marami sa mga biktima ay mga naghahangad lamang ng mas magandang kinabukasan — mga OFW, retirado, o kabataang gusto ng extra kita. 


Panahon nang tapusin ang pang-aabuso at panlilinlang na ito. Kailangang maging agresibo ang pamahalaan sa pagtugis sa mga sindikatong nasa likod ng mga scam. Hindi sapat ang mga warning sa social media — kailangan ng konkretong aksyon.


Mas palakasin ang cybercrime unit ng Philippine National Police, mas pabigatin ang parusa sa mga scammer, at mas higpitan ang regulasyon sa online platforms na nagiging kasangkapan sa scam.


Gayundin, dapat maging mas mapanuri ang mamamayan. Ang edukasyon hinggil sa tamang paggamit ng teknolohiya at pagkilala sa mga scam ay dapat ding maisama sa kampanya ng mga paaralan, LGU, at media. 


Lahat tayo ay may papel sa laban na ito, galaw-galaw!



 
 

by Info @Editorial | May 21, 2025



Editorial

Ipronoklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang 52 partylist groups na nanalo sa katatapos na halalan habang dalawa naman ang ipinagpaliban ang proklamasyon dahil sa kinakaharap na petisyon.


Sa pagtatapos ng eleksyon, nagsisimula naman ang tunay na hamon para sa mga nanalong partylist representatives — ang patunayan na hindi lamang sila saling-pusa sa Kongreso, kundi tunay na boses ng mga sektor na kanilang kinakatawan.


Ang partylist system ay nilikha upang bigyan ng representasyon ang mga hindi naririnig sa tradisyunal na pulitika — mga manggagawa, mahihirap, katutubo, kababaihan, kabataan, at iba pa. 


Gayunman, sa paglipas ng panahon, tila nalilihis ito sa layunin. Sa halip na maging daan ng kapangyarihan ng masa, nagiging shortcut ito para sa mga makapangyarihang angkan at negosyanteng nais pumasok sa pulitika.


Kaya ang panawagan sa mga nanalong partylist, manindigan. 


Gamitin ang puwesto upang itulak ang makabuluhang batas, hindi pansariling interes. Maging aktibo sa mga usapin ng lipunan, hindi tahimik sa gitna ng krisis. Kumonsulta sa mga sektor, hindi lamang sa sariling hanay. 


Sa madaling salita, maging tunay na kinatawan.


Maunawaan sana ng bawat nahalal na ang tiwala ng taumbayan ay hindi premyo kundi obligasyon. 


At sa ilalim ng isang sistemang matagal nang hinahanap ang katarungan at pagkakapantay-pantay, ang bawat kinatawan ng partylist ay inaasahang magiging instrumento ng tunay na pagbabago.


 
 

by Info @Editorial | May 20, 2025



Editorial

Ngayong tapos na ang halalan, panahon na upang isantabi ang bangayan, paninira, at walang tigil na pamumulitika. 


Tapos na ang labanan ng kulay at pangalan. May nanalo, may natalo, at sa kabila ng lahat, iisa ang dapat manaig, ang kapakanan ng bayan.


Ang halalan ay isang mahalagang bahagi ng ating demokrasya. Ito ang panahon ng pagpili kung sino ang karapat-dapat mamuno. Ngunit matapos ang botohan, dapat nang magkaisang muli bilang iisang sambayanan. Hindi makabubuti sa bansa kung watak-watak ang taumbayan dahil sa ‘di pagkakaunawaan sa pulitika.


Sa mga halal na opisyal, ito na ang panahon ng pagseserbisyo. Hindi na kampanya ang kailangan kundi mabilis, epektibo at tapat na aksyon. Gamitin ang ipinagkatiwalang posisyon upang isulong ang tunay na reporma at solusyon sa mga isyung kinahaharap ng mamamayan—mula sa kahirapan, edukasyon, kalusugan, hanggang sa kapayapaan.


Sa mamamayan, maging mapagmatyag at responsable. 

Suportahan ang mga programang para sa ikabubuti ng lahat at itama ang mali sa paraang marangal at makabayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page