top of page
Search

by Info @Editorial | June 13, 2025



Editorial

Dumarami ang ulat tungkol sa mga menor-de-edad na nahuhuli sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga. 


Walang kalaban-laban, sila’y nagagamit ng mga sindikato.


Nakababahala ito — hindi lamang dahil sa krimeng kinasasangkutan nila, kundi dahil sa mas malalim na ugat ng problema.Hindi dapat agad husgahan ang kabataan bilang salarin. Kadalasan, sila ay biktima ng sirang pamilya, bulok na sistema, at ng lipunang bigong magbigay ng tamang pagkakataon.


Hindi sapat ang pananakot at parusa. Kailangan ng mga programa para sa edukasyon, mental health, at rehabilitasyon. 


Dapat ay may aktibong papel ang barangay, paaralan, at pamahalaan sa paggabay at pagsagip sa mga batang naliligaw ng landas.


Ang kabataan ang kinabukasan ng bayan. Ilayo natin sila sa droga. Huwag nating hayaang maipagkait sa kanila ang buhay na ligtas at masaya.

 
 

by Info @Editorial | June 12, 2025



Editorial

Tuwing Hunyo 12, puno ang social media ng mga post tungkol sa Araw ng Kalayaan: mga selfie kasama ang watawat, quotes mula kay Jose Rizal, at mga hashtag na #Kalayaan at #ProudPinoy


Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng kalayaan sa panahon ngayon? Noong 1898, malinaw ang laban. May dayuhang mananakop, may rebolusyon, may mga bayani. 

Pero ngayong 2025, sino o ano na ba ang “kaaway” ng ating kalayaan? 


Maaaring ito na ay ang fake news, kahirapan, at sistemang tila laging nakakalimot sa ordinaryong Pilipino.


Marami sa atin ang malaya ngang mag-post ng opinyon online, pero takot pa rin magsalita sa totoong buhay. 


Malaya tayong bumoto, pero paulit-ulit pa rin tayong nabibigo. 


May edukasyon, pero kulang ang oportunidad. May karapatan, pero laging kailangang ipaglaban. Kaya ngayong Araw ng Kalayaan, hindi lang sapat ang pagdiriwang. Dapat din tayong magtanong: Anong klaseng kalayaan ba ang gusto nating panatilihin — at

ipaglaban?


Kalayaang makapili ng lider na hindi kurakot. Kalayaang may access sa dekalidad na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at trabaho. 


Kalayaang mabuhay nang may dignidad at respeto. Ang kalayaan ay hindi lang alaala ng nakaraan — ito’y hamon sa kasalukuyan, at pangako sa hinaharap.Ngayong Hunyo 12, sana’y hindi lang ito araw ng pagbabalik-tanaw, kundi ng pagkilos. 


Ang tunay na kalayaan, hindi lang ‘yung minsang ipinaglaban — kailangan din itong panindigan araw-araw.

 
 

by Info @Editorial | June 11, 2025



Editorial

Sa panahong halos lahat ay ginagawa na online, hindi nakapagtataka na maging target din ito ng mga masasamang loob. 


Tulad ng paggamit sa food delivery service bilang kasangkapan sa pagpupuslit ng ilegal na droga.


Isang madaling diskarte para sa mga sindikato na ginagamit nila ang pagiging “ordinaryo” ng delivery upang makaiwas sa hinala. Pero isang malaking panganib ito, hindi lamang sa mga rider na nagiging kasangkot nang ‘di nila alam, kundi pati na rin sa ating lipunan na unti-unting binabalot ng droga sa paraang hindi natin inaasahan.


Hindi maitatanggi na may kahinaan sa mga sistema ng delivery platforms — kulang sa pagsisiyasat sa mga item na ipinapadala. 


Tila may kakulangan din sa batas at regulasyon para pigilan ang ganitong modus. 

Ganundin ang edukasyon sa mga delivery rider ukol sa mga senyales ng kahina-hinalang transaksyon.

Hindi na dapat maghintay pa ng mas maraming kaso. Ang mga delivery company ay kailangang maging mas responsable. Magpatupad ng mas mahigpit na patakaran sa package verification. Bigyan ng training ang mga rider kung paano makakaiwas sa ilegal na gawain. 

Kailangang magtulungan ang mga private company at law enforcement upang habulin ang mga gumagamit ng serbisyong ito sa maling paraan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page