top of page
Search

by Info @Editorial | June 22, 2025



Editorial


Habang umuunlad ang teknolohiya, tila kasabay din ang paglaganap ng mga krimeng sumisira sa moralidad at kinabukasan ng kabataan — isa na rito ang talamak na pambubugaw. 


Sa mga ulat at operasyon ng mga otoridad, dumarami ang kasong kinasasangkutan ng mga bata na ginagamit sa prostitusyon, kapalit ng salapi o pansariling kapakinabangan ng mga bugaw.


Ang mas masaklap, kadalasan ay malalapit sa biktima ang mga salarin — mga magulang, kamag-anak, o mga taong pinagkakatiwalaan. Ginagamit ang kahirapan bilang dahilan, at ang kawalang-malay ng bata ay inaabuso. 


Sa ilang pagkakataon pa, ibinubugaw ang mga bata sa pamamagitan ng social media at live streaming platforms, na mas mahirap bantayan at kontrolin.


Ang ganitong klase ng krimen ay hindi lamang paglabag sa batas kundi isang malupit na pananamantala sa pagkatao ng isang bata. 


Hindi sila produkto na maaaring ibenta dahil sila ay may dignidad at karapatang protektahan. Pananagutan ng estado, komunidad, at ng bawat mamamayan na siguruhing ligtas ang bawat batang Pilipino mula sa ganitong karahasan.


Kailangan ng mas agresibong hakbang tulad ng mas mahigpit na monitoring sa online activities, mas mabilis na aksyon mula sa DSWD at PNP, at mas matinding parusa sa mga bugaw at kliyenteng sangkot. 


Ngunit higit sa lahat, kailangan ng edukasyon — sa loob ng tahanan, paaralan, at simbahan — tungkol sa paggalang sa karapatan ng bata.


Ang kabataan ang pag-asa ng bayan, ngunit papaano sila magiging pag-asa kung tayo mismo ang nagpapahintulot na wasakin sila?


 
 

by Info @Editorial | June 21, 2025



Editorial


Sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, naging mas madali at mas accessible na ang pagsusugal — hindi na kailangan pang pumunta sa mga casino. 


Sa isang pindot lang sa cellphone o computer, puwede ka nang tumaya at matalo o manalo ng pera. 


Ngunit kaakibat ng kaginhawaan na ito ay ang lumalalang problema ng pagkaadik sa online sugal.Lumalaganap na ngayon ang mga kaso ng taong nalulubog sa utang, nawawasak ang pamilya, at nawawala ang trabaho dahil sa sobrang pagkahumaling sa online gambling.


Masaklap pa, kahit ang mga menor-de-edad ay nalululong na rin sa pagsusugal.Isa sa solusyon ngayon ay ang pagba-ban sa mga taong nagpapakita ng senyales ng labis at pagkaadik sa online sugal. 


Gayunman, hindi sapat na basta-basta na lamang iba-ban ang isang tao. Dapat ay may due process, psychological assessment, at may malinaw na batayan. Higit sa lahat, dapat itong sabayan ng malawakang edukasyon ukol sa panganib ng sugal.


Kung maayos ang implementasyon, ang pagba-ban sa mga adik sa online sugal ay maaaring maging bahagi ng mas malawak na solusyon.

 
 

by Info @Editorial | June 20, 2025



Editorial


Sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, muling sumirit ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. 


Tulad ng inaasahan, ang epekto nito ay agad na naramdaman sa Pilipinas — isang bansang umaasa sa inaangkat na langis. 


Isa sa mga pinakaapektado ay ang sektor ng transportasyon, partikular na ang mga tsuper ng jeep. 


Sa ganitong panahon, kinakailangan ang isang mabilisang fuel subsidy mula sa gobyerno.Sa bawat pagtaas ng presyo ng krudo, mas lumiliit ang kanilang kita at lumalaki ang panganib na hindi na sila makabiyahe — isang krisis sa kabuhayan na direktang tumatama hindi lang sa kanila kundi sa mga umaasa sa pampublikong transportasyon.


Ang fuel subsidy ay hindi limos, ito ay makataong interbensyon upang mapanatili ang seguridad sa transportasyon at maiwasan ang mas malawak pang epekto sa ekonomiya. 


Sa gitna ng pandaigdigang krisis, dapat mabilis ang tugon ng gobyerno — hindi lamang sa pag-anunsyo ng pansamantalang ayuda kundi sa pagbibigay ng malinaw, maayos at pangmatagalang solusyon. 


Dapat pag-isipan ang pagpapalakas sa alternatibong enerhiya at pagdadagdag ng stock ng langis.


Sa gitna ng krisis, dapat manaig ang malasakit at maagap na pagkilos ng pamahalaan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page