top of page
Search

by Info @Editorial | June 28, 2025



Editorial

Nakababahala ang patuloy na pag-aangkas ng mga bata lalo na ng sanggol sa motorsiklo. 


Sa kalsada, makikitang may mga magulang na may kargang bata — walang helmet, walang sapat na proteksyon, at nasa panganib anumang oras.


Ayon sa Republic Act No. 10666, o Children’s Safety on Motorcycles Act, maaari lamang mag-angkas ng bata sa motorsiklo kung may suot siyang helmet, kaya niyang kumapit sa rider at kayang abutin ang foot pegs.


Ang mga mahuhuling lumalabag sa batas ay pagmumultahin ng kaukulang halaga at maaaring bawian ng lisensya.


Hindi dapat isugal ang buhay ng isang musmos para lang sa mabilis na biyahe. Wala siyang kakayahang kumapit o protektahan ang sarili sa oras ng aksidente. Ang motorsiklo ay hindi para sa mga sanggol.


Panahon na para higpitan ang batas. Ipagbawal nang mariin ang pag-aangkas ng bata. Magpatupad ng mas mahigpit na parusa sa mga lalabag. Puwedeng tuluyan nang i-impound ang motorsiklo at tuluyan nang bawian ng lisensya. 

Hindi na sapat ang paalala lang, kailangan na ng aksyon.

 
 

by Info @Editorial | June 27, 2025



Editorial

Muling naging biktima ang publiko ng maling impormasyon matapos kumalat sa social media ang balitang may ibinibigay umanong P1,000 na ayuda para sa lahat ng senior citizens mula sa National Commission of Senior Citizens (NCSC). 


Ayon kay House Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes, walang katotohanan ang naturang ulat — isang pahayag na dapat pakinggan at unawain ng bawat isa sa gitna ng mabilis na pagkalat ng fake news online.Ang ganitong balita ay madaling paniwalaan — at mas madaling kapitan ng pag-asa. 


Ngunit ito’y nagdudulot lamang ng kalituhan, pagkadismaya, at pagkakagulo.Hindi biro ang epekto ng pekeng balita sa mga vulnerable sectors ng lipunan. Ang mga senior citizens, na karamihan ay hindi bihasa sa teknolohiya at social media, ay madaling mabiktima ng mga ganitong mapanlinlang na impormasyon. 


Kaya naman huwag basta-basta maniwala sa mga balitang walang malinaw na pinagmulan. Alamin ang katotohanan mula sa mga opisyal na pahayag ng ahensya.

Panahon na ring pag-ibayuhin ng pamahalaan ang kampanya kontra fake news. 


Kailangan ng mas aktibong presensya sa pagbibigay-linaw at paghabol sa mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon at pagpapataw ng mas mabigat na parusa.

 
 

by Info @Editorial | June 26, 2025



Editorial

Dumarami ang mga menor-de-edad na nagmamaneho sa kalsada — isang delikadong trend na dapat agad tugunan. 


Wala pa silang sapat na kaalaman at disiplina para humawak ng manibela, kaya’t sila’y nagiging banta hindi lang sa sarili kundi pati sa ibang motorista at pedestrian.Ang batas ay malinaw, bawal sa mga menor-de-edad ang magmaneho. 


Ngunit sa halip na pigilan, ilang magulang pa ang tila nagtutulak sa kanila. Kapansin-pansin ang mga menor-de-edad na inuutusan sa labas nang nakamotor o kaya’y ginagawang tagahatid o sundo ng kapatid sa iskul.


Sa ganitong gawain, hindi lamang buhay ang nasasakripisyo kundi pati kinabukasan.Panahon na para rendahan ito. 


Dapat managot ang mga magulang, magpatupad ng mas mahigpit na aksyon ang mga otoridad, at turuan ang kabataan ng tamang disiplina. 


Ang manibela ay hindi para sa bata — ito’y responsibilidad na may kaakibat na buhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page