top of page
Search

by Info @Editorial | July 10, 2025



Editorial

Araw-araw, libu-libong Pilipino ang nagsisiksikan sa mga jeep, bus, at iba pa pang pampublikong sasakyan para lang makarating sa trabaho o eskwelahan. 

Parang sardinas — mainit, masikip, at delikado. Pero bakit ganito pa rin ang sistema ng transportasyon natin? Tila kulang ang sasakyan. Kulang ang maayos na sistema. Kulang ang aksyon ng pamahalaan.


Tuwing rush hour, halos walang masakyan. At kung meron man, sobrang siksikan. Parang normal na lang sa atin ang hindi komportable, at tila wala nang magawa ang mga pasahero kundi magtiis.


Hindi dapat ganito. Hindi solusyon ang pagdadagdag lang ng pamasahe o pag-phase out ng mga lumang jeep kung wala namang sapat na kapalit. Hindi rin sapat ang mga pangako kung hindi naman agad mararamdaman ng mga komyuter ang pagbabago.


Kailangan ng konkreto at mabilis na aksyon: Dagdag na public utility vehicle, maayos na scheduling, at transport system na inuuna ang pasahero. Hindi na dapat araw-araw na pahirap ang pagsakay. Karapatan ng bawat Pilipino ang maayos, ligtas, at maginhawang transportasyon.


Hangga’t walang tunay na solusyon, ang siksikan sa PUV ay patuloy na magiging simbolo ng kabiguan ng ating sistema.


 
 

by Info @Editorial | July 9, 2025



Editorial

Muling umingay ang panawagan para sa total ban sa online gambling sa bansa. 

Hindi maikakaila na lumalaki ang epekto ng online gambling — mula sa personal na pagkabaon sa utang hanggang sa mas malalaking isyung kriminal.


Kaya’t nauunawaan kung bakit may mga mambabatas na nais na itong tuldukan. Gayunman, dapat ding timbangin ang mga alternatibong solusyon.


Puwede ring itanong muna, naging epektibo ba talaga ang mga ahensya sa pag-regulate nito? O baka naman kulang lang sa koordinasyon, kakayahan, o kagustuhan?


Hindi rin dapat isantabi ang epekto ng biglaang pagbabawal sa legal na industriya ng online gaming. Maraming manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho, sapol din ang benepisyong nakukuha ng gobyerno mula sa buwis. 


Gayunpaman, hindi rin dapat balewalain ang tumitinding mga kaso ng adiksyon, pagkakawatak ng pamilya, at paglaganap ng mga scam na may kaugnayan sa online gambling. 


Kung hindi mapigilan sa legal na paraan, baka mas lalong lumakas ang underground operations — na mas mahirap pang sugpuin.


Sa huli, ang tanong ay hindi lang kung dapat bang ipagbawal ang online gambling, kundi kung may kapasidad ba tayong tiyakin ang responsableng pagpapatupad ng anumang desisyon.

 
 

by Info @Editorial | July 8, 2025



Editorial

Laganap pa rin ang bullying sa mga paaralan. Maraming estudyante ang araw-araw na takot pumasok dahil sa pananakot, pang-iinsulto, at pananakit ng kanilang mga kaklase. 


Hindi ito simpleng biruan — ito ay seryosong problema na sumisira sa tiwala, pag-aaral, at kalusugan ng bata.Maraming kabataan ang nabibiktima sa loob mismo ng eskwelahan — minsan harap-harapan, minsan online. Ang epekto? Kawalan ng gana sa pag-aaral, pagkakaroon ng depresyon, at sa malalang kaso, pag-iisip ng pagpapakamatay.


Isa pa sa puwedeng mangyari, ang mapatay ng bully ang biktima o ang huli ang makapatay sa nambu-bully.


Hindi puwedeng magbulag-bulagan. Responsibilidad ng mga guro, magulang, school officials at ng gobyerno na aksyunan agad ang anumang uri ng bullying. 


Kailangan ng mahigpit na patakaran, sapat na gabay, at tunay na malasakit.


Higit sa lahat, dapat ituro sa mga kabataan ang respeto sa kapwa. Ang eskwelahan ay lugar ng pagkatuto, hindi lugar ng takot.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page