top of page
Search

by Info @Editorial | July 13, 2025



Editorial


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pabibigatin pa ito ng taas-singil sa kuryente at dagdag-presyo ng petrolyo. 


Unti-unti na namang mauubos ang kakarampot na kita ng karaniwang manggagawa.

Ang tanong ng publiko: Kailan ba ito titigil? At nasaan ang konkretong tugon ng gobyerno?


Hindi maikakaila ang domino effect ng ganitong pagtaas. Kapag tumaas ang presyo ng petrolyo, posibleng tumaas din ang pamasahe, presyo ng pagkain, transportasyon, at iba pang serbisyo. Kapag nadagdagan ang singil sa kuryente, tataas din ang gastos ng mga pabrika at negosyo — na kadalasang ipapasa rin sa mga mamimili. 

Kailangan ang agarang aksyon. 


Nasaan ang mga reporma para sa mas murang enerhiya? Nasaan ang suporta sa renewable energy upang hindi tayo palaging umaasa sa imported na langis?


Nasaan ang mga konkretong programa para mapagaan ang epekto ng oil price hike sa transport sector at mga manggagawa?


Hindi natin hinihiling ang imposibleng pagbaba ng presyo sa isang iglap. Ngunit nararapat lamang na may malinaw na direksyon, may pananagutan ang mga kumpanya at may malasakit ang pamahalaan. 


Hindi puwedeng laging ang mamamayan ang magdusa.


 
 

by Info @Editorial | July 12, 2025



Editorial


Isang malaking hakbang ang ginawa ng Land Transportation Office (LTO) sa pagpapahintulot ng online renewal ng driver’s license. 


Sa halip na pumila ng maaga, maghintay ng ilang oras, at minsan pa’y bumalik kinabukasan, ngayon ay puwede nang gawin ang proseso sa bahay o sa kahit saan gamit lang ang computer o cellphone.Malaki ang ginhawang hatid nito sa publiko.


Bukod sa pagtitipid ng oras at pera, nababawasan din ang physical crowd sa mga opisina, na mahalaga pa rin lalo na sa panahon ng mga health concern. 


Isa rin itong konkretong senyales na kaya ng pamahalaan ang digital transformation — kung gugustuhin.Gayunpaman, hindi lahat ay agad makikinabang. May mga kababayan tayong walang maayos na internet o kulang sa digital literacy. 


Kaya mahalaga ring tiyakin ng LTO na may sapat na impormasyon at tulong para sa mga mahihirapan sa proseso. Dapat ding siguraduhing mabilis, ligtas, at user-friendly ang sistema.Sa kabuuan, ang online renewal ng lisensya ay hindi lang teknikal na pagbabago, kundi simbolo ng pag-unlad sa serbisyo publiko. 


Hiling ng marami, sana’y hindi ito panandalian lamang, kundi simula ng mas moderno, episyente, at makataong gobyerno.

 
 

by Info @Editorial | July 11, 2025



Editorial


Inanunsyo na ng Commission on Elections (Comelec) na nakatakdang umarangkada sa Agosto 1 hanggang 10, 2025 ang voter registration para sa idaraos na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).


Ito ay habang hinihintay pa ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. hinggil sa panukalang ipagpaliban ang naturang halalan sa Nobyembre 2026 at palawigin ang termino ng mga barangay officials ng hanggang apat na taon.


Sa bawat eleksyon, ipinapakita natin ang diwa ng demokrasya — ang kapangyarihan ng mamamayan na pumili ng mga lider na tunay na maglilingkod sa bayan. 


Sa nalalapit na BSKE sa Disyembre 1, mahalaga ang bawat boto. Ngunit bago makaboto, kailangan munang maisakatuparan ang isang napakahalagang hakbang, ang pagpaparehistro.


Ang hindi pagpaparehistro ay pagkakait sa sarili ng karapatang pumili ng mga pinunong may tunay na malasakit sa komunidad.


Hindi rin sapat ang pagrereklamo sa social media kapag may hindi magandang pamamalakad. Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagkilos.


Ang halalan ay hindi lamang tungkol sa mga kandidatong tatakbo — ito ay tungkol sa kapangyarihan ng bawat mamamayan. Huwag hayaang masayang ang karapatang ito. Magparehistro, makialam, at makilahok.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page