top of page
Search

by Info @Editorial | July 22, 2025



Editorial

Sa kabila ng mga batas at kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling, patuloy pa rin ang pagkalat ng samu’t saring produktong ilegal na ipinapasok sa bansa. 


Mula sa mga pekeng branded na damit, gadgets, ilegal na gamot, hanggang sa mga produktong agricultural — tila naging karaniwan na lamang ang presensya ng mga ito sa merkado.Hindi maikakaila ang pinsalang dulot ng smuggled goods. 


Una, nalulugi ang mga lehitimong negosyante na nagbabayad ng tamang buwis. 

Paano sila makakakumpetensiya kung ang katabi nilang tindahan ay nagbebenta ng mas murang produkto na hindi dumaan sa tamang buwis at inspeksyon? 


Pangalawa, may banta rin ito sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Ang mga produktong walang sapat na inspeksyon o rehistro — lalo na sa pagkain, gamot, at electronics — ay maaaring mapanganib gamitin.Panghuli, ang talamak na pagpupuslit ay nagpapakita ng kahinaan sa pagpapatupad ng batas at posibleng korupsiyon sa mga ahensya ng gobyerno. 


Hindi sapat ang paalala at kampanya. Kailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at parusang nararapat sa mga mapatutunayang sangkot sa smuggling. 

Mahalaga ring maipaunawa sa mamimili na ang pagbili ng smuggled product ay pagtangkilik sa ilegal na gawain.


Kung nais nating magkaroon ng mas maayos na ekonomiya, ligtas na produkto, at patas na kalakalan, panahon na upang tigilan ang pagtangkilik sa smuggled goods.

 
 

by Info @Editorial | July 21, 2025



Editorial

Sa bawat sakuna o kalamidad na dumaraan sa ating bansa — bagyo, lindol, baha, sunog, at iba pa — laging nasa unang linya ng pagtugon ang mga opisyal ng barangay. 


Sila ang mukha ng pamahalaan sa komunidad, kaya nararapat lamang na sila’y may sapat na kaalaman, kasanayan, at kahandaan sa pagharap sa ganitong mga pangyayari.Sa kasamaang-palad, hindi lahat ng barangay officials ay may sapat na pagsasanay sa disaster preparedness. 


Marami sa kanila ang umaasa lamang sa karanasan o “common sense” sa halip na organisadong plano at kaalaman batay sa siyensya. 


Kailangang masiguro na ang bawat opisyal ng barangay ay sumasailalim sa regular na pagsasanay sa disaster risk reduction and management (DRRM). 


Dapat silang may kakayahang bumuo at ipatupad ang mga contingency plan, magtayo ng maayos na evacuation center, at makipag-ugnayan sa mga ahensya para sa agarang pagsaklolo sa mga residente.


Kapag nakikita ng mga residente na aktibo, maalam, at maaasahan ang kanilang mga opisyal, mas madali silang sumunod sa mga panuntunan tuwing may krisis.


Ang pagiging opisyal ng barangay ay hindi lamang tungkol sa pamamahala sa katahimikan at kaayusan. Ito rin ay tungkol sa pagiging lider sa panahon ng peligro. 



 
 

by Info @Editorial | July 20, 2025



Editorial

Muling sinusubok ang tibay ng Pilipino sa pananalasa ng Bagyong Crising. 

Maraming lugar sa bansa ang lumubog sa baha, nasira ang mga kabahayan, at libu-libong pamilya ang napilitang lumikas. 


Habang ang ulan ay patuloy na bumubuhos at ang hangin ay humahagupit, dapat tiyakin ng pamahalaan ang mabilis at maayos na pagdadala ng relief goods sa mga apektadong mamamayan.Hindi bago sa atin ang ganitong kalamidad. Sa bawat bagyong dumaraan, nauulit ang parehong eksena — gutom, pagkabahala, at kawalang katiyakan sa mga evacuation centers. Ngunit sa kabila ng mga karanasang ito, tila may kakulangan pa rin sa kahandaan ng ilang lokal na pamahalaan. 


Dapat ay may mabilis na tugon ang mga local government unit (LGU), katuwang ang national government at iba pang ahensya.


Ang bawat segundo ay mahalaga — ang pagkaantala ng pagkain, tubig, gamot, o pansamantalang tuluyan ay maaaring magdulot ng higit pang sakuna.


Hindi rin dapat gamitin sa pulitika ang tulong para sa mga nasalanta. Ang relief goods ay hindi dapat may mukha ng pulitiko, kundi mukha ng malasakit. 



 
 
RECOMMENDED
bottom of page