top of page
Search

by Info @Editorial | July 25, 2025



Editorial


Tuwing may bagyo, laging tanong ng mga tao, “May relief ba?” Pero ang mas mahalagang tanong, “Nasaan ang bigas?”


Humiling na ng karagdagang supply ng bigas ang ilan pang lokal na pamahalaan mula sa National Food Authority (NFA), kasabay ng relief operations sa mga inilikas na residente dahil sa malawakang pagbaha.


Unang humiling ang provincial government ng Palawan ng 300 sako ng bigas at

sinundan ng Puerto Princesa City ng karagdagang 200 sako ng bigas.


Kinalaunan, sumunod na pinadalhan ng NFA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tarlac. Sinundan ito ng kabuuang 1,000 ng well-milled rice sa probinsya ng Pampanga.


Agad naman daw ipinapadala ang bulto ng bigas mula sa mga bodega patungo sa mga LGU at nananatiling bukas sa mga karagdagang request.

Tinitiyak din ng NFA na ang lahat ng inilalabas na bigas ay pumapasa sa mahigpit na quality standards.


Sa panahon ng bagyo, maraming bagay ang nawawala: kuryente, tirahan, kabuhayan. Pero sa lahat ng ito, ang bigas ang pinakauna at pinakamahalaga.


Para sa mga nawalan ng bahay, ang isang kilo ng bigas ay hindi lang pagkain, ito ay panandaliang ginhawa sa gitna ng gulo. Para sa mga pamilyang hindi makalabas, ito ang nagsasalba sa kanila sa gutom. 


 
 

by Info @Editorial | July 24, 2025



Editorial


Hindi na bago sa atin ang baha kapag may bagyo. Pero sa tuwing may dumadaan na sama ng panahon tulad ng Bagyong Crising na pinalakas pa ng Habagat, mas ramdam natin ang bigat ng problema — hindi lang dahil sa ulan, kundi dahil sa basura.


Saan ka man tumingin, lalo na sa mga urban area, makikita mong palutang-lutang ang basura sa baha: plastic, styrofoam, bote, at kung anu-ano pa. Imbes na mabilis humupa ang tubig-ulan, bumabagal ang agos dahil barado ang mga kanal. At kapag bumagal ang daloy ng tubig, tiyak ang pagbaha — minsan hanggang tuhod, hanggang baywang, o lampas-tao pa.


Ang masakit dito, tayo rin naman ang may gawa. Matagal nang sinasabi na ang maling pagtatapon ng basura ang isa sa mga dahilan kung bakit grabe ang pagbaha sa mga lungsod. Pero tila walang gustong makinig. 


Hanggang ngayon, marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa estero, sa ilog, sa kalye — tapos magrereklamo kapag lumubog sa baha ang kanilang lugar.


Hindi natin makokontrol ang bagyo. Pero kaya nating iwasan ang mas matinding pinsala kung paiiralin ang disiplina. 


Hindi na kailangan ng mamahaling solusyon para rito — simpleng pagtapon ng basura sa tamang lugar at pakikilahok sa paglilinis sa komunidad, malaking tulong na.


Oo, may responsibilidad ang gobyerno sa waste management. Pero hindi ito sagot kung tayo mismo’y patuloy na walang pakialam. Tayo ang unang dapat kumilos.


Panahon na para maging seryoso sa isyu ng basura. Hindi lang ito tungkol sa kalinisan. Ito ay para sa kaligtasan. 

 
 

by Info @Editorial | July 23, 2025



Editorial


Tuwing bumubuhos ang ulan, baha agad ang sumasalubong sa mamamayan. Lubog ang mga kalsada, tirik ang trapiko, at lumilikas na naman ang maraming pamilya. 


Ang tanong, nasaan ang mga flood control projects?


May pondo, may pangako pero tuwing may ulan, tila wala ring nagbago. Habang nalulunod tayo sa baha, nilulunod din tayo ng pagkukulang at kapabayaan.


Marami umano sa mga proyekto ay naantala, napabayaan, o kaya’y hindi natapos. 


Hindi sapat ang dahilan na “malawak ang problema.” Matagal na itong alam. Ang kailangan ay aksyon, hindi puro plano. Hindi lang dapat iniisip ang proyekto kapag tag-ulan — dapat ito’y naipapatupad bago pa man bumaha.


Panahon na para ang flood control projects ay hindi lang pang-papel. Kailangan ito ngayon — bago pa may mas malubog, o mas may masaktan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page