top of page
Search

by Info @Editorial | August 2, 2025



Editorial


Sa gitna ng lumalalang problema sa sugal at iba pang bisyo sa hanay ng kabataan, malinaw ang kakulangan ng konkretong aksyon mula sa gobyerno. 


Habang patuloy ang pagkalat ng online gambling, at iba pang anyo ng bisyo, kapansin-pansing kulang ang suporta para sa mga makabuluhang libangan at programang pangkabataan.


Hindi sapat ang curfew o seminar. Ang kailangan ay mga libreng pasilidad, ligtas na espasyo at suportadong libangan.


Ang simpleng access sa sports facilities, art workshops, at skills training ay maaaring magsilbing epektibong panangga laban sa masasamang impluwensya. 


Gayunman, sa halip na dagdag-libangan, tila mas napopondohan pa ang mga proyektong walang direktang benepisyo sa kabataan.


Kung may pondo para sa mga pabidang proyekto, bakit walang sapat na suporta para sa youth programs? 


Panahon na para unahin ang mga programang makakatulong sa paghubog ng disiplina, talento, at dangal ng kabataan.

 
 

by Info @Editorial | August 1, 2025



Editorial


Hindi na biro ang epekto ng online gambling sa mga Pilipino. Habang dumarami ang nasasangkot sa sugal sa internet — maging bata o matanda — dumarami rin ang kaso ng pagkakabaon sa utang, pagkasira ng pamilya, at krimen. 


Pinakamalala, may mga ulat ng human trafficking, cyber fraud, at pagkakaugnay ng mga illegal POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) sa mga sindikato.Ito ang hamon sa ating mga senador: huwag manahimik kundi magsuri at kumilos nang buong tapang. 


Hindi sapat ang mga pagdinig kung mauuwi lang sa tila pagpapabida.

Kailangang may konkretong hakbang. Kung kailangang mas higpitan ang batas ay gawin na.


Ipasara ang mga ilegal na operasyon, at tuluyan ang mga tiwaling opisyal na nakikinabang sa sistema.


Higit kailanman, ngayon dapat patunayan ng Senado na sila ay para sa bayan, hindi para sa sugalan.


 
 

by Info @Editorial | July 31, 2025



Editorial


Sa harap ng patuloy na lumalalang problema sa basura, isang malinaw na katotohanan ang dapat harapin ng mga lokal na pamahalaan, hindi sapat ang mga hakbang sa waste management.


Sa bawat tambak ng basura sa lansangan, kanal, at karagatan, ay repleksyon ng pagkukulang sa implementasyon, edukasyon, at disiplina.


Bagaman may umiiral na batas, maraming LGU ang hindi pa rin ganap na sumusunod dito. Kakulangan sa maayos na segregation, hindi sapat na pasilidad para sa composting at recycling, at limitadong impormasyon sa publiko ang ilan sa mga ugat ng problema.


Ang mga LGU ang nasa unang hanay ng serbisyo-publiko. Sila ang mas may kakayahang magpatupad ng mga programang akma sa lokal na kalagayan — mula sa pagkakaroon ng material recovery facilities, hanggang sa pagtatalaga ng community-based monitoring ng tamang pagtatapon ng basura.


Higit pa rito, kailangang maging aktibo ang mga barangay sa kampanya laban sa maling pagtatapon ng basura. Dapat itong samahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at nararapat na parusa sa mga lalabag. 


Ang kalinisan at kaayusan ng isang komunidad ay hindi lamang isyu ng estetika — ito ay usapin ng kalusugan, kalikasan, at kinabukasan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page