- BULGAR
- Aug 8, 2025
by Info @Editorial | August 8, 2025

Matapos ang mainit na usapin ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na tuluyang in-archive sa Senado, panahon na upang mas ibaling ng mga mambabatas ang kanilang atensyon sa mas mahahalagang isyu na tunay na may direktang epekto sa mamamayang Pilipino.
Ang impeachment ay isang lehitimong bahagi ng sistemang demokratiko na kailangang pagtuunan ng pansin at kasabay nito dapat ay hindi maisantabi ang iba pang mahahalagang usapin. Tulad ng mga problema sa ekonomiya, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at patuloy na suliranin sa edukasyon at kalusugan.
Hindi maikakaila na tila nauubos ang oras at atensyon ng ilang mambabatas sa pulitika at awayan sa kapangyarihan. Ang tanong: para kanino nga ba talaga ang kanilang serbisyo?
Habang tuloy ang pagtatalo sa mga pulitikal na isyu, nananatiling hirap ang karaniwang Pilipino sa araw-araw.
Mabagal pa rin ang pagpapatupad ng mga reporma sa edukasyon, at marami pa ring Pilipino ang walang access sa maayos na serbisyong pangkalusugan.
Ang desisyong i-archive ang impeachment complaint ay tila pagsasara ng isang kabanata. Ngayon, inaasahan ng publiko na ang mga mambabatas ay magpokus na sa paggawa ng batas para sa reporma sa buwis, suporta sa agrikultura, dagdag na sahod, at serbisyong panlipunan.




