top of page
Search

by Info @Editorial | August 14, 2025



Editorial


Halos kada taon na lang, paulit-ulit ang problema sa iskul: sira ang mga upuan, walang electric fan, hindi maayos ang palikuran, at kapos sa iba pang pasilidad. 


At ano ang karaniwang sagot? “Mag-ambag po tayo sa PTA.”Walang masama sa pagtutulungan, lalo na kung para sa ikabubuti ng mga mag-aaral. Pero hindi ba’t tungkulin ng gobyerno ang maglaan ng pondo para sa maayos na pasilidad ng mga pampublikong paaralan? Bakit sa mga magulang na halos kapos na sa panggastos, ipinapasa ang responsibilidad?Ang PTA contribution ay dapat boluntaryo, pero may mga paaralan na tila ito’y nagiging sapilitan.Hindi dapat PTA collection ang solusyon sa matagal nang problema sa pasilidad. Ang kailangan ay malinaw na aksyon mula sa gobyerno at lokal na pamahalaan. 


Kailangang tiyakin na ang budget para sa edukasyon ay napupunta sa tunay na pangangailangan ng mga paaralan.Oo, mahalaga ang tulong ng mga magulang. Pero huwag nating hayaan na sila lang ang umaako sa dapat ay tungkulin ng estado.Ang edukasyon ay karapatan. Ang maayos na paaralan ay dapat ibinibigay, hindi ipinagmamakaawa.


Ngayong napag-uusapan na naman sa Kongreso ang mga suliranin sa eskwelahan, umaasa tayo na masosolb na ang mga ito. 


Hamon din sa mga opisyal, ilantad ang pondo at mga proyekto para sa edukasyon partikular sa mga pasilidad ng eskwelahan nang magkaalaman.


 
 

by Info @Editorial | August 13, 2025



Editorial


Ang mga street vendor ay mahalaga sa komunidad. Nagbibigay sila ng murang bilihin at madaling serbisyo sa publiko. 


Gayunman, kung walang maayos na panuntunan sa kanilang puwesto, nagiging sanhi sila ng sikip sa kalsada, kalat, at disgrasya.Kailangan ng malinaw na patakaran kung saan sila maaaring magtinda. 


Hindi puwedeng basta na lang silang pumwesto kahit saan. Dapat may tamang lugar, oras, at kondisyon para sa kanilang pagtitinda.Responsibilidad ng lokal na pamahalaan na magtakda ng maayos na sistema — tulad ng mga itinalagang vending zones, tamang sanitation, at regular na inspeksyon. 


Sa ganitong paraan, makakapaghanapbuhay pa rin ang mga vendor nang hindi naaabala ang publiko.


Hindi ito laban sa kabuhayan nila. Ito ay para sa kaayusan ng lahat. Kapag may disiplina at maayos na pamantayan, ligtas at maginhawa ang kalsada para sa mamimili, vendor, at motorista.

 
 

by Info @Editorial | August 12, 2025



Editorial


Hindi na bago sa mga motorista at mananakay sa Pilipinas ang salitang kamote driver — isang terminong ginagamit upang ilarawan ang mga walang disiplina, mapanganib, at kadalasang pasaway na drayber sa kalsada. 


Silang mga hindi sumusunod sa batas-trapiko. 


Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at mga umiiral na batas, tila ba lalo pang dumarami ang ganitong uri ng mga motorista.Ang epekto? Disgrasya, trapik at pagkasira ng kaayusan sa lansangan. 


Araw-araw, may mga naitatalang aksidente kung saan sangkot ang mga "kamote". Masaklap, hindi lamang sila ang napapahamak kundi pati mga inosenteng pedestrian at kapwa motorista.Panahon na upang seryosohin ang panawagan ng publiko: Patawan ng mas mabigat na parusa ang mga pasaway na drayber.Hindi sapat ang simpleng ticket o maliit na multa. Marami sa kanila ang inuulit ang paglabag dahil batid nilang maliit lang ang kapalit ng kanilang kapabayaan. 


Ang dapat ipataw ay mga parusang may bigat at tunay na epektibo: mataas na multa, pagkumpiska ng lisensya, sapilitang re-education o defensive driving courses, at sa malulubhang kaso — pagkakakulong.


Hindi ito usapin ng panggigipit kundi ng disiplina. Ang kalsada ay hindi laruan. Buhay ang nakataya sa bawat pagmamaneho. Kung hindi natin paiiralin ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa mga kamote driver, patuloy na malalagay sa panganib ang buhay ng marami.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page