- BULGAR
- Aug 20, 2025
by Info @Editorial | August 20, 2025

Mahigit 120 Pinoy ang kamakailan ay na-rescue mula sa human trafficking syndicates.
Iisa ang kanilang kuwento — inalok ng trabaho online, dinala sa abroad, at doon pinilit na maging online scammer.Ito ang bagong mukha ng human trafficking.
Sa halip na trabaho, panloloko ang ipinagawa sa kanila. Kinuha ang kanilang mga pasaporte, ikinulong, tinakot, inabuso at ginamit ng mga sindikato para mambiktima.Bakit patuloy itong nangyayari?
Maluwag pa rin ang online recruitment system sa Pilipinas. Tila wala ring sapat na babala o aksyon mula sa gobyerno para harangin ang ganitong modus.Kaugnay nito, nais ding linawin na hindi kriminal ang mga OFW na ito — biktima sila. Hindi nila ginusto ang panloloko kundi pinilit sila.
Panahon nang higpitan ang regulasyon sa online job offers, habulin ang mga recruiter, at tiyaking may proteksyon ang bawat Pilipino — bago pa sila malinlang at mapahamak sa ibang bansa.
Sa kabilang banda, habang hindi maayos ang mga ugat ng problema — kakulangan sa trabaho, korupsiyon, palpak na sistema — marami pa ring makikipagsapalaran sa ibang bansa kahit pa magsakripisyo o magbuwis ng buhay.




