top of page
Search

by Info @Editorial | September 17, 2025



Editorial


Kada taon, paulit-ulit na may bagong kaso ng korupsiyon. May mga opisyal na iniimbestigahan at may sabayang hearing sa Senado at Kamara. 

Ngayong taon, dahil sa mas matindi at mala-sindikatong nakawan, may independent commission pa. 


Pero sa opinyon ng publiko, baka wala na namang mangyari. Walang mapaparusahan. Walang makukulong. Laging imbestigasyon lang — parang teleseryeng hindi matapos-tapos.


Ganito na ba talaga ang kalakaran? Isang malaking palabas na lang ang lahat? Kapag may isyu, magpapatawag ng presscon, magpapakita ng galit, pero pagkalipas ng ilang buwan, wala na. Limot na. Tapos uulit na naman ang mga abusado sa kapangyarihan at sugapa sa kayamanan.


Habang ganito ang sistema, patuloy na nanakawan ang taumbayan. Ang perang dapat para sa ospital, paaralan, kalsada, at ayuda — kinukurakot. Samantalang ang ordinaryong Pilipino, todo-tiis sa mahal ng bilihin, at palpak na serbisyo-publiko.


Kung seryoso talaga ang gobyerno laban sa korupsiyon, dapat may resulta. Dapat may managot. Hindi sapat ang puro imbestigasyon. Kailangang tapusin ang kaso, ikulong ang tiwali, at ibalik ang ninakaw.


Tama na ang “forever” na imbestigasyon. Panahon na para ipakita na may totoong hustisya sa ‘Pinas.


 
 

by Info @Editorial | September 16, 2025



Editorial


Ang kilos-protesta ay karapatan pero hindi ito basta-basta. Kapag sasali sa isang protesta, kailangang malinaw sa ‘yo kung bakit ka nandoon, ano ang ipinaglalaban, at ano ang dapat mong gawin.Una sa lahat, maging alerto. Laging may posibilidad na may manggulo o manggamit ng protesta para sa pansariling interes. Bantayan ang paligid.


Huwag basta sumunod sa sinumang nag-uudyok ng gulo. Sa halip, makinig sa mga organizer at marshals ng protesta. Sila ang may plano at may pananagutan sa kabuuang takbo ng pagkilos.Pangalawa, maging responsable. Kung ang layunin ng protesta ay kapayapaan at katarungan, hindi ito dapat mauwi sa karahasan. Hindi tayo makakakuha ng suporta kung ang kilos-protesta ay magiging magulo at nakakasama sa kapwa.


Pangatlo, alamin ang limitasyon. Kung may naganap nang tensyon, matutong umatras. Hindi karuwagan ang pag-iwas sa panganib. Ito ay pagpapakita ng katalinuhan at disiplina.Ang tunay na lakas ng protesta ay hindi nasa dami ng sumisigaw kundi nasa mensaheng malinaw, maayos, at matibay ang paninindigan. 


Kaya sa mga dadalo sa kilos-protesta laban sa korupsiyon, maging mapanuri, alerto, at responsable.


Ang pagbabago ay nagsisimula sa matalinong pagkilos, hindi sa ingay na wala namang laman.


 
 

by Info @Editorial | September 15, 2025



Editorial


Isa sa mga sektor na tila isinasantabi ay ang mga solo parent — mga magulang na mag-isang nagsisikap itaguyod ang kanilang mga anak sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.


Sa bisa ng Expanded Solo Parents Welfare Act (RA 11861), may karapatan ang mga kwalipikadong solo parent sa buwanang ayuda na P1,000. Gayunman, marami pa rin ang hindi nakakatanggap ng tulong na ito. Isang malinaw na indikasyon ng kakulangan sa implementasyon, impormasyon, at pondo.Hindi sapat na may batas.


Ang batas ay dapat nararamdaman.Maraming solo parent ang hindi alam na may ganitong benepisyo. Sa iba naman, napakabagal at kumplikado ng proseso. 

May mga lokal na pamahalaan na kulang sa programa at mekanismo upang maipatupad ito nang maayos. Ang resulta, ang ayuda ay nananatiling papel lamang para sa karamihan.


Kaya panawagan na mas pagtuunan ng pansin ang pagpapatupad ng ayuda. Dapat may malinaw na sistema at sapat na pondo.


Gawing simple ang aplikasyon. Palawakin ang saklaw ng tulong. Hindi lang dapat limitado sa mga nasa pinakamababang antas ng kahirapan. Maraming solo parent ang kapos, pero hindi pasok sa “poorest of the poor”.


Ang P1,000 ay maaaring maliit para sa iba, pero napakalaking bagay ito para sa magulang na nag-iisang nagtataguyod ng pamilya. 


Ang pagiging solo parent ay hindi dapat maging hadlang sa pag-asenso. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page