top of page
Search

by Info @Editorial | September 28, 2025



Editorial


Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang paglilipat ng tinatayang P36 bilyong pondo mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa mga pangunahing programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Kabilang sa mga tatanggap ng dagdag-pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). 


Hindi maikakaila na may mga tagumpay ang nasabing programa. 


Gayunman, lumulutang din ang mga isyung bumabalot sa programa kabilang ang umano’y pamumulitika sa pagpili ng benepisyaryo, kawalan ng malinaw na monitoring sa progreso ng mga pamilya, at ang posibilidad ng labis na pag-asa sa ayuda ng gobyerno.Dahil dito, kailangang magsagawa ng malawakang pagsusuri sa implementasyon ng 4Ps. 


Dapat malaman kung totoo bang umaahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo o kung ito ba ay naging pansamantalang lunas lamang sa matagal nang problema ng kahirapan. 


Panahon na para busisiin, linisin, at iayos ang 4Ps — hindi upang buwagin ito, kundi upang matiyak na ito’y tunay na nakatutulong at hindi lamang nagsisilbing pampalubag-loob sa kahirapan.


 
 

by Info @Editorial | September 27, 2025



Editorial

Isang nakakagulat pero hindi na rin bago na halos 100% ng mga proyekto ng gobyerno, luto na ang bidding.Sistemang bulok, proyektong peke, at bilyong pisong ninanakaw gamit ang serbisyo-publiko. 


Sa halip na maayos na flood control, may ghost projects. Imbes na patas na bidding, may hatian at sindakan na mala-sindikato ang galawan.Ito ang reyalidad: ang gobyerno, hindi lang palpak — kundi sinadyang ginagawang negosyo ng iilan.Sino ang kawawa? Taumbayan. Ang mga nagbabayad ng buwis. 


Mula noon hanggang ngayon, ang mga Pilipino ay paulit-ulit na niloloko, pinapangakuan, pero walang natatanggap kundi baha, trapik, at mahal na bilihin.Paulit-ulit ang imbestigasyon, pero walang tuluyang nabubulok sa kulungan. 


Panahon na rin para ang malalaking isda ang mahuli. 


Kailangang pangalanan at kasuhan ang mga nasa likod ng malawakang korupsiyon.

Kung wala tayong gagawin, kasabwat na rin tayo sa bulok na sistema sa gobyerno.

 
 

by Info @Editorial | September 26, 2025



Editorial


Muling sinalanta ng bagyo ang ilang bahagi ng bansa. 

Sa pananalasa ng Bagyong Nando at Opong, libu-libo ang naapektuhan — binaha, nawalan ng tahanan, kabuhayan at ngayo’y pansamantalang nasa mga evacuation center.


Ang mga biktima ay posibleng makaranas ng gutom, pagod, at hindi alam kung kailan sila matutulungan. Kaya hindi ito panahon ng pag-aalangan.


Dapat malinaw ang utos sa bawat ahensya: kumilos agad. Siguruhin ang pagkain, tubig, gamot, at matutuluyan ng mga apektado. Bigyang atensyon ang mga bata, buntis, senior citizen, at may sakit.


At para sa kinauukulan, hindi sapat ang pagbisita sa lugar o pagkuha ng litrato. Ang kailangan ng mamamayan ay tunay na serbisyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page