top of page
Search

by Info @Editorial | November 18, 2025



Editorial


Hindi maikakaila ang hirap na kinakaharap ng sektor ng transportasyon.


Halos non-stop ang pagtaas ng presyo ng langis, maintenance at operating costs, toll fees, at mga isyu tulad ng route overlaps, colorum vehicles, at kompetisyon.


Kaugnay nito, una nang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang paghahain ng rekomendasyon sa Department of Transportation (DOTr) para sa hirit na dagdag-pasahe sa Public Utility Vehicles (PUVs).


Nakabatay umano ang rekomendasyon sa masusing pagsusuri ng datos, socio-economic impacts, at mga suhestiyong inilatag ng mga transport group at operator sa isinagawang public consultation.


Samantala, sa kabilang panig ay naroon naman ang milyun-milyong pasahero — mga estudyante, manggagawa, at iba pa na namamasahe araw-araw. Para sa kanila, ang kahit pisong dagdag ay hindi basta maliit na halaga. Sa panahon ng taas-presyo ng bilihin at bumibigay na ekonomiya, ang anumang dagdag ay may domino effect sa pang-araw-araw na gastusin.


Kaya’t mahalaga ang papel ng LTFRB at DOTr. Ang kanilang desisyon ay hindi dapat nakabatay lamang sa hinaing ng isang sektor, kundi sa kabuuang larawan ng ekonomiya at kapakanan ng publiko.

 
 

by Info @Editorial | November 17, 2025



Editorial


Muling nangibabaw ang kabutihan ng pandaigdigang komunidad nang dumating ang mga tulong mula sa iba't ibang bansa para sa mga biktima ng Bagyong Tino at Uwan dito sa ‘Pinas.  


Inanunsyo ang tulong mula sa United States of America, Japan, Singapore, India, Republic of Korea at Timor-Leste.


Magbibigay umano ng $1 million na donasyon ang Republic of Korea sa pamamagitan ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies upang suportahan ang relief operations.


Nag-abot naman ng karagdagang $1.5 million ang Estados Unidos para sa agarang tulong sa mga binagyo. Saklaw ng tulong ang logistics, emergency shelter, tubig, sanitation, at pamamahala sa mga evacuation center. Ang nasabing halaga ay dagdag sa $1 million na una nang ibinigay ng US.


Pinatutunayan nito na sa panahon ng sakuna, ang pagkakaisa ay hindi nasusukat sa distansya o lahi, kundi sa malasakit.


Gayunman, kasabay ng pagdaloy ng tulong mula sa labas, kailangang matiyak na ito'y maayos at kumpletong makakarating sa mga biktima.


Dapat may malinaw na sistema at aktibong pakikiisa ng mga lokal na lider at komunidad. Ang transparency ay hindi opsyon, ito'y obligasyon.


At ang mga donasyong galing sa ibang bansa ay hindi basta ayuda, ito'y pagtitiwalang dapat suklian ng tama at tapat na pamamahala.


Ang hamon ay malinaw, hindi sapat na may dumarating na tulong; dapat itong maihatid, maipamahagi, at mapakinabangan nang walang bahid ng duda. Sa ganitong paraan, ang tulong ay nagiging tunay na sandigan ng pag-asa at pagbangon ng bayan.

 
 

by Info @Editorial | November 16, 2025



Editorial


Dalawang magkasunod na unos — Bagyong Tino at Uwan — ang muling nagpalubog sa libu-libong pamilya sa malawakang pagbaha. Ngunit higit pa sa lakas ng hangin at ulang dala ng mga ito, ang tunay na sumalanta sa buhay ng mamamayan ay ang kapalpakan dulot ng korupsiyon sa flood control projects.


Sa bawat anunsyong may milyong pondo para sa proyekto kontra-baha, umaasa ang publiko na mababawasan man lang ang pinsala. Subalit nang manalasa ang mga bagyo, sabay na nawasak ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Ang inaasahang mga protektong magsisilbing proteksyon, kung hindi palpak, multo.


Kaya’t makatarungan lamang ang panawagan ng mga biktima na magbayad ang mga ahensya, opisyal at kontraktor na nang-abuso. Dapat nilang harapin ang bigat ng kapabayaan at korupsiyon.


Hindi sapat ang simpleng pagbisita, relief operations o kung ano pa mang pagpapa-pogi. Kailangang may managot at magbayad.


Higit sa lahat, kailangang totohanin ang pagbabago. Kung mananatili ang bulok na sistema, mauulit lang ang trahedya na daan-daang katao ang namatay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page