top of page
Search

by Info @Editorial | December 6, 2025



Editorial


May kabuuang 9,027 police personnel na ang nasibak sa serbisyo sa Philippine National Police (PNP) mula Hulyo ng taong 2016 hanggang nitong Nobyembre 2025, dahil umano sa pinaigting na paglilinis sa hanay nito, ayon sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM).


Tama lang na hindi na puwedeng palampasin ang katiwalian at pang-aabusong nangyayari sa loob ng PNP. 


Habang may mga pulis na tapat sa tungkulin, hindi maikakaila na may ilang tiwaling miyembro na sumisira sa buong institusyon. At hangga’t may mga pulis na sangkot sa droga, pangingikil, at iba’t ibang uri ng pang-aabuso, mananatiling mababa ang tiwala ng publiko.Kaya’t dapat maging mas mahigpit ang paglilinis at pagbabantay sa hanay ng kapulisan.


Kung sino ang tiwali — sibak agad. Kung sino ang abusado — kasuhan. Hindi puwedeng matakpan ang mga pagkakasala dahil lang sa ranggo o koneksyon. 

Dapat ding tiyakin na mabilis at malinaw ang proseso ng imbestigasyon upang hindi binababoy ang sistema.


Kasabay nito, dapat bantayan ang mismong kultura sa loob ng institusyon. Hindi sapat ang pagsibak sa mga salarin; kailangan ding siguruhing hindi na sila napapalitan ng katulad nila. 


Ang recruitment, training, at araw-araw na operasyon ay dapat nakatuon sa integridad, disiplina, at tunay na serbisyo-publiko.


 
 

by Info @Editorial | December 5, 2025



Editorial


Tuwing panahon ng kapaskuhan, hindi lamang trapik at pila sa mga terminal ang lumalala — kasabay nito ang reklamo ng publiko sa surge pricing at biglaang ride cancellations mula sa Transport Network Vehicle Service (TNVS). 


Sa gitna ng pagdagsa ng pasahero at limitadong transportasyon, tila nagiging mas malinaw ang butas sa regulasyon at ang kawalan ng disiplina ng ilan sa mga operator at driver. 


Sa isang banda, hindi masama ang surge pricing. Isa itong paraan upang hikayatin ang mas maraming driver na pumasada sa oras ng mataas na demand. Pero nagiging problema na ito 'pag umaabot sa hindi makatuwirang halaga na malinaw na umaabuso sa pangangailangan ng publiko. Mas nakakadagdag pa sa problema ang paulit-ulit na ride cancellations.


Karaniwan umano itong nangyayari kapag nakita ng driver na hindi “pabor” ang destinasyon, o kaya nama’y naghahanap sila ng pasaherong mas mataas ang surge fare. Malinaw na naaagrabyado ang mga nagbabayad nang tama at sumusunod sa sistema.Kaya’t tama lamang na paigtingin ang monitoring at magpatupad ng mas mahigpit na penalty laban sa mga TNVS operator at driver na lumalabag. 


Gayundin, kailangang obligahin ang mga platform na maging mas transparent sa kanilang surge algorithms at magbigay ng malinaw na proteksyon sa mga pasahero laban sa pang-aabuso.


Kailangang tutukan din ang ugat ng problema: ang kakulangan ng alternatibong transportasyon, lalo na tuwing peak season. 

 
 

by Info @Editorial | December 4, 2025



Editorial


Sa kabila ng pagsulong sa karapatan ng mga taong may kapansanan, marami pa rin ang nakararanas ng abala partikular sa pag-renew ng kanilang Persons with Disabilities (PWD) ID. 


Para sa mga indibidwal na may permanent disability, ang proseso ng renewal ay hindi lamang nakakapagod kundi minsan ay nagdudulot ng dagdag-gastusin.


Ang PWD ID ay isang mahalagang dokumento na nagbibigay ng access sa mga benepisyo tulad ng diskwento sa gamot, transportasyon, at iba pang serbisyo. 

Gayunman, para sa mga may permanent disability, ang paulit-ulit na pagproseso ng ID ay dagdag-pasakit lamang. 


Ang kanilang kondisyon ay hindi nagbabago, ibig sabihin, ang pangangailangan nilang protektahan ang kanilang karapatan sa benepisyo ay patuloy at hindi pansamantala.

Marapat lamang na kilalanin ng gobyerno ang natatanging sitwasyon ng mga permanenteng PWD. 


Ang lifetime validity ng PWD ID ay magpapakita ng tunay na malasakit at respeto sa kanilang dignidad. Hindi na nila kailangang maglaan ng oras at pera sa mga proseso na paulit-ulit at nakakapagod. Ang pagkakaroon ng lifetime validity ng PWD ID ay hakbang din tungo sa mas inklusibong lipunan. Ipinapakita nito na ang bansa ay handang mag-adapt sa pangangailangan ng lahat ng mamamayan, lalo na sa mga pinaka-vulnerable. 


Sa ganitong paraan, mas napapalakas ang pakikilahok ng mga PWD sa ekonomiya, edukasyon, at iba pang aspeto ng buhay.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page