top of page
Search

by Info @Editorial | December 12, 2025



Editorial


Umabot sa 2.54 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Oktubre 2025, batay sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Mas mataas ito kaysa sa 1.96 milyong walang trabaho o kabuhayan noong Setyembre 2025 at 1.97 milyon noong Oktubre 2024.


Ang naturang bilang na walang trabaho sa edad 15 pataas ay katumbas ng unemployment rate na 5% ng 51.16 milyong aktibong kalahok sa labor force.


Nangangahulugan ito ng 50 sa kada 1,000 katao ang walang trabaho o livelihoods.

Masasabing malala pa rin ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas, at araw-araw ay ramdam ito ng mga pamilyang hirap humanap ng kabuhayan. 


Marami ang handang magtrabaho ngunit walang makitang oportunidad. Mas masakit, dumarami ang kabataang nakatapos ng pag-aaral pero hindi natatanggap dahil walang experience, habang ang iba nama’y napipilitang magtrabaho sa mababang sahod o hindi tugma sa kanilang pinag-aralan.


Malinaw na kailangan ng mas epektibong aksyon mula sa gobyerno. Mas maraming de-kalidad na trabaho, malinaw na job matching, at training.


Panahon na para gawing prayoridad ang hanapbuhay, hindi lamang sa salita, kundi sa gawa.


 
 

by Info @Editorial | December 11, 2025



Editorial


Sa isang bansang ipinagmamalaki ang demokrasya, nananatili ang katotohanan na ang kapangyarihan ay umiikot lamang sa iilang pamilya. 


Ang political dynasty na paulit-ulit nang napatunayang nagiging hadlang sa tunay na pag-unlad ay patuloy na humahawak sa mga posisyon sa pamahalaan na dapat sana’y bukas sa bawat mamamayan na may kakayahan at tunay na malasakit.


Laging sinasabi na ang posisyon sa gobyerno ay bukas sa taumbayan ngunit ang problema ay hindi naman pantay ang larangan. Ang pagkakaroon ng pangalan, pera at impluwensiya ng mga dinastiya ang pumipigil sa mga bagong lider na makapasok at makapaglingkod. 


Idagdag pa ang kawalan ng malinaw na batas laban sa political dynasty.

Kung tunay nating ninanais ang isang gobyernong nagsisilbi sa bayan at hindi sa iilang pamilya, kailangang tapusin ang sistemang pumipigil sa pag-usbong ng mga bagong lider at sariwang ideya. 


Ang pagseserbisyo-publiko ay hindi dapat minamana. Hindi ito negosyo, titulo, o trono na ipinapasa. Ito ay tungkulin—at ang tungkuling ito ay dapat bukas para sa lahat.

Kapag ang bawat Pilipino—mayaman man o mahirap, kilala man o hindi—ay nagkaroon ng patas na pagkakataon na magsilbi, doon lamang natin tunay na masasabi na ang kapangyarihan ay nasa kamay ng taumbayan.

 
 

by Info @Editorial | December 10, 2025



Editorial


Sa ilalim ng City Ordinance No. 26 s-2025, bawal na ang lahat ng billboards at signages tungkol sa pagsusugal sa buong Pasig.


Kasama sa mga bawal lagyan ng gambling ads ang mga public utility vehicles na regulated ng local government gaya ng tricycle, pedicab at PUV terminals. Bawal ding maglagay sa mga building sa anumang LED screens. 'Di na rin papayagan ang pamamahagi ng gambling ads sa mga leaflets, brochures at flyers.


Bagama't may mga hindi na sakop ng kapangyarihan ng LGU, lalo na kung national/online ang pinag-uusapan.


Masasabing dapat nang kumilos ang mga LGU laban sa lumalalang kaso ng pagkakalulong sa sugal. 


Hindi na bago ang balitang may mga taong nababaon sa utang, napapabayaan ang pamilya, at nasasangkot sa krimen dahil sa iba’t ibang anyo ng sugal—legal man o ilegal. Kung patuloy na manonood lamang ang LGU, sila mismo ang nagiging bahagi ng problema.


Malinaw ang mandato ng LGU, ang protektahan ang kapakanan ng mamamayan. 

Kayang higpitan ng LGU ang permit, inspeksyon at operasyon ng mga pasugalan—kailangan lang gawin at seryosohin.


Kaugnay nito, kailangan din ng mga programa para sa edukasyon, impormasyon at rehabilitasyon para sa mga nalulong sa sugal. Kung walang tulong, babalik at babalik lang ang problema.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page