top of page
Search

ni Eddie Paez, Jr. @Sports | May 23, 2023


ree

Hindi nagpakaldag ang batikang si Juvic Pagunsan ng Pilipinas kina Japanese Taihei Sato at Kaiga Semikawa sa gitgitang duwelo sa huling 18 butas upang koronahan ang sarili bilang hari ng Japan Golf Tour: Golf Partner Pro-Am Tournament noong Linggo sa Ibaraki, Japan.


Umuusok na 23-under-par 257 ang ipinoste ng 45-taong-gulang na Pinoy sa torneo kabilang na ang dalawang birdies sa huling tatlong mga butas upang buhusan ang apoy ng mga atakeng ginagawa ng mga mas nakababatang pambato ng punong-abala.


Ang pinagsama-samang kartada na 64-63-64-66 mula sa apat na araw ng paghataw ay nagbigay kay Pagunsan ng gantimpalang JPY 22,000,000 o halos Php 4.8M.


Dalawang palo sa likod ni Pagunsan, nagkampeon din sa Japan Tour noong 2021 (Gateway To The Open: Mizuno Open), si Sato, 30-anyos, at Semikawa, edad 22, na nakuntento na lang sa paghahati sa pangalawang baytang.


Dalawa pang Hapones ang nagsosyo ng pang-apat posisyon. Ito'y sina Yosuke Tsukada at Yusaku Hosono na kapwa umiskor lang ng 19-under-par 261. Walong palo sa likod ng kampeon ay si Justin Delos Santos (14th, 265 strokes, JPY 944,000).

 
 

ni Eddie Paez, Jr. / MC @Sports | May 14, 2023


ree

Nakagintong medalya si Islay Erika Bomogao sa senior female elite 45 kg at silver din sa senior female wai kru sa 2023 IFMA Senior World Championship Bangkok, Thailand habang silver si Adelle Vinscent Rosales sa under 23 male mai muay kahapon.


Gintong medalya rin ang nakamit nina Rhichien Yosorez at Alyssa Kylie Mallarie sa under 23 female mai muay. Nakapilak si LJ Rafael Yasay sa under 23 male mai muay at bronze sa senior male combat 51 kg.


Silver medalist si April Joy La Madrid sa under 23 female wai kru. Johnden Aldana, Jr, silver sa senior male 18-24 wai kru.


Samantala, nakuha ng dehadong si Zorren James Aranas ng Pilipinas ang isang upuan sa semifinals sa pagpapatuloy ng kanyang panggugulat sa prestihiyosong 2023 World Pool Masters sa Essex, United Kingdom.


Ito ang lumutang pagkatapos maungusan ng manlalarong kilala rin sa bansag na "Dodong Diamond" si US Pro Billiards 2-leg winner at World Pool Billiards Association (WPA) no. 4 Wiktor Zielinskie ng Poland sa isang gigitang salpukang nagwakas sa iskor na 11-10.


Bagamat dalawang beses lang nagtabla (3-3 at 10-10), hindi malaman ng mga miron kung sino ang mangingibabaw hanggang sa huling match. Ang duelo ay kinakitaan ng palitan ng pagkuha ng momentum hanggang sa manaig ang wildcard na si Aranas sa dulo ng nabanggit na match-up sa quarterfinals ng torneong 16 na pili at malulupit na mga bilyarista lang ang kalahok.


Susunod na nakaharang sa pambato ng bansa tungo sa finals si dating World 10-Ball Championship winner Pin Yi Ko (Taiwan). Nakarating naman sa final 4 si Ko matapos daigin si 2022 World 9-Ball king Shane Van Boening (USA). Ang Taiwanese rin ang naging kampeon ng Asian 9-Ball tilt sa Singapore noong 2022.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. / Clyde Mariano @Sports | May 6, 2023



ree

"It was surreal. I couldn’t believe,” sabi ni Kaila Napolis na unang atletang Pinoy na naka-gold sa 32nd SEA Games sa Jiu Jitsu Women's Newaza -52kg event kontra Cambodia’s Jessica Khan.


Sa kanyang panalong ginto tatanggap si Napolis ng P300,000 cash incentives tulad ng iba pang makakaginto mula sa Malacanang at Philippine Sports Commission.


"Sobrang thank you po ako sa lahat ng sumuporta at nag-organisa ng sport na ito at hindi po ito magagawa kung wala po sa tulong nila. Kahit short notice at nag-isolate ay naibigay rin po ang best namin," ayon naman kay Angel Gwen Derla, naka-2nd gold sa Kun bokator sa women's single bamboo shield.


Sigurado naman sa 2 ginto at 2 pilak sina Precious Gabuya at Guinness Book of World Record holder Kaizen de La Serna sa 100 meters women individual all-Filipino finals sa obstacle racing course ngayong Sabado.


Umabante rin sa finals ang women’s team nina Mhick Tejares, Sandi Abahan, Tess Nocyao at Mecca Cortizano na nagtala 40.1780 sa OCR. Haharapin ng Pinas ang Indonesia sa women's sa Linggo at determinadong kunin ang ginto sa kampanyang ginastusan ng Philippine Sports Commission at sinuportahan ng Philippine Olympic Committee. Ano man ang kalabasan ng laro sigurado na ang 'Pinays ng 2 ginto at 2 pilak sa OCR na pangatlong beses nilaro sa SEAG na una sa 'Pinas kung saan naka-anim na ginto, 3 pilak at tanso.


Sa chess (Ouk Chakrang), sigurado ang tambalan nina Janelle Mae Frayna at Shania Mae Mendoza sa pilak sa women’s doubles. Natalo sina Frayna at Mendoza kina Pham Thung Thunh Phuong Thao at Ton Hu Hoang An ng Vietnam.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page