top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 4, 2021



ree


Hindi pinaporma ng binatilyong si FIDE Master Alekhine Nouri ang mga bigating disipulo ng ahedres upang makuha ang korona ng Grandmaster Rosendo Balinas Jr. Bullet Online Chess Tournament.


Ipinoste ni Nouri ang malupit na 2698 performance rating sa paligsahang nilapatan ng isang minutong time control at umakit ng 585 chessers. Naging armas din niya paakyat sa trono ang 144 puntos mula 65 na laro kung saan 29 na panalo ang kanyang binitbit kasama ng 18 tabla kontra sa apat na talo.


Ang tagumpay sa bakbakan ng pambato ng Negros na nakakuha ng titulong FIDE Master sa Thailand noong pitong taong gulang pa lang siya ay nagkakahalaga ng Php 10,000.


Sampung puntos sa likod ng binatilyomg kampeon ay si GM Rogelio Barcenilla Jr. na sumabak naman sa 62 na laro at nakapagbulsa ng pabuyang Php 5,000 habang nakuntento sa pangatlong baitang si Chester Neil Reyes (126 puntos; Php 3,000). Bumuntot sa podium sina International Master Michael Concio (124 puntos, 4th) at IM Jan Emmanuel Garcia (121 puntos, 5th).


Samantala, sa nabinbing sagupaan ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference, sumampa sa pakikipagsosyo ng trangko sa Northern Division ang mga Laguna Heroes matapos daigin ang mga Zamboanga Sultans sa pamamagitan ng gitgitang armagedon, 2-1. Pumuntos para sa Heroes sina GM John Paul Gomez (kontra sa batikang si IM Chito Garma) at FM Austin Jacob Literatus (laban naman kay Zulfikar Sali) sa kompetisyong pumasok na sa “North vs. South” na bahagi. Naging susi ito sa pag-akyat ng rekord ng Laguna sa 20-3 panalo-talo na siya ring marka ng San Juan. Tanging si NM Joey Florendo lang ang nagparamdam sa scoreboard para sa Zamboanga nang silatin niya si US-based Barcenilla sa tanging professional chess league sa bahaging ito ng daigdig.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 2, 2021


ree


Papalo na si Fil-Japanese Yuka Saso sa 2021 season ng Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) upang ipagpatuloy ang kanyang impresibong paglalakbay sa malupit na mundo ng mga lady parbusters sa bahaging ito ng Asya.


Sasabak si Saso, may-ari ng dalawang gintong medalya sa huling Asian Games at siya ring top money earner ng JLPGA 2020, sa Daikin Orchid Ladies Golf Tournament simula Marso 4 hanggang 7 sa 6,561 yards ng Ryukyu Golf Course sa Okinawa. Halagang JPY 120,000,000 ang naghihintay sa mga pupuwesto sa bakbakang nakalatag sa par-72 na palaruan. Kabilang na rito ang gantimpalang JPY 21,600,000 para sa hihiranging reyna ng tunggalian.


Si Saso ay kumikinang sa JLPGA kung saan pumapangalawa siya sa Player of the Year derby. Pinagsama ng mga tagapangasiwa ng JLPGA ang 2020 at 2021 seasons. Ito ang naging tuntungan ng dating Youth Olympic Games silver medalist para umakyat sa pang 45 sa world rankings at pang 21 naman para sa mga gustong makapaglaro sa Tokyo Olympics na ilang buwan na lang at inaasahang matutuloy na. Halos swak na siya sa Olympics dahil top 60 lang ang papayagang pumalo sa Tokyo.


Matatandaang nagkampeon si Saso sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament at sa Nitori Ladies Golf Tournament. Pumangalawa rin ang dalagita sa JLPGA major na Totò Japan Classic at pumangatlo sa Daiao Paper Elleair Ladies Open. Bukod sa mga podium finishes na ito sa kanyang rookie year pumasok din siya sa unang sampung manlalaro ng Earth Mondahmin Cup (5th), JLPGA Tour Championship Ricoh Cup (6th), Descente Tokai Ladies Classic (8th) at Fujitsu Ladies Golf Tournament (10th).


Bukod pa sa mga nabanggit na laro, nag-top 10 din ang 19-anyos na pambato ng Pilipinas sa huling golfing major sa 2020 Ladies Professional Golf Association event sa USA.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 23, 2021


ree


Pinatunayan ni Lee Van “The Slayer” Corteza na siya ang pinaka-astig pagdating sa pagtumbok sa karambola nang tanghaling itong kampeon sa bakbakang tinawag na Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio.


Tinalo ni Corteza, minsan nang naging World 14.1 Straightpool titlist, si Ronnie “The Volcano” Alcano, 7-4, sa finale ng kompetisyong ginanap sa Shark’s Billiards Hall ng Lungsod Quezon noong Sabado ng gabi.


Maagang nag-alburuto ang bulkang si Alcano mula sa Laguna sa pagsibad sa isang 3-1 na bentahe sa pagbubukas ng kanilang championship face-off. Ngunit nakabalikwas si Corteza, tinatawag ding “Van Van” sa pool circle, at rumatsada ng limang umuusok na tagumpay upang lumapit sa korona sa iskor na 6-3.


Sa pang-10 laro, sumargo si Alcano at nagpakita ng pormang minsan nang nag-akyat sa kanya sa trono ng World 8-Ball Championships (2007) at World 9-Ball Championships (2006). Hindi pinatayo ni “The Volcano” si Corteza upang makalipat, 4-6.


Sa pang-11 rack, naging dikdikan pa rin ang laban dahil napunta ang iskor sa 28-27 angat si Corteza pero na kay Alcano ang pagtumbok. Sa malas, sumablay ang huli kaya pagtayo ni Corteza ay nilinis na niya ang mesa para selyuhan ang korona.


Pumasok sa finals si Corteza matapos daigin sa semis si Anton “The Dragon” Raga, 6-4. Sa kabilang hati ng bakbakan ng huling apat na kalahok na nakatayo, tinalo ni Alcano si Efren “Bata” Reyes, 6-4. Matatandaang kamakailan lang ay namayagpag sa “The Duel” ang tambalan nina Alcano at Reyes. Double world champion din si Reyes kagaya ni Alcano. Hari siya sa buong mundo ng 9-Ball noong 1999 habang walang nakadaig sa kanya sa 8-Ball noong 2004.


Bukod kina Corteza, Alcano, Raga at Reyes, nag-ambisyon din sa trono ng torneo pero nabigo sina dating world 9-Ball titlist Francisco “Django” Bustamante at Carlo “The Black Tiger” Biado ganundin ang mga batikang sina Jeffrey Ignacio at Jericho Banares.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page