top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 13, 2021



ree


Hinirang na kampeon sina International Master Jan Emmanuel Garcia at National Master Jonathan Tan sa magkahiwalay na tunggalian kamakailan ng mga disipulo ng online bullet chess.


Dinomina ni Garcia, pambato ng Ateneo at nagwagi rin sa isang online chess tourney noong Disyembre, ang “Balinas Day” Online Bullet Chess Tournament sa pamamagitan ng pagkulekta ng 150 Arena points. Ito ay mahigit 10 puntos sa sumegundang si Candidate Master Chester Neil Reyes na mula naman sa Rodriguez, Rizal. Ang pambatong chesser ng National University ay nakalikom lang ng 139 arena points.


Naselyuhan ni FIDE Master Alekhine Nouri ang huling upuan sa podium nang irehistro niya ang 131 arena points. Naungusan ng anak ng Escalante, Negros Occidental si Karl Victor Ochoa (Malolos, Bulacan) na nagsuko ng 130 arena points. Malayong panglima ang batikang si IM Paulo Bersamina dahil sa nadampot na 114 arena points.


Kasama sa kilalang chess warriors na nakapasok sa unang sampu sina IM Daniel Quizon (Cavite), NM Giovanni Mejia (Taguig) at FM Sander Severino na kasalukuyan ding kampeon ng International Physically Disabled Chess Association (IPCA) World Online Chess Tournament.


Samantala, walang runaway na panalo ang naganap sa tronong inangkin ni Tan. Nauwi sa isang photofinish ang bakbakang “Cavite Spartans 1+1 Bullet Practice Arena” nang kapwa magsumite ng 42 puntos sina NM Tan ng Davao at Romblon pride Jayson Visca sa dulo ng kompetisyon.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 11, 2021



ree


Pipiliting makaresbak ni Fil-Japanese Yuka Saso sa kanyang pangalawang taon ng pagiging pro golfer kapag makipagpalitan na siya ng palo sa Meiji Yasuda Life Insurance Ladies Yokohama Tire Golf Tournament umpisa ngayong Huwebes sa palaruan ng Tosi Country Club, Kochi.


Matamlay ang laro ng double Asian Games gold medalist sa opening season ng Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) noong nakaraang linggo kaya hindi man lang siya nakapasok sa weekend play ng Daikin Orchid Ladies Golf Tournament sa 6,561 yards ng Ryukyu Golf Course ng Okinawa.


Sa torneo ngayon sa Meiji Yasuda, tiyak na pipiliting makabawi ng tinedyer. Halagang JPY 80,000,000 ang naghihintay sa mga popodium sa bakbakang nakalatag sa par-72, 6,228 yarda na palaruan. Kasama na rito ang papremyong JPY 14,400,000 para sa hihiranging reyna ng tunggalian.


Si Saso ay kumikinang sa JLPGA sa kanyang rookie year kung saan pumapangalawa siya sa Player of the Year derby. Pinagsama ng mga tagapangasiwa ng JLPGA ang 2020 at 2021 seasons. Ito ang naging tuntungan ng dating Youth Olympic Games silver medalist para umakyat sa pang-45 sa world rankings at pang 21 para sa mga gustong makapaglaro sa Tokyo Olympics na ilang buwan na lang at inaasahang matutuloy na. Halos swak na siya sa Olympics dahil top 60 lang ang papayagang pumalo sa Tokyo.


Nangibabaw din si Saso sa NEC Karuizawa 72 Golf Tournament at sa Nitori Ladies Golf Tournament. Pumangalawa rin ang dalagita sa JLPGA major na Totò Japan Classic at pumangatlo sa Daiao Paper Elleair Ladies Open. Bukod sa mga podium finishes na ito sa kanyang rookie year pumasok din siya sa unang 10 manlalaro ng Earth Mondahmin Cup (5th), JLPGA Tour Championship Ricoh Cup (6th), Descente Tokai Ladies Classic (8th) at Fujitsu Ladies Golf Tournament (10th).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 8, 2021



ree


Nagpakita si Francisco "Django" Bustamante ng pormang nagbigay sa kanya ng maraming titulo sa larangan ng pagtumbok upang mangibabaw sa "One Pocket Showdown: Reyes Vs. Bustamante" sa iskor na 12-8 sa kaganapang nasaksihan sa Sharks 9-Ball Showdown Billiards Hall sa Quezon City.


Ang one pocket ay kakaiba sa mga karaniwang laro sa bilyaran dahil tig-isang buslo o pocket lang ang maaring gamitin ng bawat manlalaro sa buong bakbakan.

Dikdikan ang naging arangkadahan ng dalawang Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famers sa unang bahagi ng dalawang araw na sagupaan. Pero mula sa 5-5 na iskor, umusok ang paboritong cue artist ng Tarlac na si Bustamante sa isang 11-6 na bentahe laban sa 66-anyos na katunggali.


Sa puntong ito, halatang inaasinta nang matapos ni Bustamante ang masaker sa race-to-12 na duwelo. Hindi naman ito imposible. Ang Tarlaqueño ay dalawang beses nang naghari sa Derby City Classic (DCC) One Pocket (2018, 2019) bukod pa sa pag-angkin sa mga trono ng Midwest Bar Table Classic One Pocket (2018), Big Tyme Classic One Pocket (2019) at Scotty Townsend Memorial One Pocket (2020).


Pero bumalikwas si Reyes na may impresibong rekord rin pagdating sa One Pocket. Si Reyes, tubong Angeles City, ay naghari sa Derby City Classic (DCC) One Pocket event noong 1999, 2004, 2005, 2006, 2007 at 2014 habang back-to-back champion din siya ng Accu Stats Make It Happen One Pocket (2015 at 2016). Tatlong magkakasunod na panalo ang inirehistro ng manlalarong tinatawag ding "The Magician" upang bahagyang makadikit (8-11). Hindi rin naaaninag na ang dalawang puwersa ng Philippine billiards mula sa Gitnang Luzon ay minsan nang nagsanib upang ibigay sa Pilipinas ang kampeonato ng pinakaunang World Cup of Pool.


Pero sa puntong ito, tinapos na ng 57-taong-gulang na si Bustamante ang tunggalian nang mapagwagian niya ang pang-20 laro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page