top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 11, 2021



ree

Pormal nang kinoronahan si International Master Daniel Quizon ng Pilipinas bilang hari ng FIDE World Cup 2021 Qualifying Tournament - Asian Zonals 3.3. matapos niyang isalba ang draw kontra kay Indonesian Grandmaster Susanto Megaranto sa huling round ng kompetisyon para sa kabuuang 7 puntos.

Hindi rin nagpabaya ang kababayang si IM Michael Concio Jr. (no. 16 sa ranking; rating: 2297) nang payukuin niya si 2nd ranked Grandmaster Novendra Priasmoro sa isang marathon na 106-sulungan para mahablot ang pangalawang puwesto sa paligsahang nilahukan ng mga pinakamalulupit na kinatawan ng Laos, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand at Pilipinas. Mayroon siyang 6.5 puntos nang natapos ang laban kung saan angat siya ng isang bishop.

Magiging kinatawan ang dalawang binatilyo ng Asian Zone 3.3 sa pandaigdigang entabladong tinatawag na FIDE World Cup kung saan minsan nang naging semifinalist ang Super GM mula sa Cavite na si Wesley So.

Bagamat hawak ang dehadong itim na piyesa, nakuha ng 16-anyos na si Quizon (pang-13 sa pre-tournament rankings at may rating na 2319) ang kalahating puntos pagkatapos ng 30 sulong. Tinuldukan niya ang paligsahan na may 5 panalo at apat na draws pagkatapos ng 9 na rounds ng bakbakang ginaganap sa pamamagitan ng hybrid na format base sa tagubilin ng FIDE.

Nakatikim ng pagluhod kay Quizon sina untitled at 39th seed Jericho John Velarde (Philippines), 27th seed CM Laohawirapap (Thailand), 18th seed FM Pitra Andyka (Indonesia), 4th seed IM Theolifus Yoseph Taher (Indonesia) at 16th seed IM Michael Concio (Philippines). Samantala, nakipaghatian naman siya ng puntos kina 10th seed IM Mohamad Ervan (Indonesia), 6th ranked IM Sean Winshand Cuhendi (Indonesia) at si Megaranto.

Dahil sa pagwalis sa unang dalawang baitang, pinatid ng mga binatilyo ang tagtuyot na nararanasan ng Pilipinas pagdating sa paglahok ng isang Pinoy sa prestihiyosong FIDE World Cup. Pumangatlo sa tagisan ng husay si Megaranto.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 10, 2021



ree

Dinaig ni International Master Daniel Quizon si IM Michael Concio sa isang all-Pinoy na tagisan ng husay sa top board at tuluyang makuha ang solong pangunguna pagkatapos ng penultimate round ng maigting na FIDE World Cup 2021 Qualifying Tournament - Asian Zonals 3.3. na ginaganap sa pamamagitan ng hybrid na format.


Ang tagumpay ay panglima na ng 16-anyos na pambato ng bansa mula sa Cavite. Bukod dito, nakaipon na rin ang 13th seed na may rating na 2319 at may rekord nang tatlong tabla ng kabuuang 6.5 puntos pagkatapos ng walong yugto ng kompetisyong isinasagawa sa hybrid format na mandato ng governing body FIDE.


Minsan pa lang nalaglag mula sa lead pack si Quizon at ito ay noong round 6 nang napunta siya sa pang-apat na baytang. Sa kabila naman ng pagkatalo, nasa pang-apat na baytang pa rin si Concio taglay ang 5.5 puntos na rekord at may tsansa pang makasilat papasok sa podium ng FIDE World Cup qualifiers.


Dalawang alas ng Indonesia ang umaasang matatapilok si Quizon sa last round para mawala ito sa eksena sa trono. Ito’y sina Grandmaster Novendra Priasmoro (2nd seed, rating: 2502) at IM Mohamad Ervan (10th seed, rating: 2356) na kapwa may tsansa sa korona dahil sa rekord nilang tig-aanim na puntos. Kapag nanalo ang mga Indons at natalo sa huling round si Quizon, pasok sa prestihiyosong FIDE World Cup ang mga ito.


Isang panalo naman ni Quizon, kampeon sa 2019 National Youth and School Chess Championship, sa round 9, kahit magtagumpay sina Prismoro ay Ervan, at makakandaduhan na niya ang trono at pasaporte sa World Cup. Pero nakaharang sa kanya sa huling laro sa kompetisyon si Indonesian topseed at GM Susanto Megaranto. Siguradong hahataw para sa tagumpay ang Pinoy na pumangwalo sa Azerbaijan Open International Online Chess na nilahukan ng 160 chessers noong 2020.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 08, 2021



ree

Magsisimula na ngayong linggo ang paglalakbay ng Pilipinas papunta sa makasaysayang pang-apat na korona sa prestihiyosong World Cup of Pool na masasaksihan sa Stadium MK ng Milton Keynes, England.

Nagkampeon ang bansa noong 2006 at 2009 dahil sa tikas ng mga Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famers na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante. Taong 2013 naman nang maghari ang tambalang Dennis “Robocop” Orcullo at Lee Van “The Slayer” Corteza para sa Pilipinas.

Muntik nang mahablot ng mga Pinoy ang pang-apat na titulo noong 2019 nang pumangalawa sina Carlo “The Black Tiger” Biado at Jeffrey “The Bull” De Luna sa likod ng Albania na nagkampeon sa tulong nina Albin Ouschan at Mario He. Walang naganap na World Cup of Pool noong 2020 dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ngayong 2021 edition, sasandalan ng bansa ang tambalan nina De Luna at ni Roberto “Superman” Gomez. Unang sasagupain ng dalawang Pinoy ang Great Britain “B” na binubuo nina Kelly Fisher at Allisilon Fisher. Si De Luna ay sariwa sa pangungulekta ng dalawang titulo sa U.S. pro circuit samantalang si Gomez, minsan nang naging runner-up sa World 9-Ball Championships bagamat hindi ito seeded sa main draw, ay naghari sa Midwest One Pocket Open Tournament sa Estados Unidos pa rin.

Maraming matitikas na nakaharang sa daraanan ng Pilipinas papunta sa trono. Una sa talaan ang 2017 at 2019 champions Austria nina Ouschan at He. Kasama rin ang pamatay na tambalan nina Skyler Woodward at Billy Thorpe para sa U.S.A. at ang pambato ng punong-abalang United Kingdom na sasandal sa tikas nina Jayson Shaw at Chris Melling.

Masama rin ang tingin sa 2019 runner-up na Pilipinas ng mga billiards icons ng Kuwait, Estonia, Hungary, Lithuania, Japan, Australia, Albania, Croatia, Bosnia & Herzegovina, Belgium, Denmark at Czech Republic.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page