top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 19, 2021



ree

Hindi magiging madali ang pangalawang sunod na korona.


Ito ang isa sa mga mensaheng muling napatunayan ng first conference champion Laguna Heroes matapos silang masingitan ng Manila Indios Bravos sa pamamagitan ng makapigil-hiningang Armageddon sa pagsisimula ng import flavored Professional Chess Association of the Philippines - Wesley So Cup Conference noong Sabado ng gabi.


Nagwakas sa 10.5-10.5 na iskor ang mainit na sagupaan ng mga PCAP heavyweights kaya naobligang sumulong sa winner-take-all na yugto ang magkaribal kung saan nakaungos ang Manila, 2-1, sa kaganapang nagsisilbing tanging professional chess league sa bahaging ito ng daigdig.


Dagdag pa sa highlights ng paligsahang ipinangalan sa tubong Cavite at ngayon ay World FIDE Fischer Random Chess champion GM Wesley So ay ang 11.0-10.0 na panalo ng Cavite Spartans laban sa Pasig City King Pirates. Ang una ay walang isinalang na Grandmaster sa unang araw ng ligang sinusuportahan ng Games and Amusement Board.

Kabilang sa mga iba pang nanalo ay ang San Juan Predators (kontra sa Antipolo Cobras, 15.0-6.0); Caloocan Loadmanna Knights (laban sa Rizal Batch Towers, 12.5-8.5); Lapu-Lapu (bumangga sa Mindoro Tamaraws, 12.0-9.0); Cagayan Kings (pinatiklop ang Quezon City Simba’s Tribe, 12.0-9.0); Camarines Soaring Eagles (dinurog ang Zamboanga, 16.5-4.5);

Toledo (nagpagulong sa Cebu City Machers, 15.5-5.5); Cordova Duchess Dagami Warrios (vs. Surigao Fianchetto Checkmates, 17.0-4.0); Iloilo Kisela Knights (dumaig sa Palawan Queen’s Gambit, 18.0-3.0); Negros Kingsmen (nagturo ng leksyon sa Iriga City Oragons, 17.0-4.0); at Lapu-Lapu City Naki Warriors (humarap sa Mindoro Tamaraws, 17.0-4.0).



 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 16, 2021



ree

Dinaig nina Joshua “The Killer” Filler at Christof Reintjes ng Germany ang pambato ng punong-abala na sina Darren Appleton at Karl Boyes sa isang nail-biter na salpukan sa finals, 11-7, upang makopo ang kampeonato ng 2021 World Cup of Pool sa Stadium MK ng Milton Keynes sa England.

Ito na ang pangalawang tropeo ng mga Aleman sa kasaysayan ng prestihiyosong pagtitipon ng mga pinakamalulupit na tambalan ng bilyarista sa buong mundo. Taong 2011 nang mamayagpag para sa Germany sina Ralf Suoquet at Thorsten Hohmann, Ang tagumpay ay nagkakahalaga ng $60,000 samantalang $30,000 ang ibinulsa ng mga Briton na minsan na ring nagkampeon sa torneo (2014). Tatlo ang naging kinatawan ng Great Britain bilang host sa sagupaan at maagang namaalam ang unang dalawang koponan. Ang Great Britain "C" nina Appleton at Boyes ay last minute replacement sa biglang nawala sa eksenang kalahok mula sa Canada.

Nagsosyo sa pangatlo at pang-apat na puwesto ang mga natalong semifinalist na Slovakia (bokya sa Great Britain "C", 0-9) at Estonia (tinalo ng Germany, 7-9). Tumanggap din ang mga kinatawan nito ng tig-$15,000 na pabuya sa kaganapang umakit ng 32 mga kinatawan mula sa iba't-ibang parte ng mundo.

Nakuntento ang Pilipinas, runner-up noong 2019, sa pakikipaghatian sa panglima hanggang pangwalong posisyon matapos na mahinto sa quarterfinals ang paglalakbay. Halagang $9,000 ang pakonswelo kina Roberto "Superman" Gomez at Jeffrey "The Bull" De Luna na nagmarka sa kompetisyon matapos makabangon sa 0-5 na hukay upang patalsikin ang USA sa iskor na 7-5. Bukod dito, nakapuntos din ang mga Pinoy sa Great Birtain "B" sa iskor na 7-3. Kagaya ng Pilipinas, na tatlong beses nang nagkampeon sa torneo (2006, 2009, 2013), hanggang final 8 din lang ang inabot ng Netherlands, Denmark at kapwa Asyanong Japan.



 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 15, 2021



ree

Inilampaso ni International Master Barlo Nadera ang oposisyon sa kalalakihan samantalang nangibabaw ang mga dalagitang sina Grace Lexie Hernandez at Ruelle Canino sa kanilang pangkat sa pagtatapos ng Philippine Sports Commission - National Chess Federation of the Philippines Selection Semifinals Tournament.

Ginamit ni Nadera ang mga panalo kina Alfred Moulic (round 1), Francis Talaboc (round 4), John Jasper Laxamana (round 5) at Jan Michael Stephen Inigo (round 7); ganundin ang tabla nang makaharap sina Jarvey Labanda (round 2), Lawrence Joseph Rivera (round 3) at Arj Nezil Merille (round 6) upang iposte ang kabuuang iskor na 5.5 puntos. Ang walang mantsang resulta pagkatapos ng 7 yugto ng bakbakan ay nagpatibay ng tsansa ni Nadera, may rating na 2279, para makapasok sa Philippine Chess Team.

Isang buong puntos sa likod ni Nadera para sa pangalawa at pangatlong puntos ayon sa pagkakasunod-sunod ay sina Laxamana (rating: 2122) at Merille (rating: 2049). Pareho silang may kartadang 3-3-1 panalo-talo-tabla pagkatapos ng 7 salang sa board. Si Laxamana rin ang sumegunda noong quarterfinals tournament. Si Labanda na pumangatlo noong quarters ay pumang-apat ngayon bitbit ang 4 puntos.

Sa kababaihan, kumamada ng 5.5 puntos si Hernandez, 16-anyos at may rating na 1950, matapos na irehistro ang apat na panalo at tatlong hatian ng puntos. Nasaksihan sa kanya ang performance rating na 2180. Iba ang naging landas ng 5.5 puntos ni Canino. Ang 13-anyos na kalahok (rating: 1957) ay tumulak sa limang panalo at isang draw bilang pangontra sa isang talo.

Si Ma. Elayza Villa,16, bitbit ang rating na 2059, ang nakahablot ng huling upuan sa podium nang makapagsumite ng 5.0 puntos. Ang rekord ay 5-2-0 panalo-talo-tabla.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page