top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 20, 2021



ree

Nasaksihan sa pang-apat na pagkakataon ang pagpasok sa winners’ circle ng isang golfer mula sa Pilipinas sa matinding Japan Golf Tour ngayong taon nang pumang-sampu si Justin Delos Santos sa ¥15,000,000 Japan Create Challenge in Fukuoka Raizan.

Nauna rito, pumang-apat si Angelo Que sa Partner Pro-Am Tournament na ginanap sa Tsukubamirai. Nakasikwat din ng segunda puwesto si Juvic Pagunsan sa Asia Pacific Diamond Cup na nasaksihan sa Kaganawa. At kamakailan lang, itinanghal na hari ang huli sa Gateway To The Open - Mizuno Open na nairehistro sa palaruan ng Kasaoka. Ang tagumpay na ito ni Pagunsan ang nagbigay sa kanya ng tiket papunta sa prestihiyosong British Open pati na rin sa 2020 Tokyo Olympics. Ngunit dahil sa halos magkasabay na gaganapin ang dalawang paligsahan, maoobligang mamili ang Pinoy kung saan lang ito magpaparamdam. Napaulat na tila sa pagpalo sa nabinbing Olympiad ito nakakiling.

Ipinoste ni Delos Santos, 25-anyos, ang isang disenteng 12-under-par na iskor sa dulo ng tatlong rounds ng bakbakan upang maisalba ang pangsampung upuan kasosyo ang limang iba pang parbusters na kumatawan sa punong-abala. Galing ang Pinoy sa pang-38 na baitang pagkatapos ng pambungad na round pero nag-init kaya nakapasok sa top 10.

Sa lupit ng kompetisyon, ang kartada ni Delos Santos ay sampung palo ang layo sa nagkampeong si Ryo Hisatsune ng Japan at anim naman sa pumangalawang si Takahiro Hataji na kababayan din ng nagharing nag-uwi ng gantimpalang ¥2,700,000. Isang pang Japanese golfer, si Sho Nagasawa, ang nakakuha ng huling upuan sa podium. Si Australian Scott Strange ang bumasag ng dominasyon ng mga local aces nang pumang-apat siya kasama si Aguri Iwasaki.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 06, 2021



ree

Sumibad pataas ang pag-asa ng bansa na posibleng mapuputol na ang tagtuyot ng Pilipinas para sa isang Olympic gold medal matapos na hablutin ni Fil-Japanese Yuka Saso ang solong pangunguna sa isang major event ng Ladies Professional Golf Association (LPGA) na kasalukuyang nilalahukan ng mga pinakamalulupit na lady parbusters mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.


Pinakawalan ni Saso, dating Youth Olympic Games silver medalist, ang anim na birdies sa round 2 upang mapawi ang epekto ng dalawang bogeys at isumite ang kartadang 69-67 pagkatapos ng dalawang araw ng kompetisyon. Ito ay sapat na para pangunahan ang mga pro golfers ng LPGA bitbit ang kabuuang iskor na 6-under-par 136 strokes.


Noong 2020, sumali rin sa prestihiyosong kaganapan si Saso at nakuha niya ang pang-13 puwesto. Isang palo sa likod ng 19-taong-gulang na dalagitang Pinay ay si Lee Jeongeun (137) na nagsosolo sa pangalawang baytang habang magkasalo naman sa pangatlo at pang-apat na puwesto sina Megan Khang (138) at ang Amateur tinedyer na si Megha Canne (138). Nasa panglimang upuan si Shanshan Feng (139) ng China.


Kasama sa mga ginulat ni Saso sina South Korean Imbee Park, US bet Lexi Thompson at overnight leader Mel Reid ay kasalukuyang nakasalampak sa pang-anim hanggang pangsiyam na puwesto.


Galing si Saso, dating double gold medalist ng Asian Games, sa isang top 10 performance sa JLPGA Chukyo TV Bridgestone Ladies Open na ginanap sa Chukyo Golf Course ng Ishino, Aichi, Japan. Swak din kamakailan ang Fil-Japanese parbuster sa unang sampu ng LPGA Lotte Championships kamakailan sa Oahu, Hawaii.


Nagsisilbing bahagi ng paghahanda ni Saso para sa nabinbing Tokyo Olympics ang pagsali sa US Women’s Open. Kasalukuyang nasa pang-22 na puwesto ang Pinay parbuster sa listahan ng 60 manlalaro na papayagang sumali sa Olympics ngayong Hulyo. Inaasahang makakasama ni Saso sa Olympics si 2-time SEA Games gold medal winner Bianca Pagdanganan.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 30, 2021



ree

Hindi binibitawan ng Cordova Duchess Dagami Warriors ang intensyon nitong patuloy na panggugulat sa mga karibal at ngayon ay hawak na ang solong pangunguna sa Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) Wesley So Cup Conference pagkatapos ng pakikipagharap sa pitong magkakaibang mga koponan.

Susunod nilang sasagupain ang Mindoro Tamaraws at Iriga City Oragons sa pagtitipong kinikilala ng Games and Amusement Board o GAB at nananatiling tanging pro chess league sa bahaging ito ng daigdig.

Sumibad ang Cordova sa 7-0 panalo-talo na rekord matapos turuan ng leksyon ang Palawan Queen’s Gambit (14.0-7.0) at daigin ang Toledo City Trojans (11.5-9.5) para sa pang-anim at pampitong mga panalo. Bukod dito, nakaipon na ang lider ng 92.5 na puntos sa torneong ipinangalan sa dating hari ng ahedres sa Pilipinas na tubong Cavite at ngayon ay FIDE World Fischer Random Chess champion na si Grandmaster Wesley So.

Naging moog ng magandang ipinakikita ng Cordova ang laro ng 22-anyos na import nitong si Israeli GM Nitzman Steinberg. Kumana si Steinberg, naging GM at IM noong 19 at 15 taong gulang ayon sa pagkakasunod-sunod, ang mga tagumpay sa board 1.

Nakabuntot sa lider ang tatlong koponan na pare-parehong may 6-1 na marka pagkatapos ng apat na araw na bakbakan sa Wesley So Cup: Camarines Soaring Eagle sa Southern Conference, at San Juan Predators at Manila Indios Bravos sa norte.


Samantala, bahagyang naiiwan ang limang kalahok dahil sa naisumiteng 5-2: ang Antipolo Cobras, Caloocan Loadmanna Knights, Cagayan Kings, Iloilo Kisela Knights at Toledo. Nananatili namang gumagapang ang mga Laguna Heroes, pumasok sa kasaysayan bilang pinakaunang champion ng PCAP, dahil sa natikman na nitong tatlong kabiguan mula sa pitong matches at ngayon ay nakaupo lang sa kalagitnaan ng pulutong sa Northern Conference.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page