top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 12, 2021



ree

Binigyan ni Pinay parbuster Bianca Pagdanganan ng magandang tsansa ang kanyang sarili para sa isang podium finish o posibleng isang korona sa prestihiyosong Ladies Professional Golf Association (LPGA) matapos itong magpakawala ng isang sub-par round sa Mediheal Championships na ginanap sa palaruan ng Lake Mercedes ng Daily City, California.

Nagsumite si Pagdanganan ng one-under-par 71 (galing sa 5 birdies, 2 bogeys at isang masaklap na double bogey) upang makaupo sa pang 14, na tatlong palo lang ang layo sa isang puwesto sa podium. At kung pagbabasehan ang naging pagsampa ni Yuka Saso sa 76th LPGA Women’s Open Championships kung saan kumurap ang mga dating tumatrangko at rumatsada hanggang sa huling mga butas, ang “tatlong palo” ay hindi malaking balakid para kay Pagdanganan.

Bagama’t maganda ang tsansa, 28 iba pang lady golfers mula sa iba’t-ibang bansa ang may malinaw na daan din sa podium kagaya ng Southeast Asian Games double gold medalist mula sa Pilipinas na si Pagdanganan.

Si Pagdanganan ay kasalukuyang naghahanda para sa pagpalo sa isang LPGA Majors ngayong Hunyo (KPMG Women’s PGA Championship sa Georgia) at sa paglahok sa nabinbing Tokyo Olympics. Ang Pinay ay nasa pang-42 baytang sa listahan ng 60 lady golfers na puwedeng sumali sa Olympiad. Makakasama niya rito si Saso na nasa pangsiyam na posisyon.

Sina Leona Maguire ng Ireland, Thai ace Jasmine Suwannapur, Albane Valenzuela ng Switzerland at local bet Allison Lee ang kasalukuyang tumatrangko sa kaganapang nagtabi ng pabuyang USD 1,800,000 para sa mga papasok sa winners’ circle.

Si US Women’s Open 3rd placer Lexie Thompson ng U.S.A ay meron ding iskor na 71 sa torneo kagaya ni Pagdanganan. Ang top 2 finishers ng nakalipas na Golf Majors (Saso at Haponesang si Nasa Hataoka) ay hindi sumali.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 26, 2021



ree

Muling naramdaman ang husay ni Fil-Japanese Yuka Saso sa malupit na Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) Tour matapos itong makapasok sa unang sampung performers ng Chukyo TV Bridgestone Ladies Open na ginanap sa Chukyo Golf Course ng Ishino, Aichi, Japan.

Inangkin ni Saso, minsan nang sinabitan ng dalawang Asian Games gold medals at nakakuha na rin ng dalawang korona sa JLPGA noong 2020, ang pangsiyam na puwesto sa torneo sa tulong ng kanyang kabuuang iskor na 4-under-par 140 strokes. Nagpakawala ito ng limang birdies na nagsilbing pangontra sa isang bogey noong huling round ng pinaikling paligsahang dahil sa sungit ng panahon. Nakahati niya sa puwesto ang 10 iba pang mga karibal mula sa Japan na may katulad ding rekord. Dahil dito, ibinulsa ni Saso bilang pabuya mula sa mga organizers ang halagang JPY 781,772.


Nasa sa huling bahagi na si Saso ng kanyang paghahanda para sa nabinbing Tokyo Olympics. Bagamat hindi pa ipinapalabas ang opisyal na listahan ng mga kalahok sa Olimpiyada, halos swak na si Saso sa pagtitipon dahil 60 ang papayagang lumahok dito at nasa pang-22 baytang siya sa talaan. Isa pang Pinay golf star, si Southeast Asian Games champion Bianca Pagdanganan, ay tiyak ring makakasama ni Saso sa Tokyo event suot ang tatlong kulay ng Pilipinas dahil nasa pang-43 puwesto ito sa listahan. Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakapasok si Saso, dating Youth Olympic Games silver medalist, sa top 10 ngayong 2021.


Kamakailan, nagsumite si Saso ng kanyang unang top 10 finish ngayong taong ito sa malupit na tour ng Ladies’ Professional Golf Association matapos siyang pumang-anim sa Lotte Championship na nasaksihan sa palaruan ng Kapiolei Golf Club sa isla ng Oahu, Hawaii. Halagang USD 54,848 ang ipinagkaloob na gantimpala sa 19-taong-gulang na kalahok.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page