top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 03, 2021



ree

Winakasan ni Pinoy cue artist Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ang kanyang uhaw sa korona ngayong taong ito matapos na daigin sa finals si dating World 9-Ball king Alex “The Lion” Pagulayan at hiranging kampeon ng 2021 TTMD 10-Ball Open Championship sa tumbukan sa Cue Sports Bar and Grill ng Front Royal, Virginia.

Hindi nagpakaldag si Aranas sa harap ng pangdaigdigang kalibre ng karibal mula sa Isabela na isa ring Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer at sumibad sa isang maalwang 13-6 na panalo sa championship face-off nila ni Pagulayan. Ang kampeonato ay nagkakahalaga ng USD 6,000 para kay “Dodong Diamond” samantalang USD 3,000 naman ang pakunswelo kay Pagulayan na nakabase na ngayon sa Canada. Ang Amerikanong si Jeremy Sossei ay pinagkalooban ng USD 1,000 matapos na mahablot ang pangatlong puwesto.

Kasama sa mga biniktima ng pambato ng Pilipinas sa torneo bukod kay Pagulayan sina Jesus Atencio (11-10), Kyle Dilly (11-7), Arcadia VG Battle of the Sexes champion Tyler Styler (11-10), Josh Burbul (9-4), Brian Brekke (9-5) at Tuan Chau (9-2).

Sina Warren “The Warrior” Kiamco, Manny Chau, Tyler Styler, Shane Wolford at si Sossei naman ang ilan sa mga ginawang tuntungan ni Pagulayan papunta sa finals ng torneong sa unang bahagi ay double elimination ang format bago naging “isang-kurap, uwi” na ang panuntunan nang 16 na lang ang natitirang nakatayo.





 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 26, 2021



ree

Nagsimula na ang 2021 KPMG Women’s PGA Championships sa palaruan ng Johns Creek, Georgia at sa pangalawang sunod na major event ng Ladies Professional Golf Association (LPGA) tour ay kasama sa mga may magandang tsansa para sa korona ay isang kinatawan ng Pilipinas sa katauhan ni Dottie Ardina.

Ang dating premyadong jungolfer ng bansa mula sa Canlubang ay nakaupo ngayon sa pang-10 baytang at nagsisilbing pinakamakinang na bituin ng Philippine golf sa paligsahang nilalahukan ng mga pinakamababangis na lady parbusters mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.

Nagpakawala si Ardina, 28, at nakapasok sa torneo dahil sa mga nakulektang CME Globe Points, ng mga birdies sa pang-2, -4, -13 at -17 na mga butas upang kontrahin ang dalawang bogeys tungo sa pagsusumite ng disenteng 2-under-par 70 sa kompetisyong naglalaan ng pabuyang $4,500,000 para sa mga mananalo.

Si Asian Games double gold medalist at kasalukuyang US Open champion Yuka Saso ay nagsumite ng isang 1-over-par 73 na kartada at pansamantalang nakaupo sa pang-39 posisyon. Ang iskor ng pambato ng Pilipinas sa naantalang Tokyo Olympics ay anim na palo na ang layo sa tumatrangkong si World no. 45 Lizette Salas ng U.S. at limang strokes sa pumapangalawang si Charley Hull ng England. Pitong kalahok ang naghahatian sa pangatlong baytang.

Isa pang 2020 Tokyo Olympian kagaya ni Saso ay si Bianca Pagdanganan na umiskor lang ng 4-over-par 76 at namemeligrong mapauwi nang maaga dahil sa pagdausdos sa pang-93 baytang.

Kasosyo ni Ardina sa pang-10 puwesto sina Chella Choi (South Korea), Gee In Chun (South Korea), Cydney Clanton (U.S.A), Maria Fassi (Mexico), Mina Harigae (U.S.A), Ariya Jutanugarn (Thailand), Nelly Korda (U.S.A), Madsen Nanna (Denmark), Giulia Molinaro (Italy), Gerina Piller (U.S.A), Madelene Sagstrom (Sweden) at Patty Tavatanakit (Thailand).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 25, 2021



ree

Pinakawalan ni Pinoy Grandmaster Wesley So ang isa sa pinakamalupit na porma ng isang kawal ng ahedres sa panahon ng pandemya nang dominahin niya ang face-to-face na Grand Chess Tour: Paris Rapid and Blitz noong Miyerkules sa France.


Bagamat hindi lumahok sina world champion at Norwegian GM Magnus Carlsen at speed chess demon GM Hikaru Nakamura, malulupit na mga karibal ang nakasagupa ng 27-taong-gulang na si So katulad nina FIDE World no. 2 sa classical chess GM Fabiano Caruana ng U.S.A, world championships challenger at Russian GM Ian Nepomniachtchi, world no. 3 sa rapid chess na si Maxime Vachier Lagrave mula sa France at si Iranian teen sensation GM Alreza Firouzia.


Ipinoste ni So ang 12 puntos mula sa siyam na rounds ng bakbakan sa rapid chess at 12.5 puntos mula sa 18 yugto ng salpukang blitz para kandaduhan ang trono. Ito ay tatlong puntos ang layo sa pumangalawang si Nepomniachtchi. Sa katunayan, may isang round pa ang natitira ay sigurado na sa pagiging kampeon ang dating hari ng Philippine chess mula sa Cavite. At sa sobrang bangis niya, sa huling round, humugot pa rin ito ng panalo laban sa Ruso para sa kabuuang markang 24.5 puntos at sa gantimpalang $37,500.


Dalawang linggo pa lang ang nakakaraan nang pumangalawa ang manlalarong kumakatawan na sa Amerika pero sumusuporta sa Professional Chess Association of the Philippines sa Superbet Chess Classic na ginanap sa Romania sa isa pa ring harapang sabong ng mga chessers. Nakita rin ang kislap ng kanyang online chess Career nang makuha niya ang runner-up honors sa $320,000 Meltwater Champions' Chess Tour: FTX Crypto Cup na nilahukan ng karamihan ay mga pinakamalulupit na chessers sa buong daigdig. Hinatak niya sa isang gitgitang duwelo sa torneong ito si Carlsen sa finals.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page