top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 22, 2021


ree

Patuloy ang pagpapakita ng magandang porma ni Yuka Saso bilang paghahanda sa nalalapit na Tokyo Olympics nang makuha nito ang panglimang puwesto sa Ladies Professional Golf Association - Dow Great Lakes Bay Invitational Tournament na ginanap sa palaruan ng Midland Country Club sa Midland, Miami.

Ito na ang pang-apat na top 10 finish sa LPGA Tour ng 20-taong-gulang na double Asian Games gold medalist at minsan na ring sinabitan ng silver medal sa Youth Olympic Games. Nauna rito, pumang-anim siya sa Lotte Championships (Hawaii) at nakasikwat ng panglimang posisyon sa Marathon Classic (Sylvania, Ohio). At siyempre pa, naiposte ang kanyang makasaysayang tagumpay sa major event na U.S. Open noong Hunyo.

Nakipagtambalan ang Fil-Japanese na may dalawang korona na sa Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) noong 2020, kay Rolex World no. 15 Minjee Lee ng Australia para sa isang mabalasik na 8-under-par 62 sa huling round ng kompetisyon namudmod ng kabuuang $2,300,000 sa mga nakapasok sa winners’ circle. Ito ay nabuo sa tulong ng dalawang eagles, 5 birdies na pangontra sa nag-iisang bogey. Tipikal na laro ito ni Saso kung saan isang malupit na hataw sa huling round ang laging inaasahan sa kanya.

Sa kabuuan, isang 18-under-par na 262 na hataw ang naging kartada ng “Team Nations”, naging bansag kina Saso at Lee pagkatapos ng apat na rounds. Nagsimula sila sa paligsahan na nasa labas ng top 10 pero unti-unti silang umangat sa rankings.

Nagkampeon sa bakbakan ang tambalan nina Ariya at Moriya Jutanugarn ng Thailand (24-under-par 256) sa dulo ng 72 butas habang si Bianca Pagdanganan, makakasama rin ni Saso sa nabinbing Tokyo Olympics, ay pumang-12 kasama ang kakamping si Sarah Schmelzel 14-under-par 266).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 22, 2021


ree

Nagmistulang palaruan ng cue artists mula sa Pilipinas ang 7th Annual Junior Norris Memorial Shootout "Chase The Champion" nang magwagi ang mga ito sa 9-Ball at 10-Ball na bakbakan bukod pa sa pagpapadala ng dalawang kinatawan sa winners' circle ng lahat ng tatlong events na ginanap para sa kalalakihan kamakailan.

Hinirang na hari si Roland Garcia sa 10-Ball nang daigin niya sa finals si Carlo Biado ng event na nasaksihan sa Maskat Shrine Ballroom ng Wichita Falls, Texas. Matatandaang sila ang nagharap noong 2017 World 9-Ball Championships sa Qatar. Sa nabanggit na duwelo, si Biado ang naging kampeon at si Garcia ang pumangalawa. Ang Amerikanong si Rick Stanley ang pumangatlo habang sa pang-apat na baytang lang umabot si Fedor Gorst ng Russia.

Naging pabuya ni Garcia dahil sa tagumpay ang halagang $2,031 at nagkasya si Biado, may hawak ng pang-28 upuan sa 2021 AZBilliards Moneyboard, sa pakonswelong $1,364.

Sa 9-ball na tumbukan, ipinoste ni Fargo no. 76 Edgie Geronimo at ang alamat na si Efren “Bata” Reyes ang isang 1-4 na pagtatapos para sa Pilipinas. Halagang $4,550 at $1,015 ang ibinulsa nila ayon sa pagkakasunod-sunod. Si USA bet Justin Espinosa (2nd, $3,035) at Gorst (3rd, $1,680) ang pumagitna sa dalawang matitikas na Pinoy.

Pinatid ni Gorst, Russian hotshot na minsan nang naging world junior 9-ball titlist at naging hari rin ng World 9-Ball Championships, ang winning streak ng mga kinatawan ng lahing-kayumanggi at pinangunahan ang mga lumahok sa 10-Ball Ring Game. Inangkin niya rin ang top purse na $1,700. Pero nakihati pa rin sa center stage sina Biado (nang sumegunda siya) at Garcia (matapos makuha ang pang-apat na baitang). Si local bet Shane McMinn ay hinirang na 2nd runner-up.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 20, 2021


ree

Ipinoste ng dehadong si Demosthenes “Plong Plong” Pulpul ng Cagayan De Oro ang isa sa pinakahiganteng kampanya sa kanyang paglalaro ng bilyar kontra sa ilang makikislap na pangalan sa Pilipinas upang maangkin ang korona ng unang Pro Winner Take All sa palaruan ng House Manila Pool Bar and Lounge sa Pasay City.


Sa isang hill-hill na pagtatapos, dinaig ni Pulpul, sumegunda kay Efren “Bata” Reyes noong 2014 Manny Pacquiao Cup, ang isa pang hindi gaanong matunog na bilyarista sa katauhan ni Michael Baoanan, para sa kampeonato.


Kasama sa mga nag-ambisyong maiuwi ang korona ngunit pawang nabigo ay sina Lee Van “The Slayer” Corteza, Johann “Bad Koi” Chua at Jeffrey “The Bull” De Luna. Ang tako ni Corteza ay lubhang mainit ngayong panahon ng pandemya. Ang tubong Davao na minsan nang naging World 14.1 Straightpool titlist ang nagwagi sa bakbakan na binansagang “Rotation: Reyes, Bustamante, Alcano, Biado, Banares, Corteza, Raga, Ignacio” sa Shark’s Billiards Hall noong Marso. Siya rin ang namayagpag sa katatapos na Speed Pool Challenge sa Lungsod pa rin ng Quezon.


Si Chua, 29-taong-gulang mula sa Bacolod, ay dalawang beses nang naghari sa malupit na Japan Open samantalang ang 37-anyos na si De Luna, naging Asian Games silver medalist, ang kinatawan ng bansa sa 2021 World Cup of Pool, World Pool Masters at World 9-Ball Championship sa England.


Samantala, nasikwat ni 2017 Word 9-Ball Championship runner-up Roland Garcia ng Pilipinas ang pangalawang puwesto sa Billiards and Cue Expo One Pocket Tournament sa Desmond, Iowa. Ang torneo na pinagwagian ni Shane Boening ng USA ay nilahukan din ng dating hari ng 9-ball sa buong mundo na si Alex “The Lion” Pagulayan, Fedor Gorst (Russia), Billy Thorpe (USA), Warren Kiamco at Carlo Biado.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page