top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 15, 2021



ree

Ramdam na ramdam ang husay sa pagtumbok ng mga kinatawan ng lahing kayumanggi matapos na mamayagpag sina Roland Garcia at Dennis "Robocop" Orcullo sa pangalawang edisyon ngayong panahon ng pandemya ng Iron City Open - Scotch Doubles 9 Balls at One Pocket na sagupaan sa Birmingham, Alabama.

Bukod sa dalawang nabanggit na mga larangan, umaalagwa rin ang mga Pinoy sa 9-Ball at 10-Ball na bakbakan na kasalukuyan pang ginaganap habang isinusulat ang artikulong ito.

Sa Scotch Doubles, petmalu na tambalan ang nasaksihan kina Garcia at Orcullo nang tapusin nila ang torneo nang wala ni isa mang galos. Kasama sa mga nasingitan nila ng panalo ang mga pinagsanib-puwersang Matt Littleton - Luke Wilkins (5-0); Kevin Ping - Louis Altes (5-1); Andy Warren - Dan Picard (5-0) at Manny Chau - Justyn Cone (5-2).

Ang kumbinasyon nina Josh Roberts at Raed Shabib ang nakakuha ng runner-up honors dahil sa naiposteng 6-2 panalo-talong rekord habang pumangatlo sina Chau - Cone na may kartada namang 4-2.

Ang dalawang cue artists mula sa Pilipinas pa rin ang nangibabaw sa One Pocket nang magkampeon si Garcia, 2017 World 9-Ball Championship runner-up, at pumangalawa naman si dating world 8-ball king at one-time World Cup of Pool winner Orcullo.

Nakapasok sa finals si Garcia nang bokyain niya sa quarterfinals si Orcullo (4-0) at singitan sa semifinals si Tony Chohan sa iskor na 4-3. Si Orcullo ay nagkaroon ng tsansa na makuha ang trono matapos mananalasa sa loser’s bracket. Sa duwelo para sa titulo, tinagpas ni Garcia si Orcullo (6-3).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 11, 2021


ree

Dominasyon ang akmang salita na maglalarawan ng pagkopo ni World Random Fischer champion at Super Grandmaster Wesley So sa korona ng Online Meltwater Champions Chess Tour - Chessable Masters Tournament matapos daigin sa finals ang bituin ng ahedres mula sa Vietnam na si GM Liem Quang Le.

Ito na ang pangatlong titulo sa tour ng dating Philippine champion mula sa Cavite. Hawak din ni So ang karangalan bilang tanging chesser na nakapasok sa knockout rounds ng lahat ng paligsahang sinalihan niya sa nabanggit na tour na mayroon na lang nalalabing isang yugto.

Matapos na makalusot sa elimination round, tinalo ni So, kasalukuyang US champion, si Dutch GM Jorden Van Foreest sa quarterfinals sa iskor na 2-2; 2.5-0.5 bago niya biniktima ang Rusong si GM Artemiev Vladislav (2.5-1.5; 2.0-2.0) sa semifinals.

Sa championship round, kumana ng dalawang panalo at isang draw ang 27-taong-gulang na si So sa unang salpukan nila ni Le para mapalapit sa trono, 2.5-0.5. Nang muling magpanagpo, sumulong ang una sa isang 2.0-2.0 na resulta para selyuhan ang trono. Halagang $30,000 ang katumbas ng pagwawagi ng chess warrior na naninirahan na ngayon sa Minnesota.

Nag-uwi ang Vietnamese chesser ng pabuyang $15,000 para sa pinakaunang finals stint. Samantala, dinaig ni Vladislav si Armenian GM Levon Aronian sa kanilang hiwalay na duwelo, 2.5-0.5; 2.0-2.0. Naging susi ito upang makuha ng Ruso ang pangatlong posisyon at makapagbulsa ng $8,500 matapos maangkin ang pangatlong puwesto.

Sa kabuuang Tour standings, nananatili sa pangalawang baytang si So ($179,580; 257 puntos) sa likod ni world champion at Norwegian GM Magnus Carlsen ($185,370; 291 puntos). Malayo ang pagbuntot nina Aronian (3rd; $109,823; 149 puntos) at Azerbaijan GM Teimour Radjadov (4th; $103,968: 133 puntos).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 28, 2021


ree

Pagkatapos ng makasaysayang pagsungkit ni Hidilyn Diaz ng pinakaunang ginto medalya ng Pilipinas sa Olympics, meron pa bang ibubuga ang bansa para sa isa pang ginto?

Puwedeng-puwede dahil matinding inspirasyon ang dinala ng gold ni Diaz sa iba pang mga atleta. At sa mga desididong atleta, malaking bagay ito para sa tulad nina boxer Nesthy Petecio at golfer Yuka Saso. Isang world champion si Petecio. Siya ay hinirang na 2019 AIBA Women's World Boxing Championships at sa kasalukuyang Tokyo Games ay nagpauwi na siya na dalawang kalahok. Una nang idinispatsa ni Petecio ang kanyang round-32 na karibal mula sa Congo sa pamamagitan ng isang unanimous decision. Split-decision naman ang naging pasaporte ng Pinay kontra sa Taiwanese topseed Yu-Ting Lin sa quarterfinals.

Pero isa-isa lang ang pokus ng Pinay boxer dahil hindi magiging madali ang paglalakbay sa gold. Ang susunod niyang makakasagupa ay ang topseed na si Yu-Ting Lin ng Taiwan.

Puwede ring makasilat ang isa pang atleta ng Pilipinas para masakmal na ang pangalawang gold medal. Nagbabanta ring makapag-uwi ng medalya si Saso. Ang 20-anyos na lady golfer na ipinanganak sa Bulacan ay sariwa sa pagdodomina ng U.S. Open noong Hunyo. Dito, matatag na pulso ang ginamit niya para daigin ang mga pinakamalulupit na karibal mula sa iba't-ibang parte ng mundo. Bukod pa rito, may malupit na "finishing kick" pag last round si Saso. Ito ay nakita sa panalo niya sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) major event na nabanggit at nang magwagi siya sa Asian Games. Pabor din sa kanya ang kampanya sa Japan LPGA kung saan dalawang beses siyang nagkampeon.

Kaya sa kabila ng nangyari sa artistic gymnastics nang mawala sa eksena , buhay pa ang pag-asa ng mga Pinoy na makakakuha uli ang bansa ng isa pang ginto sa Olympics pagkatapos ng halos isang siglo ng tagtuyot.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page