top of page
Search

ni Lolet Abania | June 3, 2022



Niyanig ng 5.6-magnitude na lindol ang Surigao del Sur ngayong Biyernes ng madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, alas-2:54 ng madaling-araw naitala ang lindol na isang tectonic, habang may lalim itong 9 kilometro. Ang epicenter ng lindol ay nasa layong 49 kilometro southeast ng Cagwait, Surigao del Sur.


Nai-record ang Intensity IV sa mga munisipalidad ng Cagwait, Bayabas, at San Agustin sa Surigao del Sur, habang Intensity III ay naramdaman sa Bislig City at Hinatuan, Surigao del Sur, at sa Rosario, Agusan del Sur.


Naitala rin ang Instrumental Intensity I sa Tandag City, Surigao del Sur; Nabunturan, Davao de Oro; at Cabadbaran City, Agusan del Norte. Ayon sa PHIVOLCS, asahan na ang mga aftershocks at posibleng pinsala matapos ang lindol.


 
 

ni Lolet Abania | May 22, 2022



Niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang baybayin ng Batangas ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).


Sa tala ng Phivolcs, alas-5:50 ng umaga naganap ang lindol at ang epicenter nito ay nasa layong 18 kilometro sa baybayin ng Calatagan, Batangas.


Habang may lalim na 122 km at tectonic ang pinagmulan. Naramdaman ang pagyanig na naitalang Intensity IV sa Calatagan, Batangas; Intensity III sa Quezon City, Pasay City, Pasig City, Tagaytay City, Mendez, Amadeo at Alfonso, Cavite, Obando, Bulacan; Intensity II sa Abucay, Bataan, Gapan City, Nueva Ecija, Castillejos, Zambales, Mandaluyong City, Manila City, Makati City, at Tanay, Rizal.


“Hindi ganoon kalakasan ang naramdaman na lindol dahil ito ay malalim,” saad ni Phivolcs Officer-in-Charge at Science Undersecretary Renato Solidum Jr. sa radio interview ngayong Linggo.


Asahan na ang mga aftershocks at pinsala matapos ang lindol, ayon sa Phivolcs. Gayunman, sinabi ni Ishmael Narag, officer-in-charge ng Earthquake and Tsunami Monitoring division ng Phivolcs sa isa ring radio interview ngayong araw, na walang inaasahang tsunami makaraan ang pagyanig. Nang tanungin si Narag sa posibleng dahilan ng lindol, sinabi nitong ang Eurasian Plate na nag-slide sa Manila Trench.


“’Yung Eurasian Plate, bumubunggo sa Pilipinas, duma-dive pailalim sa Manila Trench,” paliwanag ni Narag. Ayon naman kay Office of Civil Defense (OCD) Region 4B information officer Georgina Opinion, sa ngayon ay wala pang nai-report na mga pinsala at mga nasawi dahil sa lindol.


‘"Wala pa kaming natanggap na ulat ng damages at casualties matapos ang lindol,” sabi rin ni Opinion sa radio interview. Ani pa Opinion, nakikipag-ugnayan na rin ang OCD sa mga local government units (LGUs) upang idetermina ang anumang naging epekto ng lindol.


“Patuloy ang ating pagmo-monitor. Fortunately, wala naman kaming reported damages na natanggap,” pahayag naman ni Ronald Torres ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Calatagan sa radio interview.


Inaalam na rin ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Bulacan, katuwang ang mga LGUs kaugnay sa posibleng pinsala sa lugar.


“Nag-iikot ang ating mga LGU sa mga barangay... Sana walang naging malaking damage sa Mimaropa,” saad ni Liz Mungcal ng PDRRMO Bulacan sa radio interview.


 
 

ni Lolet Abania | April 21, 2022



Niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang Manay, Davao Oriental ngayong Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).


Sa report ng PHIVOLCS, alas-5:57 ng madaling-araw naitala ang pagyanig na tectonic ang pinagmulan habang may lalim ito na 58 kilometro.


Ayon sa PHIVOLCS, walang naitalang pinsala sa mga imprastraktura dahil sa lindol at aftershocks. Gayundin, ini-report ng Reuters na base sa US Tsunami Warning System, walang naganap na tsunami warning matapos ang pagyanig.


Samantala, ayon sa Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MRRMO), isang paaralan sa Manay, Davao Oriental ang nagkaroon ng mga cracks matapos ang naganap na magnitude 5.3 na lindol nitong Miyerkules ng hapon.


“Meron kaming nakita na mga cracks din sa walls ng aming paaralan sa Barangay San Ignacio (We saw some cracks on the walls of our school in Barangay San Ignacio),” sabi ni MDRRMO head Cesar Camingue sa isang interview ngayong Huwebes.


Ayon kay Camingue, ininspeksyon na ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang napinsalang eskuwelahan, kung saan aniya, isang klasrum lamang ang idineklarang off limits sa ngayon.


Sinabi naman ni Camingue na wala silang na-monitor na anumang senyales ng posibleng tsunami nang kanilang itsek ang mga coastal areas ng Manay matapos ang lindol. Binanggit din ng opisyal na ang naturang bayan ay nakaranas ng maraming pagyanig nitong nakalipas na tatlong araw.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page