top of page
Search

ni Lolet Abania | September 26, 2021



Niyanig ng magnitude 5.7 na lindol ang central Taiwan ngayong Linggo nang umaga, ayon sa Central Weather Bureau (CWB) ng naturang bansa.


Ang epicenter ng lindol ay nasa layong 37.1 kilometro north-northeast ng Hualien County Hall ng Taiwan na may lalim na 45 km (27.96 miles), kung saan naramdaman ang pagyanig ng alas-6:21 ng umaga ngayong Linggo, Setyembre 26.


Gumagamit ang Taiwan ng intensity scale na 1-7 para masukat ang degree kung gaano naramdaman ang pagyanig sa partikular na lokasyon.


Naitala ang intensity ng lindol bilang 4 sa Hualien, Yilan, at Hsinchu counties.


May intensity level na 3 ang nai-record sa Taichung City, Nantou County, Taoyuan City, New Taipei City, Miaoli County, Taipei City, Chiayi County, at Yunlin County.


Nasa level 2 intensity naman sa Hsinchu City, Keelung City, Taitung County, Changhua County, Chiayi City, Tainan City, at Kaohsiung City, habang mas mababang intensity na 1 ang na-detect sa Penghu at Pingtung counties.


Ayon sa CWB, sa ngayon wala pang nai-report na nasaktan at matinding napinsala matapos ang paglindol.

 
 

ni Lolet Abania | September 22, 2021



Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang lugar malapit sa Melbourne, Australia ngayong Miyerkules, ayon sa Geoscience Australia na naitalang isa sa mga pinakamalakas na lindol sa naturang bansa, kung saan maraming mga gusali ang nasira at nagdulot din ng mga pagyanig sa kalapit nitong states.


Ang epicenter ng lindol ay malapit sa bayan ng Mansfield sa state ng Victoria na tinatayang nasa layong 200 km (124 miles) hilagang-silangan ng Melbourne at may lalim na 10 km (6 miles), habang ang aftershock ay naitala namang nasa 4.0.


Makikita sa mga larawan at video footage na lumabas sa social media ang mga nagkalat na tipak ng mga blokeng bato sa isa sa pangunahing lansangan sa Melbourne habang ang mga tao sa hilagang bahagi ng naturang lugar ay nagsabing nawalan sila ng kuryente at ang iba ay nagsipag-evacuate na mula sa mga gusali.


Naramdaman din ang lindol sa may kalayuang siyudad ng Adelaide na nasa layong 800 km (500 miles) gawing kanluran ng state ng South Australia, at Sydney na nasa layong 900 km (600 miles) gawing hilaga ng New South Wales state.


Gayunman, wala namang nai-report na matinding pinsala sa labas ng Melbourne habang wala ring naiulat na nasaktan matapos ang lindol. Halos kalahati ng 25 milyong populasyon ng Australia ay naninirahan sa timog-silangang bahagi ng naturang bansa na mula sa Adelaide hanggang Melbourne hanggang Sydney.


“We have had no reports of serious injuries, or worse, and that is very good news and we hope that good news will continue,” pahayag ni Prime Minister Scott Morrison sa mga reporters sa Washington.


“It can be a very disturbing event, an earthquake of this nature. They are very rare events in Australia and as a result, I am sure people would have been quite distressed and disturbed,” dagdag pa ni Morrison.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 19, 2021



Niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang Port-Olry, Vanuatu na may lalim na 89.5 km bandang alas-10 nang gabi noong Miyerkules, ayon sa tala ng US Geological Survey.


Unang naitala ng USGS ang naturang lindol bilang magnitude 7.1 na may lalim na 83.3 km ngunit ibinaba ito sa magnitude 6.9.


Samantala, kaagad namang naglabas ng pahayag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang nakataas na tsunami threat sa Pilipinas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page