top of page
Search

ni Lolet Abania | April 27, 2022


ree

Tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon na dumalo sa United States-ASEAN summit sa Washington DC, na gaganapin pagkatapos ng May 9 elections.


Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Miyerkules nang umaga, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makabubuti para sa kanya na dumalo sa May 11-13 summit dahil sa panahong iyon ay malalaman na at mayroon nang bagong pangulo ang bansa.

“May invitation kasi ako sa America to join ASEAN countries to have a dialogue with [US President Joe] Biden. Ang problema kasi the dates are May 11 to 13, ang aming conference. By the time tapos na ang eleksyon, malaman na natin kung sino ang bagong presidente,” saad ng Pangulo.


“Ang mahirap kasi kung ako ang nandu’n, I might take a stand that could not be acceptable to the next administration,” aniya pa.


Ipinahayag din ng Punong Ehekutibo ang tungkol sa kanyang safety kung magta-travel siya patungo sa US para sa nasabing summit.


“Kaya takot rin ako na pumunta roon. Una, mawala. Pangalawa, makapasok ako sa lugar na baka makatay lang ako. Pangatlo is a matter of principle. Noon pa sinasabi ko na talaga na ayaw ko. Reason is akin na lang ‘yun,” paliwanag pa ni P-Duterte.


Ayon sa Pangulo, inatasan na niya sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na pumunta sa US para talakayin ang aniya, ‘maraming bagay’, kabilang na ang ASEAN Summit at ilang kumpidensyal na usapin.



 
 

ni Lolet Abania | April 26, 2022


ree

Humigit-kumulang sa 20 private armed groups (PAG) ang nalansag ng Philippine National Police (PNP) bago pa ang May 2022 elections.


Sa isang interview ngayong Martes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na karamihan sa 20 PAGs ay mula sa Bangsamoro at bahagi ng local terrorist groups.


“More or less nasa 20 na po ‘yung ating na-dismantle, na-disband, at na-delist po doon sa listahan natin ng mga private armed group,” sabi ni Fajardo.


Ayon kay Fajardo, ilang mga politicians ang umano’y nagha-hire ng naturang PAG members kaugnay sa isinasagawa ng mga ito sa eleksiyon.


Kung may sapat na silang ebidensiya, sinabi ni Fajardo na magsasampa ang PNP ng mga reklamo laban sa mga nasabing politicians na nag-e-employ ng mga PAGs.


Binanggit pa ni Fajardo na ang National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups ay nakatakdang mag-isyu ng official resolution para i-delist ang tatlong natitirang aktibong pre-identified PAGs.


Matatandaan noong Abril 18, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kandidato sa 2022 elections na ang pagkakaroon ng mahigit sa dalawang body guards, aniya, ay nangangahulugan na bumubuo ng pagpapanatili ng private army, kung saan salungat ito sa election laws ng bansa.


“We have decided and have communicated this with the Cabinet... The rule should really be followed… that more than two bodyguards would be considered a private army,” saad ni Pangulong Duterte.


“And if you think there is danger to your person, a certain place or person, ipatawag ng RD ‘yan, ipatawag ng chief of police at kausapin. Maiwasan ‘yung away lalo na ang paggamit ng armas,” dagdag ng pangulo.


 
 

ni Lolet Abania | May 18, 2021



ree

Nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na sakaling tumanggi na magpabakuna kontra-COVID-19, ayon sa kanya, dapat ay mag-“stay home” o manatili sa kanilang tahanan sa dahilang nahihirapan ang mga awtoridad na kumbinsihin ang publiko na magtiwala sa pagpapabakuna.


Sa kanyang taped speech ngayong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na ang nabubuong pangamba ng marami sa epekto ng vaccines ay ‘walang basehan’ dahil wala pa aniyang namatay sa COVID-19 vaccines.


"Maniwala kayo sa gobyerno, maniwala kayo sa mga tao na inilagay n'yo d'yan sa opisina nila... Maniwala kayo, Diyos ko po kasi kung hindi, hindi kayo makatulong," ani P-Duterte.


"We cannot force you. But then, sana, kung ayaw n'yong magpabakuna, huwag na kayong lumabas ng bahay para hindi kayo manghawa ng ibang tao," dagdag ng Pangulo.


Iginiit din ng Pangulo na kapag hindi pa nabakunahan, madali itong mahahawahan ng COVID-19.


"Maghawahan talaga 'yan,” ani P-Duterte.


Ayon kay P-Duterte, dapat na sundin ng publiko ang payo ng mga doktor na magpabakuna na laban sa coronavirus, lalo na ngayong dumarami ang mga new variants ng COVID-19, kaysa umabot pa sa puntong infected na ng nasabing virus at hindi na talaga makahinga.


"'Pag hindi ka na makahinga, dalhin ka sa ospital, walang makalapit sa pasyente, doktor lang, nakabalot pa to avoid being infected,” ayon sa Pangulo.


"'Pag namatay kayo, diretso kayo sa morgue. 'Di mo mahalikan, ma-realize mo ang sakit. You will not be able to kiss your loved ones goodbye)," dagdag pa niya.


Samantala, ayon sa ginawang survey ng OCTA Research Group, isa lamang sa apat na residente ng Manila ang pumapayag na magpaturok ng COVID-19 vaccines, habang sa hiwalay na survey naman ng Pulse Asia, 6 sa 10 Pilipino ay hesitant o alanganin na magpabakuna ng COVID-19 vaccines.


Subalit para magkaroon ng herd immunity, kailangan na 70 porsiyento ng populasyon ng bansa ang mabakunahan. Ito rin ang tinatawag na indirect protection mula sa nakahahawang sakit, dahil kapag ang populasyon ay na-immune sa pamamagitan ng vaccination, madali nang malalabanan ang naturang impeksiyon, ayon sa World Health Organization.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page