top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | December 9, 2021



Nawalan ng P70,000 ang isang babae matapos ma-modus sa ATM machine sa Dumaguete City, Negros Oriental.


Ang mga suspek, mga babaeng kawatan na pinalitan ang ATM card ng biktima nang magkaproblema ang ATM machine kung saan sana ito magwi-withdraw.


Sa CCTV footage, nagwi-withdraw ang isang babaeng biktima sa ATM saka pumila ang tatlo pang babae sa kaniyang likuran.


Nang magka-aberya sa ATM, lumapit ang babaeng nasa likod ng biktima at kinuha ang kanyang ATM card para umano subukan sa kabilang machine ngunit doon na pinalitan ang card ng biktima.


Saka lang nalaman ng biktima na hindi na niya pagmamay-ari ang ATM card na kanyang hawak nang subukan niyang muling mag-withdraw, at nakita niyang iba na rin ang pangalang nasa card.


Natangay sa biktima ang idineposito niyang P70,000 sa bangko.


Ayon sa pulisya, posibleng nakuha ng suspek ang pin number ng biktima nang siya ay lapitan nito.


Kasalukuyan nang pinaghahanap ang tatlong babaeng suspek na nakunan sa CCTV.

 
 

ni Lolet Abania | May 30, 2021




Pumanaw na si Dumaguete City Vice-Mayor Alan Gel Cordova matapos makaranas ng heart attack nang dumalo sa isang bike event ngayong Linggo.


Si Cordova na nasa early 50s ay nakumpleto ang kanyang 14-day quarantine at nakarekober na sa COVID-19. Sinabi naman ng kanyang asawa na wala na silang alam na iba pang health condition ng bise-alkalde.


Ayon kay Councilor Joe Kenneth Arbas, kaalyado at malapit na kaibigan ni Cordova, nakibahagi ang vice-mayor sa isang “bike for a cause” sa Tanjay City na nasa 41 kilometro ang layo mula sa lungsod.


Habang sakay ng kanyang bisikleta pabalik na sa Dumaguete, bigla itong nag-collapse sa national highway sa Barangay Bantayan.


Isinugod si Cordova sa Negros Oriental Provincial Hospital subalit namatay din matapos na ilang beses i-revive.


“He [Cordova] would have been one of our legacies of good governance and honest service to the city. I have lost hope that Dumaguete would have a good leader like him,” ani Arbas sa mga reporters.


Unang nagsilbi si Cordova bilang councilor sa lungsod bago nahalal na vice-mayor noong 2019 elections.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 24, 2021





Nagpositibo sa COVID-19 si Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo, batay sa Facebook post ng pamahalaang lungsod ngayong umaga, May 24.


Ayon sa alkalde, “I received a call from IPHO (Integrated Provincial Health Office) right after dinner that my test results are positive for the COVID-19 virus.”


Paliwanag pa niya, sumailalim siya sa RT-PCR test kahapon bilang requirement sa National Peace and Order Council meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan Dumaguete City ang magiging host.


Aniya, “May 23, 2021, I took the RT-PCR test as a requirement for attendance in the National Peace and Order Council to be presided over by President Rodrigo Duterte on May 24, 2021 and hosted by the City of Dumaguete.”


Gayunman, inilahad niya sa Facebook post na matutuloy pa rin ang meeting kahit siya ay nagpositibo.


Sabi pa niya, “The meeting with President Duterte will push through as scheduled and Dumaguete City will be ably represented in said event.”


Sa ngayon ay asymptomatic ang lagay ni Remollo at kasalukuyan siyang naka-self-isolate.


“Regular functions of Government will continue in my physical absence as I will still be working while in isolation. I will also be continually abreast of the daily affairs of the City,” giit pa niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page