top of page
Search

ni Lolet Abania | May 18, 2021




Nagbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mamamayan na sakaling tumanggi na magpabakuna kontra-COVID-19, ayon sa kanya, dapat ay mag-“stay home” o manatili sa kanilang tahanan sa dahilang nahihirapan ang mga awtoridad na kumbinsihin ang publiko na magtiwala sa pagpapabakuna.


Sa kanyang taped speech ngayong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na ang nabubuong pangamba ng marami sa epekto ng vaccines ay ‘walang basehan’ dahil wala pa aniyang namatay sa COVID-19 vaccines.


"Maniwala kayo sa gobyerno, maniwala kayo sa mga tao na inilagay n'yo d'yan sa opisina nila... Maniwala kayo, Diyos ko po kasi kung hindi, hindi kayo makatulong," ani P-Duterte.


"We cannot force you. But then, sana, kung ayaw n'yong magpabakuna, huwag na kayong lumabas ng bahay para hindi kayo manghawa ng ibang tao," dagdag ng Pangulo.


Iginiit din ng Pangulo na kapag hindi pa nabakunahan, madali itong mahahawahan ng COVID-19.


"Maghawahan talaga 'yan,” ani P-Duterte.


Ayon kay P-Duterte, dapat na sundin ng publiko ang payo ng mga doktor na magpabakuna na laban sa coronavirus, lalo na ngayong dumarami ang mga new variants ng COVID-19, kaysa umabot pa sa puntong infected na ng nasabing virus at hindi na talaga makahinga.


"'Pag hindi ka na makahinga, dalhin ka sa ospital, walang makalapit sa pasyente, doktor lang, nakabalot pa to avoid being infected,” ayon sa Pangulo.


"'Pag namatay kayo, diretso kayo sa morgue. 'Di mo mahalikan, ma-realize mo ang sakit. You will not be able to kiss your loved ones goodbye)," dagdag pa niya.


Samantala, ayon sa ginawang survey ng OCTA Research Group, isa lamang sa apat na residente ng Manila ang pumapayag na magpaturok ng COVID-19 vaccines, habang sa hiwalay na survey naman ng Pulse Asia, 6 sa 10 Pilipino ay hesitant o alanganin na magpabakuna ng COVID-19 vaccines.


Subalit para magkaroon ng herd immunity, kailangan na 70 porsiyento ng populasyon ng bansa ang mabakunahan. Ito rin ang tinatawag na indirect protection mula sa nakahahawang sakit, dahil kapag ang populasyon ay na-immune sa pamamagitan ng vaccination, madali nang malalabanan ang naturang impeksiyon, ayon sa World Health Organization.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 13, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Huwebes nang gabi ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim ang NCR Plus na binubo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna sa general community quarantine "with heightened restrictions" simula sa May 15 hanggang 31.


Isasailalim din sa GCQ ang Apayao, Baguio City, Benguet, Kalinga, Mountain Province, Abra, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Puerto Princesa, Iligan City, Davao City, at Lanao del Sur.


Modified enhanced community quarantine naman ang ipatutupad sa City of Santiago, Quirino, Ifugao, at Zamboanga City.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 4, 2021



Muling binatikos ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga naging pahayag nito kaugnay sa sigalot sa West Philippine Sea (WPS).


Kinontra ni Carpio ang naging pahayag ni P-Duterte na wala siyang ipinangakong pagbawi sa West Philippine Sea (WPS) sa China nang kumandidato siya sa pagka-pangulo noong 2016.


Ayon kay Carpio, noong 2016 presidential debate, idineklara ni P-Duterte na magdye-jet ski siya sa Scarborough Shoal kung saan itatayo niya ang bandila ng Pilipinas.


Sa public address ni P-Duterte noong Lunes nang gabi, aniya, “I never, never in my campaign as president, promised the people that I would retake the West Philippine Sea. I did not promise that I would pressure China. I never mentioned about China and the Philippines in my campaign because that was a very serious matter.”


Samantala, sa televised debate noong 2016, saad ni P-Duterte, “Pupunta ako sa China. ‘Pag ayaw nila, then I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary diyan sa Spratlys, Scarborough. Bababa ako, sasakay ako ng jet ski, dala-dala ko 'yung flag ng Filipino at pupunta ako roon sa airport nila, tapos itanim ko. Then I would say, ‘This is ours and do what you want with me. Bahala na kayo.’”


Saad pa ni Carpio, "President Duterte cannot now say that he never discussed or mentioned the West Philippine Sea issue when he was campaigning for President.


"Otherwise, he would be admitting that he was fooling the Filipino people big time."


"There is a term for that— grand estafa or grand larceny. Making a false promise to get 16 million votes.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page